COVID-19 vaccines

[EDITORIAL] Katawan ko ito, sabihin ‘nyo sa akin ano ang ituturok ‘nyo

Rappler
[EDITORIAL] Katawan ko ito, sabihin ‘nyo sa akin ano ang ituturok ‘nyo
Sa bandang huli, respeto ng karapatan ang batayang isyu rito. At sawang-sawa na kami sa pagyurak at pagtapak sa aming mga karapatan
Editorial Covid-19 Vaccine AnimatEd May 24 2021

Ayan na naman ang Kagawaran ng Kalusugan – muli na naman nitong pinatunayang bagay na bagay palitan ang pangalan nito sa Kagawaran ng Kakitiran (ng utak).

Dahil tila salat ito sa konsepto ng patient’s rights – sa panahon pa ng pandemya – kung kailan isinakripisyo na natin lahat para sa kalusugan.

Ang gustong mangyari ng DOH, magpunta ang isang pasyente sa vaccination center nang bulag sa ituturok sa kanya. Para ka na ring pumayag pumunta sa simbahan upang magpakasal sa hindi mo alam sino sa mga manliligaw mo ang mapapangasawa mo. 

Ito’y dahil lamang sa gustong makaiwas sa siksikan at mahabang pila tulad ng nangyari nang magturok ng Pfizer ang mga lokal na pamahalaan.

Pipila ka ba at kung hindi mo gusto ang vaccine, uuwi ka ba? Eh di mafo-forfeit mo ang slot mo at masasayang ang oras mo, na-expose ka pa sa virus sa center.

Ang arte-arte ba natin? Aba, may karapatan tayong maging maarte at alamin ano ang ituturok sa atin bago pa tayo pumunta sa vaccination center. 

Dahil… katawan natin ito ‘no! ‘Di ba’t bawal ang rape o anumang porma ng pwersahang pag-violate sa ating mga katawan? Paano ito naiiba?

Hindi naman spin-a-win o tambyolo ang kalusugan natin. 

Sa totoo lang, lalong pinalalala ng gobyerno ang vaccine hesitancy. Ang magiging mindset sa simula pa lang ay atubili na: ‘Di na lang ako pupunta, baka Chinese vaccine pa ang mapunta sa akin.

Sabi nga ng isang mamamahayag at abogado sa kanyang Twitter post: Nung dinagsa ang Pfizer, nakita kung gaano kababa ang tiwala ng tao sa bakunang pinili ng gobyerno. 

Malaking isyu ang vaccine hesitancy sa harap ng tumataas na bilang ng mga bagong kaso sa lalawigan tulad ng Cagayan de Oro, Davao, at Iloilo. Hindi malayong humarap na naman tayo sa bagong surge lalo na’t nagsulputan ang mga bagong variant ng COVID-19.

Kung nais nating maabot ang inadjust nang target ng gobyerno na mabakunahan ang kahit kalahati man lang ng populasyon bago matapos ang 2021, hindi uubra ang ganitong diskarte.

Target ng administrasyong Duterte na mabakunahan ang 350,000 hanggang 500,000 kada araw, pero nasa 108,000 mahigit lamang ang average na natuturukan kada araw, batay sa sinampolan ng Rappler sa loob ng 7 araw.

Hindi ba’t dapat ikatuwa ng gobyerno at dinagsa ang Pfizer centers? Bakit hindi na lang nag-adjust at nagre-align ng resources at personnel para masalo ang mga ginanahan magpaturok?

Sa bandang huli, respeto ng karapatan ang batayang isyu rito. At sawang-sawa na kami sa pagyurak at pagtapak sa aming mga karapatan. Andiyang ipasa ang sisi sa taumbayan na umano’y pasaway kaya nagka-surge. Andiyang samantalahin ang pandemya upang magsabatas ng mapanupil na anti-terror law. At andiyang targetin ang mga nagpasimula ng community pantry na nagbibigay ng tulong sa mga nagugutom.

Sa bandang huli, nang nagkamali tayo ng ibinoto noong 2016 – wala sa hinagap natin na sine-set-up pala natin ang palpak na pamamahala sa COVID-19 response. The joke is on us, ika nga. 

Sana matuto na tayo – nakamamatay ang pagboto sa maling lider. #WeDecide. – Rappler.com