![[EDITORIAL] Tabo-tabo na lang ba laban sa oil spill?](https://www.rappler.com/tachyon/2023/03/animated-mindoro-oil-spill-carousel.jpg)
Nakapanlulumo na ang first response at pangunahing panlaban ng mga kababayan nating fisherfolk laban sa oil spill sa Oriental Mindoro ay tabo.
Ang mga salitang sumasapol sa nararamdaman ng marami: sense of futility, frustration.

Hindi ito pagmamaliit sa dugo at pawis ng mga mangingisda at kanilang mga pamilya. May gumagamit ng natural solutions tulad ng coconut husk at kawayan. Sa totoo lang, nakatutuwang makita ang mga creative na solusyon ng ating mga kababayan.
Pagsaludo ito sa kanilang alay na dugo at pawis – at pagkilala na sa kabila ng kanilang malaking sakripisyo, napakaliit ng nagagawa ng kanilang mga pansalok sa harap ng krisis sa kalikasan.
Hindi papetik-petik ang lokal at pamprobinsiyang gobyerno. Hindi kulang sa sinseridad at pagmamalasakit. Pero isang bagay ang malinaw – hindi handa ang national government na tumugon sa ganito kalaking problema.
Kinulit ng gobernador ang may-ari ng MT Princess Empress. Maraming back and forth. Tabo-tabo pa rin ang cleanup.
Pero dahil ilang araw na ang nakalipas, umabot na sa Antique – sa Sitio Sabang, Barangay Tinogboc, Liwagao Island, Barangay Sibolo, at Sitio Timbak, Barangay Semirara.
May maliit daw na posibilidad na umabot ang oil spill sa Boracay – opo, ang world class na tourism destination ng Pilipinas. Sana nga hindi.
Hindi petik-petik pero tabo-tabo pa rin dahil bottomline, hindi tayo handa.
Walang pa ring remotely operated vehicles o ROVs – mga underwater robot na mag-i-inspeksiyon ng hazardous water environments. Tatlo hanggang limang araw pa bago makarating ang ROVs. At tila nakasalalay ang cleanup sa third party cleaners na kinuha ng may-ari ng tanker.
Samantala, nagkakasakit ang mga tao. Kumakalat ang lason sa karagatan. Kumakalat ang apektadong mga mangingisda. Sa Pola town, hindi puwedeng kumain o magbenta ng isdang nahuli sa apektadong karagatan. Hindi puwedeng uminom ng tubig sa deep-well. Hindi puwedeng kumalat sa gabi ang kabataang pinasailalim sa curfew para na rin sa kanilang kapakanan.
Nabaligtad ang buhay ng mga residente, nawalan ng kabuhayan, at biglang umaasa na lang sila sa lokal na pamahalaan para sa simpleng tubig-inumin.
Tabo-tabo at watak-watak ang tugon. Tabo-tabo rin ang mitigation. Kahit delubyo ang kalaban.
Sana po, matutunan natin ang commensurate response na tatapat sa tindi ng problema. – Rappler.com
There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.