International Criminal Court

[EDITORIAL] Gaano kahalang ang kaluluwa ni Duterte? Alamin sa kuwento ni Arturo Lascañas

Rappler
[EDITORIAL] Gaano kahalang ang kaluluwa ni Duterte? Alamin sa kuwento ni Arturo Lascañas
Dapat alamin natin ang kuwento ni Lascañas. Dahil infected din tayo ng virus na taglay niya
AnimatEd Editorial Lascanas affidavit Duterte DDS

Bakit mahalagang mapakinggan ang testimonya ng dating pulis-Davao na si Arturo Lascañas? Dahil ang kuwento niya ang bintana sa bulok na kaluluwa ng ating Pangulo – si Rodrigo Duterte – na inihalal ng 16 milyong tao.

Hangga’t hindi mo naririnig ang kanyang kuwento, abstrakto lahat ang “extrajudicial killings o EJK” at “summary executions.” Hindi mo dinig ang iyak, pagsusumamo, at desperasyon ng mga biktimang tila kinatay na baboy ang kinahinatnan. (WATCH: Arturo Lascañas in his own words)

‘Personal killing machine’

Gamit ang kanyang anti-crime task force – na binansagang Davao Death Squad o DDS – nagpatupad ang Davao mayor noon na si Duterte ng polisiyang pagpatay sa mga pinaghihinalaang kriminal.

Pero ayon kay Lascañas, hindi lang kriminal ang pinapatay – damay din ang kalaban sa negosyo. Walang sinasanto – babae, buntis, at maging batang musmos.

Personal killing machine to protect his personal and political interest.” ‘Yan ang tawag ni Lascañas sa DDS.

Ito ang mukha ng impunity – ang kakayanang gawin ang lahat ng kahayupan – kumitil ng buhay, mang-frame-up, pumatay ng buntis at bata – para sa kapangyarihan at pera.

Nag-level up ang DDS

Eto pa ang isang dahilan bakit mahalaga ang testimonya ni Lascañas.

Nasaan na ang mga Davao Death Squad at mga nag-command sa kanila? Ang dalawa’y senador na – si Bato dela Rosa at ang boy Friday ni Digong na si Bong Go. Andiyan din si Isidro Lapeña, Vicente Danao, Aiden Delvo, Edilberto Leonardo, Dionisio Abude, Antonio Rivera, Royina Garma, Leonardo Felonia, at Simplicio Sagarino. Hawak nila o humawak sila ng magagandang posisyon sa gobyerno.

Mahalaga ang testimonya ni Lascañas dahil gustong kumandidato sa pagkapangulo ng isang DDS – si Go. Ayon kay Lascañas, minsan ay si Go mismo ang nagbibigay ng order sa kung sino ang target. At pagkatapos, may pagkakataong sa kanya rin galing ang pabuya.

Iniuugnay rin ni niya ang isang businessman na parang hunyango – mula sa isang umano’y drug dealer, ayon kay Lascañas at dating anti-narcotics agent na si Eduardo Acierto – nag-transform si Michael Yang sa isang respetableng negosyanteng abot-langit ang impluwensiya sa Malacañang at nabigyan pa ng titulong “economic adviser.” Sobrang big-time na niya, kinaya niyang ma-award ang bilyon-bilyong kontrata ng gobyerno sa isang pipitsuging kompanyang walang track record at pondo sa bangko tulad ng Pharmally.

Tulad ng batang nagmumulto sa konsensiya ni Lascañas, dapat multuhin din si Duterte, Bato dela Rosa, Bong Go, at Michael Yang ng kanilang nakaraan.

‘Blind loyalty’

Bakit dapat panagutin ang mga pinuno ng hit squad sa salaysay ni Lascañas? 

Dahil ang mastermind nila ay naging pinakamataas na opisyal ng bansa. Kahit ang Godfather ng mafia sa sikat na pelikulang The Godfather ay hindi naging presidente. Sa madaling salita, nalabhan na, ikinula pa.

Siya’y tinitingala. Sinusunod nang walang tanong-tanong, kahit imoral at maaaring ilegal ang kanyang utos. 

Paano tayo matututo bilang isang pamayanan na magwaksi ng tinawag ni Lascañas na “blind loyalty” sa mga pinuno? Paano natin titiyaking may transparency at accountability ang mga lider?

Ang trahedya, maraming mga Mayor Duterte sa marami pang sulok ng Pilipinas. Sa maraming mga bayan at siyudad natin, naghahari ang impunity.

Baka akala ninyo ang editoryal na ito ay para kina Duterte, Bong Go, at ilan pang tulad nila. Hindi. Ito’y para sa inyo, sa amin, sa ating lahat.

We all have a Lascañas within us. Loyal, masunurin, at sumasampalataya sa isang lider na marupok at korap. Kumakapit sa ilusyon ng isang “strong and benevolent leader.” Katulad din ito ng alamat na inilalako ng anak ng diktador ngayon.

Sa bandang huli, hindi kakaiba ang kuwento ni Lascañas – ‘sing rupok niya ang maraming mga kawani ng gobyerno na nasa tanggapan ng pulisya at militar, sa kawanihan ng mga ahensiya, sa mga barangay, municipal at city hall.

Dapat alamin natin ang kuwento ni Lascañas. Dahil infected din tayo ng virus na taglay niya.

Mahalagang mapakinggan ang testimonya ni Lascañas.

Dahil ang kuwento niya’y kuwento ng kung paano inulol ni Rodrigo Roa Duterte ang mga Pilipino. – Rappler.com