[EDITORIAL] Matapos ang Nobel Peace Prize, isang umaatikabong 'salamat!' sa readers ng Rappler

Ginawaran ng Nobel Peace Prize ang Pilipinong mamamahayag at CEO ng Rappler na si Maria Ressa nitong Oktubre 8, 2021. Kasama niya si Dmitry Muratov ng Novaya Gazeta, isang pahayagan sa Russia.

Tinanggap ni Ressa ang karangalan para sa Rappler at sa lahat ng mamamahayag sa buong mundo.

Pero may dalawang matingkad na katanungan: Una, bakit iginawad sa mga journalist ang karangalan ng Peace Prize? At pangalawa, bakit ito ibinigay sa Rappler?

Aminado mismo ang chairwoman ng Nobel committee na si Berit Reiss-Andersen na “ang Nobel ay hindi isang premyo para sa journalism o para sa mga journalist.” Ibig sabihin, hindi ito premyong nagtataguyod ng excellence in journalism – ito’y premyong nagtataguyod ng kapayapaan.

Kapayapaan. Ayun, lumitaw na ang salitang palasak na ginagamit ng mga beauty queen at mga pinuno ng mga bansa.

Paliwanag ni Reiss-Andersen, ang freedom of expression o ang kalayaang magpahayag ay pundamental sa pagtataguyod ng kapayapaan. Bakit? 

Kailangan ng mga tao ng katotohanan upang maintindihan ang lipunang ginagalawan natin. Freedom of expression ang nagtitiyak ng “value and quality” ng katotohanang nasasagap natin. Mahalaga ang katotohanan upang makapagdesisyon nang tama ang mga tao: paano labanan ang pandemya o kung iboboto ang makapangyarihang taong may itinatago pala sa publiko.

Mahalaga rin daw makapagpahayag ang mga tao ng saloobin nang hindi natatakot na babalikan sila ng mga nasa poder.

Pagbibigay diin ni Reiss-Andersen, kailangan natin ng lipunan kung saan katanggap-tanggap ang hindi pagkakasundo o disageeement. Kailangan natin ng lipunan na kung saan ang dissent ay hindi pinaparushan.

Anong ngayon ang kaugnayan ng peace at freedom of expression?

Sabi ng Nobel, ang ginagawa ni Maria Ressa/Rappler at ni Dmitry Muratov ng Russia ay hindi lamang pagpo-produce ng mga programang pang-midya – ito raw ay “building societies” o paglalatag ng pundasyon ng mga demokratikong lipunan.

Sabi ng komite ng Nobel, krusyal ang demokrasya sa kapayapaan. Ito raw ang “thesis of the democratic peace” – na demokrasya ang "best defense" o pinakamainam na panlaban sa armadong tunggalian o armed conflict.

Kaya’t sa kontekstong ito, susi ang mga journalist sa kapayapaan.

At ayon sa Nobel, kinakatawan ng Rappler ang "gold standard" ng journalism.

Pinalawig din ng mga taga-Nobel ang krusyal na papel ng mga journalist sa panahon ng pagbaha ng impormasyong salat sa kalidad at madalas ay layong manlinlang.

Ayon kay Maria Ressa, iniilawan ng Nobel awards ang pagsusumikap ng mga mamamahayag laban sa disinformation or mapanlinlang na balita sa buong mundo.

Sabi pa ni Ressa, kalaban ng mga journalist sa buong mundo ang “commoditization of the truth.” 

Ano itong pagkakalakal ng katotohanan? Ito ang pagkakahon ng mga news organization sa sistema ng page views, na kapag mas konti ang nakakabasa, mas hindi ito ihahain sa iba pang mga mambabasa. Ang tumataas sa ranking sa social media platforms tulad ng Facebook at search engines tulad ng Google ay iyong nagpapaigting ng galit at poot; iyong nagbibigay ng half-truths at lantarang kasinungalingan.

Sabi pa niya, bumaba ang kalidad ng journalism dahil napipilitan ang mga mamamahayag na makipagkompetensiya para sa page views. Napakahirap daw itong gawin kung ang ipinanlalaban ay report na inabot ng mahigit kalahating taong isinaliksik at paulit-ulit na dumaan sa cross check. Dagdag pa niya, hindi sensational kaya’t "boring" ang investigative reports dahil ito’y sobrang higpit sa pagtulay sa katotohanan – hindi tulad ng eksaherado at mapanlinlang na balita.

Katahimikan ng Malacañang

Nagcongratulate na ang presidente ng Estados Unidos na si Joe Biden, dating US president Barack Obama, ang European Union, si Dalai Lama, at maraming pinuno ng iba’t-ibang bansa, pero nakalulungkot na sarili niyang gobyerno ay tila walang pakialam sa pagpanalo ni Ressa. Siya ang unang Pilipino at unang mamamahayag mula 1935 na ginawaran ng Nobel Peace Award.

(Ang German journalist na si Carl von Ossietzky ang huling mamamahayag na ginawaran nito matapos niyang isiniwalat ang muling pag-aarmas ng Alemanya na lumalabag sa Treaty of Versailles.)

Sabi nga ng isang netizen, matapos ang ilang taong pagtatangkang patahimikin ang Rappler, ang Malacañang ngayon ang napatahimik.

Tampok na issue ngayon ay kung makabibiyahe ba si Maria Ressa papuntang Oslo mula Maynila upang tanggapin ang award. Ilang ulit na ring nilabag ng gobyernong Duterte ang right to travel ni Ressa, kahit na noong nagkasakit ang kanyang ina sa Estados Unidos.

Salamat sa readers ng Rappler

Uulitin namin dito ang statement ng Rappler.

“Ikinararangal – at ikinagulat – ng Rappler ang Nobel Peace Prize Award na iginawad sa aming CEO na si Maria Ressa. Napapanahon ang karangalang ito sa panahong sinasalakay ang mga mamamahayag at ang katotohanan. Nagpapasalamat kami sa Nobel sa pagkilala sa mga journalist sa buong mundo na patuloy na lumalaban sa gitna ng kadiliman."

Maraming salamat sa lahat ng aming readers na kasama sa pang-araw-araw na pakikipaglabang itaguyod ang katotohanan. Salamat sa aming readers na tumutugon sa panawagan naming “#HoldTheLine.” – Rapper.com