International Criminal Court

[EDITORIAL] ‘Justice is coming’

Rappler
[EDITORIAL] ‘Justice is coming’
Nakadepende sa ating mga botante ang malaking bahagi ng pagkamit ng hustisya
AnimatEd Editorial ICC Drug War

Binuksan na ng International Criminal Court ang imbestigasyon sa madugong giyera kontra droga ni Pangulong Rodrigo Duterte, kasama ang mga patayan sa Davao City noong siya ay mayor pa. 

Ito ang buod ng 41-page na desisyon. (BASAHIN: Killing as state policy: 10 things the ICC says about Duterte’s drug war)

  1. Hindi maituturing na “lehitimo” ang mga pagpatay sa kampanya kontra droga. Hindi rin maituturing na “kalabisan lang” ang mga pagpatay.
  2. Hindi maituturing na “lehitimo” ang mga pagpatay sa kampanya kontra droga. Hindi rin maituturing na “kalabisan lang” ang mga pagpatay.
  3. Madalas na inuudyukan ni Pangulong Duterte ang mga pagpatay.
  4. Mismong mga opisyal na dokumento ang nag-uugnay sa mga pagpatay sa giyera kontra droga.
  5. “Mukhang hindi maaasahan” ang drug watch list na “mukhang ‘arbitrary.'”
  6. Tinarget ng giyera kontra droga ang mahihirap na Pilipino.
  7. Pumatay ang mga “pribadong indibidwal” bilang bahagi ng giyera kontra droga.
  8. Walang “makahulugang hakbang” na ginawa ang pamahalaan upang imbestigahan ang mga pagpatay.
  9. “Malawakan at sistematiko” ang mga pagpatay.
  10. May pagkakapareho ang pambansang giyera laban sa droga at mga pagpatay sa Davao City noong mayor pa si Duterte.
‘Some people need killing’

Bibigyang diin namin ang #7. Tinukoy ng ICC ang mga pagpatay na malamang ay kagagawan ng “pribadong indibidwal.” Ito raw ang modus sa mga sitwasyong tulad nito:

  • Riding-in-tandem
  • Nilolooban ang mga bahay
  • Dinadampot pagtapos ay “itinatambak” ang katawan sa publikong lugar na may gapos at may cardboard sign na ito’y user o drug dealer

Sabi rin ng ICC, ang mga salarin ay maaring, una, mga officers ng pulisyang nagtatago ng kanilang identity; pangalawa, pribadong indibidwal na nagtatrabaho sa ilalim ng pulisya; at pangatlo, mga pribadong indibidwal na naudyukan ng pamahalaang pumatay dahil sa kampanya ng gobyerno laban sa droga.

Sa seryeng Some people need killing: Murder in Manila, ‘yan din ang napag-alaman ng Rappler. Mga vigilante na inatasan umano ng mga opisyal ng pulis ang salarin sa pagtugis at pagpatay sa mga pinaghihinalaang mga adik o may koneksiyon sa droga sa Maynila sa isang yugto.

Justice is coming

Ayon sa mga nagdiwang online, mula “change is coming,” ngayon daw ay “justice is coming” para kay Duterte.

Nagtanong naman ang iba kung magkaka-neck brace din daw ba si Duterte tulad ni Gloria Macapagal Arroyo na sa tingin ng marami ay diskarte lamang upang makakuha ng “house arrest.” 

Sabi pa ng isang netizen, patunay ito na “may araw din kayo.” 

Pero ang pinakamakahulugan ay ang tweet ng Notre Dame Law School professor na si Diane Desierto. Kino-quote niya ang walang kamatayang salita ni Martin Luther King. “The arc of the moral universe is long, but it bends toward justice.” 

Pero paano nito naaapektuhan ang kagyat na buhay natin? Dahil isa sa mga pangunahing dahilan bakit tumatakbong bise presidente si Duterte ay upang makapagluklok ng “friendly government” o presidenteng magpoprotekta sa kanya.

Sa madaling salita, nakadepende sa ating mga botante ang malaking bahagi ng pagkamit ng hustisya. Kailangang iboto natin ang isang presidenteng hindi hahadlang sa imbestigasyon ng ICC.

Kailangan natin ng isang pamahalaang magbabalik ng katinuan sa hanay ng pulisya at magwawaksi sa kahibangan ng war on drugs.

Kailangan natin ng mga pinunong mangangalaga sa karapatang pantao natin – hindi lip service sa isang abstraktong human rights – kundi magtatanggol sa karapatan nating mabuhay, mamuhay nang mapayapa, magawaran ng hustisya at mabigyan ng due process.

Matagal, mabagal at mahaba ang arko ng “moral universe” o moralidad ng sangnilikha. Pero kumikiling ito sa hustisya.

Tayo ang huling sangkap na hahatak sa moral universe tungo sa hustisya sa Mayo 2022.

Sa Martes, Setyembre 21, anibersaryo ng pagdedeklara ng Batas Militar. Sana’y matuto tayo sa kasaysayan – walang puwang ang mga otokratiko sa ating pamayanan.

Huwag bumoto ng mga mamamatay-tao. Huwag bumoto ng protektor ng mamamatay-tao. Huwag bumoto sa hindi gagalang sa karapatang pantao mo. #WeDecide: Atin ang Pilipinas. – Rappler.com