[VIDEO EDITORIAL] Matapos ang Nobel Peace Prize, isang umaatikabong 'salamat!' sa readers ng Rappler

Ginawaran ng Nobel Peace Prize ang Pilipinong mamamahayag at CEO ng Rappler na si Maria Ressa nitong Oktubre 8, 2021. Kasama niya si Dmitry Muratov ng Novaya Gazeta, isang pahayagan sa Russia.

Tinanggap ni Ressa ang karangalan para sa Rappler at sa lahat ng mamamahayag sa buong mundo. 

Pero may dalawang matingkad na katanungan: Una, bakit iginawad sa mga journalist ang karangalan ng Peace Prize? At pangalawa, bakit ito ibinigay sa Rappler?

Mahalaga ang katotohanan upang makapagdesisyon nang tama ang mga tao: paano labanan ang pandemya o kung iboboto ang makapangyarihang taong may itinatago pala sa publiko.

Kailangan natin ng lipunan na kung saan ang dissent ay hindi pinaparusahan. Ano ngayon ang kaugnayan ng peace at freedom of expression?

Sabi ng Nobel, ang ginagawa ni Maria Ressa, Rappler, at ni Dmitry Muratov ng Russia ay hindi lamang pagpo-produce ng mga programang pang-midya. Ito raw ay paglalatag ng pundasyon ng mga demokratikong lipunan.

Sabi ng Nobel Committee, krusyal ang demokrasya sa kapayapaan. Kaya’t sa kontekstong ito, susi ang mga journalist sa kapayapaan.

At ayon sa Nobel, kinakatawan ng Rappler ang "gold standard" ng journalism.​​

Ayon kay Maria Ressa, iniilawan ng Nobel awards ang pagsusumikap ng mga mamamahayag laban sa disinformation o mapanlinlang na balita sa buong mundo.

Tampok na issue ngayon ay kung makabibiyahe ba si Maria Ressa papuntang Oslo mula Maynila upang tanggapin ang award. Ilang ulit na ring nilabag ng gobyernong Duterte ang right to travel ni Ressa.

Uulitin namin dito ang statement ng Rappler:

“Ikinararangal – at ikinagulat – ng Rappler ang Nobel Peace Prize na iginawad sa aming CEO na si Maria Ressa. Napapanahon ang karangalang ito sa panahong sinasalakay ang mga mamamahayag at ang katotohanan. Nagpapasalamat kami sa Nobel sa pagkilala sa mga journalist sa buong mundo na patuloy na lumalaban sa gitna ng kadiliman."

Maraming salamat sa lahat ng aming readers na kasama sa pang-araw-araw na pakikipaglabang itaguyod ang katotohanan. Salamat sa aming readers na tumutugon sa panawagan naming "#HoldTheLine." – Rappler.com