[EDITORIAL] Press Freedom Day: Pakikipagsabwatan ang manahimik

Bakit ginugunita sa buong mundo ang World Press Freedom Day?

Ito’y paalala sa mga gobyerno sa buong mundo na igalang ang pangako nilang itaguyod ang press freedom. Araw rin ito upang magmuni-muni ang mga mamamahayag sa mga isyu ng kalayaan sa pagbabalita at propesyonal na ethics.

Pero sa mga bansang tulad ng Pilipinas kung saan tinatarget ang midya, may iba itong kahalagahan: Ito ay araw ng paninindigan; ng muling panunumpa sa isang delikadong propesyon, kung saan hindi ka man mapag-initan, posibleng magutom ka naman (dahil sa pagkalugi ng mga kompanya o pagkakandado ng estado).

Halimbawa ng mga atake sa mga journalists sa Pilipinas:

  • 10 arrest warrants sa loob ng halos dalawang taon  – 'yan ang karanasan ng multi-awarded journalist na si Maria Ressa ng Rappler. (BASAHIN: Fighting the virus of lies)
  • Ipinasara ang pinakamalaking network sa bansa, ang ABS-CBN, dahil may kinikimkim na galit ang Pangulo at mga kaalyado niya laban sa reporting umano ng istasyon.
  • Inaresto ang Manila Today editor na si Lady Ann Salem, noong Human Rights Day 2020 sa bisa ng umano’y itinanim na ebidensya.
  • Mahigit isang taon nang nakakulong ang Tacloban journalist na si Frenchie May Cumpio matapos damputin sa tinagurian ng mga otoridad na “Commmunist Terrorist Group safe house” – isang “level-up” mula sa simpleng red-tagging.
  • Paboritong target ng red-tagging at death threat si editor-in-chief Kimberlie Quitasol at ang kanyang mga kasamahan sa Northern Dispatch.
  • Noong Agosto 2019, binaril ang correspondent ng Northern Dispatch na si Brandon Lee sa harap ng kanyang bahay sa Ifugao.
  • Maya’t-mayang nirered-tag, binabato ng fake news, pinagbabantaan ang buhay at pinipintasan ang pisikal na anyo ng mga mamamahayag na sina Rowena Paraan at Inday Varona.

Dahil 'yan ang katotohanan ng mga matitigas ang ulo at patuloy na tinatawag ang sarili na “journalist.” Sabi nga ng isang peryodista: “It’s not safe, it’s not lucrative.”

Batay sa Social Weather Stations survey noong Hulyo 2020, karamihan ng mga Pilipino ay naniniwalang “delikado” ang “maglathala o magbrodkast” ng “kahit na anong kritikal” kay President Rodrigo Duterte “kahit na totoo.”

Sa buong mundo, lalo na sa mga bansang pinamumunuan ng mga despotiko at junta, ang midya ay sinecensor, pinagmumulta, at kinakaladkad sa korte. Ang mga journalist ay hinaharass, inaatake, at pinapatay.

Ngayong Press Freedom Day 2021, higit kailanman kumikitid ang espasyo para sa kalayaan. Mas mabagsik ang atake sa malayang pamamahayag at sa mga truth-tellers. 

Hindi man sinadya, nagiging kasabwat pa ng mga tagapaghasik ng kasinungalingan ang mga social media platforms, lalo na ang Facebook, na behikulo ng pagkalat ng paninira at disinpormasyon – ang tinatawag ni Ressa na “virus of lies.”

Pero mas delikado ang lagay ng mga babaeng mamamahayag.

Sa report na “The Chilling,” sinabi ni Julie Posetti ng International Center for Journalists na may “impunity” ang mga umaatake online sa mga babaeng journalist. Impunity ay ang kawalang-parusa ng isang aksyon sa kabila ng kasamaan nito. 

Sinasabi ng report na 20% ng mga babaeng journalist ay nakaranas din ng atake sa tunay na buhay. Sabi ni Ressa, “What happens on social media doesn’t stay on social media.”

Binaha ng mga kaso si Ressa at ang Rappler – at maaaninag dito ang fingerprint ng Office of the Solicitor General. 

Higit kailanman, kailangan naming mamamahayag ng suporta mula sa mga taong nagmamahal sa kalayaan. Ito'y lalong-lalo na para sa mga kapatid namin sa hanapbuhay na nasa probinsya at hindi nabibigyan ng publisidad.

Sa kanyang talumpati sa harap ng United Nations bilang awardee ng 2021 UNESCO/Guillermo Cano World Press Freedom Prize, sinabi ni Ressa na “silence is complicity” – pakikipagsabwatan ang manahimik.

Hinimok niya ang mga taga-United Nations, lider ng bansa, politiko, human rights worker, journalist, at ordinaryong mamamayan na lumaban at ipanalo ang “battle for integrity” o ang laban para sa integridad.

Ngayong araw ng kalayaang mamahayag, simple lang ang hiling namin: Let’s us do our job. Pabayaan niyo kaming gawin ang aming trabaho. 

Pabayaan niyo kaming magsilbi sa “public good,” bilang pagkalinga namin sa “public trust” o tiwalang pampubliko na iginawad ninyo sa amin. Kami ang inyong gatekeepers, kami ang inyong boses, at kami rin ang tagasita sa kalabisan ninyo, sampu ng mga nasa gobyerno at poder.

Let us do our job.Rappler.com