COVID-19

[EDITORIAL] Lugaw is essential: 7 hugot

Rappler
[EDITORIAL] Lugaw is essential: 7 hugot
Ngayong katatapos lang ng Pasko ng Pagkabuhay, walang resureksiyong matatanaw para sa bansa

Bakit nag-react ang mga taga-online sa “lugaw is essential?” 

Parang sibuyas, maraming layers ang kuwentong “lugaw ay essential.” At parang sibuyas na binabalatan, mapapaluha ka sa buwisit. Narito ang pitong hugot.

UNA, kuwento ito ng incompetence. Mahigit isang taon matapos magsimula ang mga lockdown, lito pa rin ang mga tanod na kahit anong pagkain ay essential. Hindi namin sinisisi ang mga barangay tanod na ngayo’y humingi na ng tawad – sinisisi namin ang kanilang mga boss.

PANGALAWA, lagi nang mabigat ang kamay ng mga enforcers. Kumbaga sa magulang, ‘yung dapat ay masamang tingin lang, sininturon na. Sabi ng nag-video sa pagtatalo ng food delivery rider at barangay na naging viral: “Para kaming mga kriminal na huhulihin.” ‘Yan ang sakit ng mga enforcer natin, laging hindi commensurate response. Manang-mana…

‘Yung isang estudyanteng tumapak lang sa labas ng bahay para kumuha ng order – dinampot na. Naaalala niyo pa ba si Winston Ragos? Naninigarilyo lang siya sa labas ng bahay – dalawang bala sa katawan at libreng ticket sa langit ang napala niya. Tinaniman pa umano siya ng ebidensya. Parang tokhang, napaghinalaan lang na humihitit ng damo, bulagta na.

PANGATLO, hindi tayo pasaway. Uulitin namin ang sinabi ng epidemiologist na si Dr Antonio Dans. “Let’s stop blaming the people. They are doing everything they can to comply kaya lang we force them into crowds, we force them into enclosed spaces, we force them into situations where they cannot follow those four rules, the Apat Dapat.

PANG-APAT, accountability please. Inosenteng-inosenteng kinorek ni Presidential Spokesman Harry Roque ang maling impormasyon – na tila ba wala silang command responsibility. Aba’y di ba, the buck stops with you – mga taga-Malacañang? Kumbaga, sakit ito ng inyong kalingkingan, Mr Spokesman! Hay.

PANLIMA, bahagi ng buhay-lugaw ang mga langaw – tulad ng isang umeksenang interior undersecretary. Sabi ni Epimaco Densing III, “Hindi talaga essensial si Lugaw” at hindi niya tinutukoy ang Pinoy congee kundi si Bise Presidente Leni Robredo – na binansagan ng mga troll at kalaban sa pulitika na Lugaw Queen.

Densing, sa susunod, i-zipper mo na lang ang bibig mo kung wala kang matinong sasabihin – naungkat tuloy ang pagiging political appointee mo. Konting respeto naman sa duly-elected Vice President – marami na siyang napatunayan sa pagtugon sa pandemya kahit na kakarampot ang budget. Pinatunayan rin niya sa harap ng Presidential Electoral Tribunal na siya ang inihalal ng bayan at hindi si Bongbong Marcos. Densing, ayusin mo muna ang pagka-cascade ng impormasyon ng ahensya mo sa mga barangay bago ka magpacute.

PANG-ANIM, isang araw matapos ang Pasko ng Pagkabuhay – tila walang resureksiyong aasahan sa gobyernong ito – maliban sa pangungutya, kalupitan, at siyempre, pagpapasa ng sisi sa taumbayan. (PANOORIN: Bakit pumalpak ang tugon ni Duterte sa pandemya?)

Bakit naka-lockdown na naman tayo? Repeater na nga, mas malala pa! Hanggang lockdown at curfew na lang ba tayo habang paralisado ang contact tracing at naiwan sa mga local government unit ang pagbabakuna dahil wala palang maayos na plano at sistema ang gobyerno? Habang totoong nagkakaroon ng global surge ang COVID-19, puwede ba, kahit minsan, maging proactive naman ang mga lider at tunay na mag-isip at mag-execute ng matitinong plano. Tama na ang laging helpless na drama.

Bakit nangamamatay ang mga tao kaliwa’t kanan? Dahil nag-uumapaw na ang mga ospital sa kasong COVID-19. Hapong-hapo na ang mga frontliners sa dami ng nakapila sa intensive care units (ICU) at mukhang bibigay na ang health care system. Wala bang contingency plan para dito? Babalik tayo sa unang punto: kuwento ito ng incompetence.

AT PAMPITO: Ang lugaw ay simbolo ng kahirapan at paghihigpit ng sinturon. 

Simbolo rin ito ng survival sa gitna ng tag-hirap. Huwag niyong hamakin. Kapit lang mga kaibigan, at kung lugaw man ang kailangan upang makaraos, aba’y, ‘di ba’t “lugaw is essential” nga? – Rappler.com