Philippine inflation rate

[Editorial] Ang naglahong adobo sa hapag-kainan

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[Editorial]  Ang naglahong adobo sa hapag-kainan
Alin ba ang dapat inuuna ng pamahalaan: Highway o hanapbuhay? Bakuna o mapang-aping batas?

Manggagawa ka bang kumikita ng minimum wage na P537 kada araw? Pakinggan natin ang kuwento ni Mang Juan sa gitna ng recession.

Noong pumutok ang pandemya, nawalan si Mang Juan ng trabaho. Humanap siya ng sideline. Naglabada si misis, nagbenta ng kung ano-ano. Ang panganay niyang 12 anyos, nag-scavenger ng bote at dyaryo sa kapit-bahay at basurahan upang ibenta sa scrapyard, habang nakikipagtaguan sa barangay tanod na magkukulong sa kanya dahil sa curfew. 

Naghigpit ang pamilya ng sinturon at nagtiis. Kinaya nila ito hanggang nakahanap muli si Mang Juan ng trabaho. May kalayuan ang pinapasukan at halos nadoble ang tagal ng biyahe niya dahil sa haba ng paghihintay ng masasakyan. Limitado lang kasi ang sakay ng pampublikong behikulo. Sa totoo lang, takot na takot siyang magkasakit dahil magugutom ang pamilya niya pero kailangan pa rin niyang araw-araw na makipagsapalaran.

Kahit napakamahal, hindi niya pinatigil sa pag-aaral ang mga anak niya. Tumaas ang gastusin dahil sa distance learning ng mga bata – ipinangutang niya ang bagong laptop at pampakabit ng internet. Pasang krus niya ang gastos ng pagpapa-print ng sangkatutak na module. Pero iniisip na lang niya, kailangang makapagtapos sa pag-aaral kaagad ang mga bata upang balang araw ay makaahon sila sa hirap.

Sumunod ang mga bagyo ng Nobyembre 2020, lalo na ang Ulysses na sumalanta sa Metro Manila. Tumulo ang bubong at bumaha sa loob ng bahay ni Mang Juan. Nagkumpuni siya at nagmartilyo. Naghanap siya ng patapong yero at kahoy na pantapal sa bahay. Nakaraos ang mag-anak ni Mang Juan sa unang yugto ng lockdown.

Ngayon, suntok sa bituka naman ang kinakaharap niya. Ang baboy, umabot ng P450 nitong Enero, halos kasing-mahal na ng baka, habang ang manok ay nasa P160/kilo. Nagmahal din ang gulay.

Matagal nang hindi nakatitikim ng adobong baboy ang pamilya ni Mang Juan dahil malilimas ang badyet niya. Pasahog-sahog na lang ng konting karne at taba sa konting ginisang gulay.

Bakit umabot sa ganito ang buhay ng mahihirap na Pilipino? Ang karneng mahalaga sa kalusugan, halos hindi na abot-kaya. Kahit pagbili ng gulay, tipid na tipid. Sabi nga, kapag maikli ang kumot, matutong mamaluktot. Pero paano kung luray-luray na ang kumot?

Nasaan ba ang pamahalaang nangako ng pagbabago? Dalawang beses lang siya nakatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan nitong pandemya at ang sabi ng kapitan ng kanyang barangay, wala na raw darating pa.

Samantala, saan ba abala ang gobyernong ito? Bakit charter change ang pinagpipilitan ng mga kongresistang kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte? Sino ba ang makikinabang sa Cha-Cha – mayaman o mahirap?

Ang siste, kapag binuksan ang Konstitusyon, puwede nang irebisa ang lahat ng mga probisyon nito. Puwede nang palawigin ang termino ng pangulo. Puwede nang gawing federal ang sistema ng gobyerno at lusawin ang Senado. Napakaraming hokus-pokus na puwedeng gawin sa Cha-Cha.

Hindi rin maintindihan ni Mang Juan bakit naging prayoridad ng pamahalaan ang anti-terror law. Bakit hindi nila ayusin ang PhilHealth na tadtad ng korupsiyon, nang sa ganoon ay mas makaayuda sa mahihirap? Bakit hindi nila maapula ang COVID-19 gayong nagawa naman ito ng ibang bansa tulad ng Vietnam, na tulad ng Pilipinas, ay hindi naman napakayaman?

Kabisado ni Mang Juan ang ganitong psychology ng makapangyarihan. ‘Yan ang diskarte ng abusadong foreman sa pabrika, pati na rin ng abusadong kagawad ng barangay.

At tila ‘yan din ang diskarte ng liderato ng bansa, na palpak sa paglaban sa pandemya at pag-ayuda sa mahihirap, kaya inaaksaya na lang ang oras sa pagpapalapad ng kapangyarihan.

‘Yan ang diskarte ng mga inutil. Kailangan nilang busalan ang umaalma at namumuna. ‘Yan ang playbook ng mga otokratiko, na matapos maupo sa trono ay ayaw nang bumaba dito.

Tulad ng diktador na si Ferdinand Marcos, abala na ngayon ang kampong Duterte sa pagsesemento ng kapangyarihan – sa pamamagitan ng Cha-Cha, mapanupil na batas tulad ng anti-terror law, at pagpoposisyon sa mga tagapagmana tulad ni Sara Duterte. [BASAHIN: Anti-terror law oral arguments: ‘No other law punishes our state of mind’

Pero sa totoo lang, wala nang lakas si Mang Juan na pansinin ang mga isyung ‘yan. Patang-pata ang katawan niya sa hanapbuhay at biyahe. Pagod na pagod naman ang utak niya sa pag-aalala sa kinabukasang tila walang hatid na kasaganahan.

Lagi’t lagi, sinasabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hintayin natin ang bakuna. Pero nasaan na? Tila mahuhuli na naman ang Pilipinas, kahit nagsimula nang mag-bakuna ang ibang mga bansa sa Southeast Asia. Paano mangyayari ito kung kakarampot ang ibinigay na budget sa kalusugan at sa pagbili ng vaccines? (Basahin: [ANALYSIS] In 2021 budget, Duterte funds dubious infra projects, not vaccines)

Bagsak ang ekonomiya, at ang nakikitang solusyon ng mga economic managers ay ibalik ang dating kalakaran – gusto nilang pabalikin ang mga batang edad 10 taon pataas sa mga mall upang pasiglahin ang paggastos ng mga magulang.

Kailan makatitikim nang maayos na pasuweldo ang mga katulad ni Mang Juan? Kailan siya magkakalakas-loob gumastos kung lagi’t-lagi’y nakaamba ang gutom at COVID-19 sa buhay niya? (Basahin: [ANALYSIS] Duterte’s legacy: We’re the ‘sick man of Asia’ again)

Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo? Alin ba ang dapat inuuna ng pamahalaan: Highway o hanapbuhay? Bakuna o mapang-aping batas?

Sablay sa istratehiya. Sablay sa pagpapatupad. Salat pa sa puso. Welcome to the Philippines 2021. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!