COA reports

[EDITORIAL] Incompetent much? ‘Unused and misused’ na pondo ng DOH

[EDITORIAL] Incompetent much? ‘Unused and misused’ na pondo ng DOH
Muling napatunayan na political leadership ang ikapapanalo o ikatatalo ng giyera laban sa COVID-19
AnimatEd Editorial Duque DOH 67B funds

Matapos ang Delta variant, sinabi ng Department of Health (DOH) na naitala na ang unang kaso ng Lambda variant sa Pilipinas. Kung mabagsik ang Delta, mas mabagsik umano ang Lambda. Habang nahahawa pa rin ang mga nabakunahan ng isang dose sa Delta, mukhang protektado naman ang mga fully vaccinated. Pero ang Lambda ay tila resistant sa bakuna, ayon sa mga paunang pag-aaral. 

Sa katunayan, dumaranas tayo ngayon ng pinakamalalang surge na naitala sa bansa. Nitong Linggo, Agosto 15, lumagpas na naman ang mga active cases sa 100,000 na kung saan nasa 14,700 ang bagong kaso.

Habang mabilis na nagbabago ang landscape ng giyera laban sa COVID-19, gaano kahanda ang ating DOH na mag-adapt sa sitwasyon?

Halimbawa, malaki ang posibilidad na ang unang kaso ng Lambda ay hindi nag-iisa. Bakit? Dahil limitado ang kapasidad ng bansa para sa genome sequencing kung saan matutukoy ang variant na dumapo sa isang pasyente. Isang testing center lamang ang gumagawa nito sa Pilipinas – ang Philippine Genome Center.

Paano malalabanan ang kaaway na hindi natutukoy?

‘Used and misused funds’

Ilang beses na nating sinabi na walang matinong contact tracing sa Pilipinas, at walang malawakang testing na nagaganap. Pero sa likod ng lahat ng isyung ito ay isang bagay: budget.

Ang siste, may pera naman, wala lang abilidad. Nakapanlulumo ang mga numero sa paggastos ng Department of Health.

  • P11.9 bilyon hindi nagamit para sa risk allowance at hazard pay
  • P1.2 bilyon ang hindi ginamit at hindi nadeliver na equipment
  • P2.8 bilyon ang nakatiwangwang na infrastructure projects
  • P95 milyon ang expired at hindi nagamit na gamot
  • P24.6 bilyon ang hindi nagamit para sa public health service
  • P65.3 milyon ang “deficiencies” sa pagbili ng assets
  • P306.7 milyon ang hindi nagamit para sa disaster risk reduction
  • P441.2 milyon ang “unauthorized in depository accounts”
  • P3.97 bilyon ang undocumented at kaduda-dudang transaksyon
  • Sa kabuuan, P67.3 bilyon ang pondong may “deficiencies”

Tumaas din ang kilay ng mga auditor sa P12 milyong gastos para sa video conference equipment at license kung saan nakapaloob ang gastos na P300,000 para sa isang laptop. Napakaganda na ng laptop na nagkakahalaga ng P150,000 sa merkado ngayon, anong meron ang laptop ng DOH?

Lahat ito sa ilalim ng punong timon ng DOH na si Secretary Francisco Duque – na survivor at malakas ang political instincts – pero tila ‘di naman mahusay na administrador. Sa katunayan, tinawag siya ng mga senador na incompetent. 

At tila may pagkakahawig ang mga kwento sa ibang departamento. Sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), P40 milyon lamang ng P5.58 bilyong budget ang nakarating sa mga drayber – isang sektor na pinakamatinding tinamaan ng pandemya. Sa madaling salita, may P5 bilyon – opo bilyon – na hindi nakarating sa mga kaawa-awang drayber sa ilalim ng service contracting program ng board. Nagtataka pa ba kayo na nanghihingi ng limos sa lansangan ang mga jeepney driver ngayon?

Parang walang pandemya

Sa P4.5-trilyong budget naman para sa 2021 na pinirmahan noong Disyembre 2020, P90 bilyon lamang ang itinabi para sa paglaban sa pandemya. Wala itong probisyon para sa financial aid para sa mga dukha, at ayon sa ilang lawmakers, hindi sapat ang idinagdag na pondo sa edukasyon, social services, labor at agrikultura sa konteksto ng pandemya.

Sa budget na ito malinaw ang “fixation” sa imprastruktura at hindi sa kalusugan. Kitang-kita ito sa budget cuts ng DOH (kumpara sa 2020) sa ikalawang taon ng pandemya. Kakapiranggot ang inilaan para sa mga bakuna at mga personal protective equipment (PPE).

Bakit sablay?

Ang COA audit ay snapshot ng ginawa ng DOH nang pumutok ang pandemya noong 2020.

Ang papetik-petik na paggamit ng pera para sa ikabubuti ng bayan ay trend, hindi lang sa DOH, kundi sa buong gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte. May premise ang 2021 budget na pahupa na ang pandemya kaya’t kakarampot ang pondo para sa bakuna at mga PPE. (Wishful thinking na naman.) Kalahati lang ng ipinamigay na ayuda noong 2020 ang natanggap na ayuda ng mahihirap ngayong 2021.

May iba namang teoryang umiikot sa social media. Ayaw daw bigyang solusyon ng gobyernong Duterte ang pandemya ngayon dahil sa tuma-timing ito para sa eleksiyon. 

Gusto raw nitong matapat ang pag-arangkada ng pagbabakuna at pag-ahon ng ekonomiya sa 2022 para sariwang-sariwa pa sa alaala ng mga botante sa Mayo 9, 2022.

At ang iniipit-ipit na mga pondo ng ayuda? Aba’y itotodo na ang gripo ‘pag nagsimula na raw ang campaign season!

Pero sa loob ng pitong buwan, kakalam ang tiyan at titirik ang mata ng mahihirap. Mamamatay ang ilang porsyento ng mga madadapuan ng COVID-19. Pero madaling makalilimot ang Pinoy ‘pag pumasok na ang mga banda at nagsayawan at nagkantahan na sa entablado ang mga kandidato.

Missed opportunities” ang tawag ang Commission on Audit (COA) sa mga pondong hindi ginamit nang tama ng Kagawaran ng Kalusugan. Kumbaga pera na, naging bato pa. Dagdag pa ng COA, sana’y kumilos nang may “urgency at efficiency” ang departamento sa gitna ng emergency ng COVID-19.

Kino-quote ni Marites Vitug sa kanyang newsletter si Francis Fukuyama na nagsabing ang political leadership ang mapagpasya sa pagkabigo o tagumpay ng mga pandemic strategy sa buong mundo.

Sabi ni Fukuyama, may mga pinuno raw na tiningnan ang pandemya na “threat to their own political fortunes and devised policies accordingly. Others took seriously their role as guardians of the public interest.” Alam na natin saan diyan si Duterte at Duque.

Pasalamat na lang tayo sa COA sa pagsa-shine the light. Tandaan natin ang kanilang natuklasan pagdating ng Mayo 2022. #WeDecide: AtinAngPilipinas. Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.