disaster preparedness

[EDITORIAL] Sa panahon ng bagyo, kahit kawayan nababali

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Sa panahon ng bagyo, kahit kawayan nababali
Ang problema sa resiliency, nagbibigay daan ito sa pagtanggap, at hindi sa pagbabago

Sabi ng yumaong dating interior secretary na si Jesse Robredo, hindi pagmomobilisa para sa malakas na ulan o bagyo ang kahulugan ng “disaster preparedness.” Ang tunay na paghahanda raw ay “disaster proofing” sa pamamagitan ng development plans sa lokal na antas.

Hindi drayber ang siyensya

Maraming nagtatanong ngayong dumalaw ang Typhoon Rolly sa bansa, “#NasaanAngPangulo?” Sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, nagmomonitor daw mula sa Davao si Presidente Rodrigo Duterte.

Mukhang kampante ang Presidente dahil ang may hawak ng manibela ay ang mga dating militar – ang tinatawag niyang “mga sundalo ko.” 2018 pa lang, ipinaubaya na ni Duterte ang pagpapalakad ng 1/3 ng gobyerno sa mga dating militar.

Ito ang militar na kalimitan ay shock and awe ang sagot sa pandemya. Ito ang mga heneral na gustong damputin ang mga asymptomatic na pasyente mula sa kanilang mga tahanan at sapilitang dalhin sa mga isolation buildings. Sa kabilang banda, ang mga bansang matagumpay na nakakontrol sa kanilang pandemya ay ‘yung mga nagtalaga ng mga sibilyan at health experts tulad ng Vietnam at Singapore.

Habang maaaring malaking asset ang karanasan sa giyera ng mga sundalo, ang problema sa kanila ay ito: “science takes a backseat.” Kaya siguro halos kulelat ang Pilipinas sa pagsugpo ng COVID-19 sa Asya?

Sabi pa ni Roque, ang mandato ng Presidente’y “gawin ang lahat nang maisalba na naman ang ating mga kababayan dito sa trahedya ng Super Typhoon Rolly.” Pansinin ang ginamit na salita: isalba. Mukhang sapul na sapul ng pamahalaan ang kasabihang “huli man daw at magaling, naihahabol din.”

Ang tawag ng mga estudyante d’yan ay “cramming.” Nasaan na ang foresight at ang “weather proofing?”

‘Zero casualty, zero transmission?’

Sa isang forum kung saan tinanong si Defense Secretary Delfin Lorenzana tungkol sa preparasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at ng Office of Civil Defense (OCD) para sa panahon ng bagyo, ito ang kanyang tugon: Panatag daw siya dahil “nakalatag na ang mga sistema at kapasidad” ng mga regional development councils.

Pero ano ang realidad “on the ground?” (BASAHIN: Pandemic exposes gaps in PH’s evacuation centers)

Mahaba man ang kasaysayan natin sa pagiging resilient o mabilis mag-adjust sa harap ng sakuna tulad ng lindol, pagputok ng bulkan, at mga super typhoon, hindi naganap ang mga sakunang iyon sa gitna ng pandemya.

Papaano matitiyak ang sabay na pagpapatupad ng zero casualty at zero transmission?

Congestion at kapos na pondo

Dapat nakakasa ang disaster planning na sasalo sa patong-patong na scenario ng pandemya, lindol, bulkan, at hindi lang bagyo.

Malaking problema ang congestion ng mga inilikas – lalo na’t nailaan na ang mga dating lugar na ginagamit para sa evacuation bilang isolation wards ng COVID-19.

Kitang-kita ito sa sitwasyon sa Masbate sa harap ng magnitude 6.6 earthquake nitong Agosto. Kapos na nga sa pasilidad para sa evacuation at COVID-19, naging delikado pa ang maraming mga pasilidad dahil sa lindol.

Sabi ng mga eksperto, hindi madadaan ang zero casualty/transmission sa simpleng pagdadagdag ng evacuation centers. Kailangan din ng kalidad ng mga pasilidad. Pero kapos na kapos ang mga evacuation centers na akma sa design standards na tiyak na mag-aalaga sa kalusugan.

Ang baseline requirement para sa matinong evacuation center ay ito: may breastfeeding room, storage o logistics area, rainwater collector, solar panel, palikuran (comfort rooms), mga kuwarto para sa persons with disabilities (PWD), klinika, at mga kuwartong child-friendly.

Isa pang problema ang budget. Said na ang mga pondo para sa disaster management dahil sa pandemya. Saan huhugot ng ayuda ang lokal na pamahalaan?

May mga LGU na naka-adjust noong panahon ng Typhoon Ambo. Halimbawa, sa Northern Samar, inilatag ang mga kasunduan kung saan kukupkupin ng mga pribadong establisemyento ang mga evacuees. Sa maraming bahagi ng bansa, gumamit ng modular tents ang maraming LGUs na nakapagsisiguro ng physical distancing.

Kung may matinong liderato sanang titingin sa datos pang-nasyonal at hindi lang aasa sa wartime experience, makikita ang mga butas sa pera at pasilidad — at magiging mas epektibo ang tulong ng pribadong sektor.

Kaya pa ba?

Habang maganda sana kung nagparamdam si Duterte bago tumama ang bagyo – mas mahalaga ang foresight ng mga lider sa lahat ng antas. Kung totoo lang sana ang sinabi ni Lorenzana na nakaplantsa na ang lahat.

Nakalulungkot na kapos pa rin ang policy reforms na magpipihit sa disaster response mula sa simpleng paglilikas at pagbabahay sa mga bakwit patungo sa epektibong institusyonal at sistematikong paghahanda.

Malapit na sa breaking point ang mga Pinoy sa harap ng pandemya at sakuna. Walang trabaho o kapos ang kinikita. And’yan pa ang stress na dulot ng distance learning. Pahirapan sa pampublikong sasakyan. Andiyan din ang palagiang takot na mahawa ng virus. Ngayo’y nadagdagan pa ang sakit ng ulo ng tumutulong bubong, bumabahang mga kalye, at pag-e-evacuate sa hagupit ng bagyo.

“Resilient” daw ang Pinoy – na madalas ihambing sa kawayang marunong sumayaw sa malakas na hangin. Sabi nga ng Rappler columnist na si Shakira Sison, ang problema sa resiliency, nagbibigay daan lang ito sa pagtanggap, at hindi sa pagbabago.

Sa harap ng paulit-ulit at sabay-sabay na pananalanta ng sakuna at pandemyang pinalala ng incompetence – kahit kawayan, may hangganan – nababali, bumibigay. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!