Rodrigo Duterte

[EDITORIAL] Walang grasya ang pardon ni Pemberton

[EDITORIAL] Walang grasya ang pardon ni Pemberton
Nakangingilong tawagin itong 'act of grace' dahil kahit papaano mo tingnan, walang 'grace' sa pagpatawad kay Pemberton

Malaking palaisipan sa marami ang pagpapatawad ni Presidente Rodrigo Duterte kay US Marine Joseph Scott Pemberton na lumaya na nitong Linggo, Setyembre 13. Si Pemberton ang pumatay sa transgender na si Jennifer Laude sa ‘Gapo noong 2014. Iniwan niya ang crime scene nang nakasubsob ang ulo ni Jennifer sa inidoro ng motel. Para sa hatol na homicide, nakalaya na siya matapos ang kulang-kulang na 6 na taon sa kalaboso.

Palaisipan dahil hindi ba’t matagal nang anti-US ang postura ni Digong? ‘Di ba’t ilang ulit din niyang nilibak ang mga Amerikano?

Tulad ng maraming bagay tungkol sa Pangulong ito, walang “what-you-see-is-what-you-get” sa pardon ni Pemberton. Sabi nga ng grupong Gender and Development Advocates Filipinas o GANDA, lahat ng anti-American na paandar ni Digong ay “all for show” o balatkayo lamang.

Hula naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque, tila tinitiyak daw ng Pangulong mauuna ang Pilipinas sa bakuna laban sa COVID-19. Nice try, Harry. Wala namang pakialam ang mga multinasyonal na pharmaceuticals kay Pemberton, at lalong hindi ipagpapalit ng mga Kano ang napakagandang bargaining chip tulad ng vaccine sa isang hamak na US corporal.

‘Tawagin niyo akong Mayor’

Pero lumilinaw ang misteryo kapag sinuri natin ang backstory ng Presidenteng nagsabing “tawagin ‘nyo na lang akong Mayor.”

Ito’y Presidenteng walang paggagap ng international dynamics ng diplomasya. Sa kabila ng pag-level-up sa Palasyo, utak small town mayor pa rin siya kung saan lahat ng bagay ay umiinog sa palitan ng pabor. Kaya’t si Xi Jinping ng Tsina ay “mayor-bro” niya na kailangang purihin at huwag pipikunin. Ang mga Amerikano ay manliligaw na madalas nasosopla, pero paminsan-minsan pinagbibigyan.

Ito’y Presidenteng narcissist o sobrang bilib sa sarili. Akala niya, isa itong Solomonic na desisyong sumasagip sa isang “kawawang” US corporal na naghanap lang ng aliw sa red light district ng Olongapo at na-good time ng isang sex worker. Akala niya ang pogi-pogi niya nang ginamit niya ang prerogative ng isang presidente, kahit sumasalungat sa mga abogado ng gobyerno.

Ang mas malala ay ang baluktot na konsepto ni Duterte ng hustisya. Inaksaya niya ang isang presidential pardon sa isang foreigner, dahil sa umano’y “injustice” na pagkaitan si Pemberton ng Good Conduct Time Allowance o GCTA. (Suspendido ito para sa mga Pilipinong akusado ng heinous crimes tulad ng murder pero convicted ng homicide, halimbawa – katulad ni Pemberton).

Papaano na ang mga presong hindi naaambunan ng awa ni Duterte, na araw-araw nagtitiis ng hindi makataong kondisyon sa kulungan? Paano na ang mga inosente sa ilalim ng baluktot na sistema ng hudikatura na pabor sa mayaman at makapangyarihan?

Sa pardon ni Pemberton kitang-kita ang bias ni Duterte para sa sundalo – Pinoy man o Kano – laban sa isang transgender. Sa macho politics ba niya, ‘sing walang kuwenta lang ng adik ang transgender? Tila tulad din ito ng pagbibigay permiso niya sa mga sundalong mang-rape ng tatlong babae at siya raw ang aamin.

‘Act of grace’

“Pardon is an act of grace on the part of the Chief Executive.” ‘Yan ang bulalas ni Justice Secretary Menardo Guevarra tungkol sa pinakabagong tumbling ng kanyang boss. Tahimik na lang si Guevarra kahit nagmukhang tanga ang mga abogado ng gobyernong sinalungat ni Duturte.

Nakangingilo ang gamit ng “act of grace” dahil kahit papaano mo tingnan, walang “grace” sa pagpapardon kay Pemberton.

Ang lumilitaw ay isang presidenteng walang grasya nang kampihan niya ang isang dayuhan laban sa isang Pilipinong LGBTQ+.

Lumilitaw ang isang pinunong walang grasyang maunawaan ang tunay na kahulugan ng katarungan.

Higit sa lahat, lumilitaw ang Pangulong walang grasyang umiwas sa nakahihiyang desisyong hindi maipagmamalaki ng bayan. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.