[EDITORIAL] Sino'ng pumatay kay baby River?

Sinong pumatay kay baby River?

'Yan ang malaking palaisipan, habang tinitingnan natin ang mga larawan ni Reina Mae Nasino na naka-handcuff, at hindi man lang pinayagang mayakap ang anak sa huling pagkakataon. Sa ilalim ng PPE, hindi man lang niya mapunasan ang kanyang luha. Dumampi lamang ang kamay niyang nakaguwantes sa salamin ng kabaong ni baby River.

Walang-pusong mga institusyon?

Nasagasaan si baby River ng sistema ng hustisyang walang pagmamalasakit sa isang sanggol. Ito ang sistemang walang pasilidad na mag-alaga sa kalusugan ng isang babaeng detainee na bagong panganak. Pinatay siya ng kawalan ng insititutional health care para sa mga bilanggo -- isang karapatang pantaong dapat ay ipinatutupad ng ating mga kulungan.

Pinatay siya ng mga otoridad na walang-pusong nagwalay sa mag-ina matapos ang unang buwan ng buhay ng sanggol. Ito'y sa kabila ng mariing rekomendasyon ng doktor na panatiliing magkasama ang ina at ang baby.

Pinabayaan siya ng sistema ng korte na tila walang pagmamadaling tulungan ang inang nagsumamong makasama ang anak na naospital – kaya't hindi na inabutang buhay ang sanggol. At kahit mismong ang Korte Suprema ang nag-utos ng pagbibigay ng "relief" sa petitioner na si Reina Mae Nasino, naging huli na ang lahat.

Pero hindi lamang ang kalunos-lunos na health care system at makupad na sistema ng hustisya ang pumatay kay River.

Bengansyang pulitikal

Pinatay siya ng sistematikong pagbabansag sa mga aktibista na maka-kaliwa at komunista o red-tagging. Pinatay siya nang pinagdadampot ng estado ang mga aktibista sa Maynila at Negros sa kuwestiyonableng one-time, big-time raid matapos malusaw ang peace talks sa pagitan ng pamahalaang Duterte at Kaliwa.

Pinatay siya ng sistemang nagkulong sa kanyang ina at mga aktibistang tulad niya nang walang bail sa bisa ng umano'y trumped-up charges tulad ng "illegal possession of firearms and explosives."

Sa madaling salita, biktima si baby River ng pulitikal na pagtugis sa Kaliwa ng administrasyong Duterte. Pinatay si baby River ng bengansyang pulitikal na siya ring pumatay kina Randy Echanis at Zara Alvarez.

Pero hindi ito ang sistemang inasam natin. "We didn't sign up for this." Hindi ito ang demokrasyang dapat ay kapalit ng ating mga buwis. Hindi ito ang demokrasyang pinangarap natin nang bumoto tayo noong 2016.

Walang kalaban-laban ang kaawa-awang sanggol. Hindi siya binigyan ng malupit na lipunan ng pagkakataong mabuhay.

Sabi ng abugado at Rappler columnist na si John Molo, "Our system was meant to protect innocence. That baby was innocence personified."

'Overkill'

Sa mismong libing ni baby River, kitang-kita ang di-patas na pagtrato sa mayaman at makapangyarihan kumpara sa katulad ni Reina Mae.

Bakit kinailangan ng overkill na deployment ng 43 na jailguards sa libing ng sanggol? Ito'y sa kabila ng pagpapaikli ng furlough na ibinigay kay Reina Mei mula sa inaprubahang 3 araw na naging 6 na oras na lamang? Ito ba ang "kapos sa resources" na kanilang idinadahilan?

Bakit umiiral ang double standard na nagbigay ng furlough kay Bong Revilla na nakakulong noon para sa plunder upang makadalaw sa kanyang amang may sakit? Bakit kahit ang mga tulad ni Zaldy Ampatuan na nakakulong noon (at na-convict na) para sa multiple murder ay nakadalo pa sa kasal ng kanyang anak?

Bakit pahirapan ang furlough para sa isang pobreng inang may pulitikal na paninindigan na salungat sa mga nasa poder?

Tumingin sa salamin

Hindi na natin maibabalik ang buhay ni River, na naging casualty ng bulok na demokrasya natin na kiling sa mayaman, kiling sa makapangyarihan, at salat sa respeto sa karapatang pantao.

Ito ang bulok na pamamahala kung saan ang mga katulad ni MMDA Spokesman Celine Pialago ay may kapal ng mukhang tawaging "drama-serye" ang paghihinagpis ni Reina Mae bilang ina.

Nasaan na ang mahabagin at makataong batas? Magmilagro man at manumbalik man 'yan, wala na si baby River.

Kapag tumingin tayo sa salamin bilang isang lipunan, makikita natin ang isang bayang malayo ang nilakbay paatras sa loob ng 4 na taon.

Makikita rin natin sa salamin ang ibang mga bangkay ng mga sanggol at menor-de-edad na casualty ng giyera laban sa droga at sa Kaliwa: sina Kian delos Santos, Danica Garcia, Althea Barbon, Myca Ulpina, at marami pang iba.

Sa bandang huli, ang pagkamatay ni baby River ay kabiguan ng lipunang protektahan ang inosente at pangalagaan ang mahihina.

Pinatay si River ng pinulitikang hustisya at pambabastos sa karapatang pantao ng administrasyong Duterte.

Pinatay siya ng pananahimik natin. Pinatay siya ng pagpalakpak natin sa pamumuno ng terror. – Rappler.com