Duterte administration

[EDITORIAL] Ang mga promotor ng money heist sa pandemya

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Ang mga promotor ng money heist sa pandemya
Connect the dots: Lumilitaw ang outline ng isang pinaghihinalaang Chinese mafia sa Palasyo

Sino si Michael Yang? Let’s connect the dots.

Ayon sa veteran police intel officer na si Eduardo Acierto, sangkot ang BFF ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Michael Yang sa drug trade. 

Dinala pa ni Acierto ang report sa Malacañang dahil gusto niyang magbigay-abiso sa Pangulong akala niya’y nalilinlang lang. Sabi pa ni Acierto, ang pinakamalaking pagsisisi niya ay ang naniwala siyang seryoso si Duterte sa paglaban nito sa droga. 

Binale-wala ni Duterte ang intel report ni Acierto at ito ang tugon niya noong 2019: “Why is that son of a bitch still alive?” Kahit sinong pulis, isa ang maririnig na mensahe sa mga salita ng Pangulo: Dapat tugisin at patayin si Acierto. Ganito rin katindi ang reaksiyon ng Pangulo laban kay Senador Richard Gordon nang ungkatin nito ang koneksiyon ni Yang sa droga.

Sa katunayan, walang sablay na todo depensa si Duterte kay Michael Yang. 

Kaya’t ang tanong: Ano ba ang hawak ni Yang kay Dutere?

Sino – at ano – si Michael Yang?

Pero bago ‘yan, sino at ano ang papel ni Michael Yang sa pinakamalaking money heist sa panahon ng pandemya?

Tinawag mismo ni Duterte si Yang na “pagador” o paymaster. 

Ayon naman sa pipitsuging negosyante na nasa kalahating milyon lang ang puhunan nang nagsimula at ngayo’y kumita ng bilyon-bilyon, si Michael Yang ang guarantor nila sa mga supplier sa Tsina – pero hindi lang ‘yan – siya rin ang financier nila. 

“So we will not be blacklisted, [Yang] offered to lend us money,” sabi ni Pharmally Pharmaceutical Corporation chairman Huang Tzu Yen sa hearing sa Senado

At dahil donor siya sa mga proyekto ng Pangulo, hindi lang siya naging economic adviser, hinala namin, naging endorser din siya ng mga kontrata.

Hinala namin, naging passes ang pangalan niya sa pagpapalusot ng mga umaalingasaw na bid sa mga katulad ni ex-undersecretary Lloyd Christopher Lao ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM). Hinala namin, naging insentibo ang pangalan niya para i-expedite ang mga papeles ng walang-K na mga kompanyang tulad ng Pharmally na hindi kalipikado.

Iko-connect pa natin ang dots – dahil malinaw na may isa pang papel si Michael Yang sa iskemang ito. 

Paymaster. Guarantor. Financier. Endorser. Talaga bang nagpagamit lang si Yang sa mga taga-Pharmally? Naniniwala ba kayong hindi frontman si Huang Tzu Yen ni Michael Yang, idineny man ito ng Singaporean sa Senado?

Sa bandang huli, malinaw ang direksiyon ng mga arrow: tila nakaturo ito kay Michael Yang na hindi lamang simpleng “kaibigan” ng Pharmally. Malamang pawn niya lamang si Huang Tzu Yen at ang mga negosyante sa network ng kompanyang konektado dito.

At kung totoo ang paratang ng imbestigador (na umani ng maraming medalya) na si Acierto – hindi kaya ang perang “ipinautang” ni Yang sa Pharmally ay galing sa underworld?

Kung totoo ang pinatutunguhan ng connect the dots natin – henyo, di ba? Naging lehitimong pera na ang umano’y dirty money, kumita pa ng limpak-limpak. Ipinakita nga ng report ng Rappler na lumawak pa ang business empire ni Yang at kanyang mga associates kung saan pati POGO at real estate ay pinasok nila.

Lahat ng ‘yan sa cover ng pandemya. Chika-chika lang sa Davao ang tunay na puhunan.

Isisingit pa namin ang isang bagay na magpapalaglag sa inyo sa kinauupuan ’nyo: Paano naging economic adviser ni Duterte si Yang na true-blue Chinese citizen kung hindi ito nakapagsasalita ng Ingles (at nakaiintindi lang daw ng kaunting Filipino)? Vetted ba ang interpreter ni Yang ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA)? Hindi ba maliwaw na security breach ito ng pinakamataas na pinuno ng bansa?

Anong sabi ng gabinete?

Lumabas muna tayo sa pinaghihinalaang Chinese mafia sa Palasyo na binubuo ng Pharmally, mga opisyal ng PS-DBM, si bespren Yang, at logically speaking, talagang damay si bossman Duterte.

Hindi ba ito kinuwestiyon ng finance secretary ni Duterte na si Sonny Dominguez, na diumano’y eksperto sa usaping pang-ekonomiya? 

Hindi ba ito kinuwestiyon ni Trade and Industry Secretary Ramon Lopez na siyang nanawagan sa mga industriya sa bansa na irepurpose ang kanilang assembly line, at personal protective equipment o PPE muna ang i-manufacture?

“That is why we repurposed. We heeded the call of [Trade] Secretary [Ramon] Lopez and understand the need of the country,” sabi ng isang pinuno ng samahan ng mga local supplier ng PPE. (Tunay na mga supplier ito, hindi middleman tulad ni Pharmally.) 

Pero ano ang napala nila? Hindi sila pinansin ng DBM at barya-barya lang ang mga kontratang nai-award sa kanila, kung naambunan man. 

Ilang milyong trabaho sana ang nalikha ng ganitong economic activity? 

Pero hindi, dahil gahaman ang nakaupo, wala silang pakialam sa paglikha ng trabaho. Ang tanging habol nila ay ibigay sa mga pinapaborang banyaga ang kontrata dahil – alam ‘nyo na – pampakapal ng bulsa.

Secretary Lopez, ikaw ang nanawagan sa mga negosyanteng Pinoy – sana naman ay kumibo ka. Hindi ka ba nakokonsiyensiyang dinala mo silang parang tupa sa slaughterhouse?

Ayan, mga kaibigan, ang panganib ng Yes Men sa gabinete. Ano ba ang nalalaman ‘nyo? Ito na ang panahong kumibo. (Hindi na namin tatanungin ang role ni Health Secretary Francisco Duque. Tila marami ring alam ang isang ‘yan kaya’t hindi matanggal-tanggal.)

Dito umaalingawgnaw ang sinabi ni dating senador Joker Arroyo: “We cannot have a country run by a thief.” (Or thieves.)

Tanong ng mamamahayag na si Inday Espina-Varona: “Bakit kamo kaya pang magnakaw sa ilalim ng krisis?” 

Ang sagot niya: “Dahil ang likas na mamatay-tao, nag-oorgasmo sa kalbaryo ng ibang tao, at ang tingin sa krisis ng iba ay pagkakataong maisulong ang personal na interes.”

“Nag-oorgasmo sa kalbaryo ng ibang tao.” Aray ko po. ‘Yan ang mga taong iniluklok natin sa kapangyarihan. Magsilbi sanang mapait na leksiyon ito sa darating na halalan. #WeDecide: Atin ang Pilipinas. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!