Calabarzon

[EDITORIAL] Ang kulturang kill, kill, kill

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Ang kulturang kill, kill, kill
Pangulong Duterte, hinalal kang presidente – hindi ka iniluklok na hari

Nangyari na nga. Kung noon, “out of sight, out of mind” ang extrajudicial killings ng administrasyong Duterte at target ang urban poor, ngayon, target na nito ang mga abugado at mga miyembro ng progresibong grupo tulad ng Calabarzon 9 nitong Bloody Sunday.

Naging garapal na rin ang pagpatay sa mga pulitiko. Tingnan niyo na lang ang pagpaslang kay Calbayog Mayor Ronald Aquino na dinamage-control ng pulisya at tinawag na “shootout.” Shootout na pala ang tawag sa pagpapaulan ng bala mula sa iisang direksyon.

[EDITORIAL] Ang kulturang kill, kill, kill

Patay, patay, patay. ‘Yan ang laman ng mga headlines. Ano’ng ginagawa ng Korte Suprema? Kung pagbabatayan ang mga orals laban sa mapanupil na Anti-Terrorism Law, hindi lang sila nasadlak sa analysis paralysis. Tila mas pundamental ang problema: Kaninong interes ba ang ipagtatanggol ng mga mahistrado na panay Duterte appointees? Kung mismong Kataas-taasang Korte Suprema ay hindi nakikinig sa kapwa nila abugado, saan na tayo pupulutin?

Anong ginagawa ng Department of the Interior and Local Government (DILG)? Pina-profile nito ang mga kasapi ng mga cause-oriented group na animo’y mga serial killer o terorista. Palakpakan ang DILG, mga kaibigan.

Kung ang mga abugado – ang mga tagapagtanggol ng batas – ay pinapatay, pinatatahimik, at sinisindak, kanino tayo dudulog?

Kung nagmistulang factory ng search warrants ang ilang hukom, paano tayo magtitiwala sa mga korte?

At tila wala tayong aasahang political will mula sa mga banyagang bansa upang sitahin si Duterte. Kitang-kita ‘yan sa malamyang tugon ng United Nations Human Rights Council sa kalunos-lunos na sitwasyong human rights sa Pilipinas. Tinawag nga ni UN Special Rapporteur for Summary Executions Agnes Callamard na “nakahihiya” o “shameful” ang resolusyon.

Tila nalulusaw na ang demokrasya at paghahari ng batas sa ating bansa right before our eyes. At kinikitil ng mga pagpatay na ito, hindi lang ang demokrasya, kundi pati ang tiwala natin sa kabutihan ng mga lider na ipagtatanggol ang tama at matuwid.

Kill, kill, kill na lang ba ang lengguwaheng maiintindihan ng lahat? Sabi nga ni Bise Presidente Leni Robredo, “[We] deserve better than this murderous regime.” Hindi karapat-dapat – hindi natin deserved – ang isang mamamatay-taong rehimen.

May isang tula tungkol sa Holocaust ng mga Nazi ang angkop na angkop ngayon, palitan lang natin ang ilang mga kataga.

Sa simula, pinuntirya nila ang mga umano’y “adik,” pero hindi ako kumibo dahil hindi ako adik.

Sumunod, pinuntirya nila ang mga umano’y “komunista” – ang mga progresibong grupo – pero hindi ako kumibo dahil hindi ako komunista.

Sumunod, pinuntirya nila ang kritikal na mamamahayag, pero hindi ako kumibo dahil hindi ako mamamahayag.

Sumunod, pinuntirya nila ang mga abugado, pero hindi ako kumibo dahil hindi ako abugado.

Nang ako na ang pinuntirya, wala nang natitirang kikibo para sa akin.

Kumakatok na sa ating pintuan ang kulturang kill, kill, kill, ang kultura ng impunity – ang pamana ni Duterte sa mga Pilipino.

Sabi nga ng dating senador na si Rene Saguisag kay Digong, “I believe your title is President, not King.” 

Pangulong Duterte, hinalal kang presidente – hindi ka iniluklok na hari. Hindi ka binigyan ng sukdulang kapangyarihan sa buhay ng lahat ng Pilipino. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!