[EDITORIAL] PDP-Laban: Ang political clique ni Duterte sa 2021

Split and splinter” – pangkaraniwan na raw ito sa mga partidong politikal sa Pilipinas habang papalapit ang eleksiyon, ayon kay Rappler Managing Editor Chay Hofileña. 

Dati nang dumaan sa biyakan ang Partido Demokratiko Pilipinas na  itinatag ni Nene Pimentel noong 1982, na nakipagsanib sa Lakas ng Bayan (Laban) ni Ninoy Aquino. Matapos ang 1986 EDSA uprising, nahati ang PDP-Laban sa dalawang paksyon: ang grupo ni Pimentel at ang grupo ni Peping Cojuangco. 

Hindi nawasak ang partido ng split na iyon, pero magsu-survive kaya ito ngayong si Duterte na ang may hawak ng maso? 

Nagsimulang sumingaw ang iringan sa loob ng ruling party nang ibigay ni Senador Koko Pimentel kay Senador Manny Pacquiao ang puwesto niya bilang presidente ng partido. Wala raw sa proseso ang pamimigay ng puwesto – pero may mas malalim na hidwaan pang kumukulo sa likod nito.

Sa kabilang banda, malaking pera na rin ang naibuhos ni Pacquiao sa mga kandidato ng PDP-Laban. Pero sabi nga ni Hofileña, hindi naman utang na loob ang mapagpasya sa politika kundi ang “winning” o pagpapanalo sa eleksiyon. 

'Power struggle'

Nakaaaliw man sa isang antas, sabi ni Rappler reporter Camille Elemia, ang nagaganap sa harap natin ay isang power struggle o agawan sa poder. 

Bakit? Dahil susi ang magiging papel ng ruling party na kokontrol ng makinarya at impluwensya. Ayon nga sa political science professor na si Julio Teehankee, iginagawad ng Commission on Elections ang “dominant party status” sa naghaharing partido.

Tunggalian ito ng party chairman na si Pangulong Rodrigo Duterte at ang pinatalsik na party president, si Senador Manny Pacquiao – dating magkaututang-dila sa politika, na ngayo’y pinaghihiwalay ng pansariling interes.

Pareho silang taga-Timog, pareho silang popular, at pareho silang may ambisyon. Si Duterte, nag-aambisyong palawigin ang kapangyarihan at ipamana ito sa anak at sidekick. Si Pacman naman, malaki na ang naging investment mula sa kinita niya sa boksing sa isang hinaharap na kung saan isa siya sa top political guns ng bansa.

At habang alam ng lahat na mayaman at galante si Pacman, sabi naman ni Digong, magdadala siya ng "sako-sakong pera" sa campaign sorties ng PDP-Laban.

Nagtutunggali ang old guards ng PDP-Laban na kumampi kay Pacquiao, at ang mga bagong miyembro na kaalyado ni Digong. Ang siste, mas marami na ang bagong salta kaysa sa party originals.

Patunay ng tibay at lakas ni Duterte na napatumba niya ang mga old-timer tulad ni Koko Pimentel sa mismong partidong itinatag ng tatay nitong si Nene. Sabi pa ni Duterte: "Ipinaaalala ko lang kay Koko na ang kanyang partido, ang PDP, ay natutulog ng ’sandaang taon at nagising lang nang tumakbo ako sa ilalim ng ticket nito." Aruy.

Sa kabilang banda, tumaya ang partido ni Koko sa isang "outlier" at "dark horse" noong 2016 na si Duterte – bagay na isinusumbat din ng PDP-Laban old-timers sa presidente.

'Turncoatism'

Noong 2014, pinagtatalunan ng mga senador kung paano maipatutupad ang reporma sa eleksiyon. Kinuwestiyon ng ilan ang subsidiya para sa mga accredited na politikal na partido. May nagmungkahi ng paglilimita o paglalagay ng cap sa gastos sa eleksiyon. Pero ang pinakamalaking indikasyon na bulok ang sistema ay ito: ang tanggap na sistema ng political turncoatism

Sabi ng campaign manager na si Lito Banayo, may kilala siyang politiko sa Region 8 na dating kaalyado ng LDP ni Monching Mitra, pagkatapos ay tumalon sa Lakas nang nanalo si Fidel V. Ramos na pangulo, lumipat sa LAMMP ni Erap noong ito’y naging presidente, naging Lakas muli nang mamayagpag si Gloria Arroyo, at nag-Liberal Party nang nasa poder si PNoy.  Nasaan ngayon ang politiko? Aba’y siyempre, nasa PDP-Laban!

'Political cliques'

Sabi naman ng dating senador na si Sergio Osmeña III, wala raw tayong tunay na “political parties” sa Pilipinas at ang mayroon daw tayo ay “political cliques.” Dagdag pa niya, “Barka-barkada lang dito, grupo-grupo lang po iyan."              

Tunay na isang komedya ang sistema ng partidong politikal sa ating bansa. Sa ilalim ng trapo politics natin, walang ideolohiya, walang loyalty, walang prinsipyo, at walang tunay na plataporma kundi pansariling ganansya.

Marahil, ang sagot ng marami sa atin, “Wala akong pakialam sa rigodon nila.” Habang wala itong direktang epekto sa ating mamamayan ngayon, mayroon itong pangmatagalang bigwas sa ating bayan.

Sa ilalim ng two-party system dalawang partido lamang ang naghahari at bawal ang political butterflies. Mas hawig ito sa sistema sa Estados Unidos kung saan hindi katanggap-tanggap ang turncoatism. May pagkakataon ding mahalal ang mga kinatawan ng mga probinsya o ethno-linguistic groups. Mas may pagkakataon ang kababaihang sektoral ang agenda.

Sa ilalim ng multi-party system na laging bukas sa lilipat at mag-aabandona ng dating partido, walang kinikilatis na plataporma. Ang mahalaga, ilang likod ang kaya mong kamutin.

Nauso rin ang guest candidates. Anong bentahe nito? Nakakasipsip ang isang partido sa isang popular na kandidato.

Sa ilalim ng patronage-based politics ng Pilipinas, pangkaraniwan lang ang kuwento ng biyakang PDP-Laban. Marami pang ibang partidong dadaan sa ganito habang hindi narereporma ang bulok na sistema ng mga partido.

Sa bandang huli, taumbayan ang magmamana ng mga bulok na politiko, hungkag na plataporma, at barkadahang walang prinsipyo.

Sa bandang huli, mahahalal ang mga taong marunong lumaro ng sistema, pero walang tunay na malasakit sa bayan at sarili lang ang uunahin. – Rappler.com