Leni Robredo

[EDITORIAL] Robredo at Duterte sa Ulysses: Kuwento ng pagong at kuneho

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Robredo at Duterte sa Ulysses: Kuwento ng pagong at kuneho
Malinaw ang natutunan ng Bise Presidenteng nasa laylayan: Natuto siyang tumulay sa gilid-gilid ng burukrasya

Noong kasagsagan ng bagyong Ulysses, kumonek si Bise Presidente Leni Robredo sa Armed Forces of the Phiilippines at sa Philippine National Police. Ipinaabot niya sa mga unipormado ang impormasyong kritikal sa pagresponde nila sa mga nasalanta ng bagyo. May masama ba roon? 

Gamit ang perang kinalap niya mula sa pribadong sektor, namigay siya ng relief goods at PPEs. May masama ba roon?

Pagmomobilisa ng gobyerno, pribadong sektor, at mga mamamayan ang kailangan sa panahon ng disaster at ito ang inihatid ni Robredo. Wala siyang access sa media platforms ng gobyerno kaya’t social media ang ginamit niya (kaya’t walang gastos ang gobyerno at taxpayers dito.)

Sa makatuwid, napatunayan ni Robredo ang husay niya sa pagmomobilisa labas sa official channels sa panahon ng sakuna.

Matapos sipain sa gabinete at mabigyan ng pinakamaliit ng budget, may natutunan ang Bise Presidenteng nasa laylayan: Natuto siyang tumulay sa gilid-gilid ng burukrasya.

Diskarte para sa 2022?

Isa sa mga pinupukol kay Robredo ay pumapapel lang daw ito para sa 2022. Kung ganito ang gagawin ng lahat ng wannabe sa darating na eleksyon, aba’y walang ibang makikinabang kundi ang taumbayan. 

Sa totoo lang, hindi isyu kung tatakbo si Robredo o hindi. May karapatan siyang tumakbo, at sa puntong ito, siya lang ang may traction sa hanay ng nalagas na oposisyon. Sabi nga, wala nang huhusay pang porma ng pangangampanya kaysa good governance.

Maliban kay Robredo, marami pang local government officials ang tumugon sa hamon. ‘Andiyan si Mayor Marcy Teodoro, na nangasiwa ng rescue operations sa Marikina City sa harap ng mabilis na pag-apaw ng Marikina River, at si Alcala Mayor Tin Antonio, na ginamit ang siyensiya upang tiyaking ligtas sa baha ang kanyang constituents.

Pero meron ding garapal ang pangangampanya tulad ni Bong Go, ang senador na side-kick ng Pangulo. Serbisyo publiko ba ang magpa-photo op sa tabi ng Pangulo sa chopper habang nag-o-ocular ng damage? Serbisyo publiko ba ang gamitin ang government stations upang ipakita ang pamumudmod niya ng relief goods? Serbisyo publiko ba ang magpa-photo op sa tabi ng baha sa Malacañang?

Serbisyo publiko ba ang diskarte ni MMDA Assistant Secretary Celine Pialago at Environment Undersecretary Benny Antiporda na nagpa-photo op sa may dolomite beach

Walang ‘spare tire’

Pero lumilinaw ang motibo ng pangalawang pangulo kung susuriin natin ang kanyang pinagmulan. 

Lumaki siya sa rehiyon ng Bicol na palagiang tinatamaan ng disaster. Hindi siya nasisindak ng bagyo o bulkan, at lalong hindi siya masisindak ng misogyny ng isang Presidenteng asal chismosong sanggano.

Sa kasaysayan ng Pilipinas, maraming bise presidente ang nagtrabaho at hindi naging tunay na “spare tire.” Pinamunuan ni Jejomar Binay at ni Noli de Castro ang Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC). Si Teofisto Guingona Jr naman ay nagsilbing kalihim ng foreign affairs habang si Gloria Arroyo ay naging kalihim ng kagawaran ng social work. Pinamunuan naman ni Erap Estrada ang Presidential Anti-Crime Commission.

Ginusto ni Robredo na maging bahagi ng gabinete pero inechapuwera siya ng Presidente at mga adviser nito na tila kinabahan sa competence niya.

Rumesponde siya sa Ulysses sa kabila ng pinakamaliit na budget sa burukrasya, sa kabila ng walang tigil na atake ng trolls, at sa harap ng panlalait ng mismong Pangulo ng bansa.

Di ba’t hinalal siyang pangalawang pangulo ng bayan? Bakit siya hindi pakikinggan ng mga sundalo? Sa katunayan, sinabi ng Armed Forces of the Philippines na wala itong nakikitang problema kung gumamit man si Robredo ng sasakyan ng AFP. (Ginamit lamang ang mga helicopter ng AFP upang magdeliver ng mga nakalap ni Robredo na relief goods sa mga nasalanta.)

Lahat nang ‘yan habang ipinaglalaban niya ang panalo niya bilang Bise sa Presidential Electoral Tribunal (PET), kung saan tumestigo na ang Commission on Elections na walang failure of elections sa mga lugar na kino-contest ng tinalo niyang kandidato, si Bongbong Marcos. At ipinakita rin ng recount sa ilang lugar na malinaw ang lamang (at panalo) ni Robredo.

Bakit nag-meltdown?

Bakit ginugol ni Presidente Rodrigo Duterte ang halos 20 minutos ng kanyang speech nitong Martes, Nobyembre 17, upang i-demolish ang Bise Presidente?

Kitang-kita ang DNA ng isang hasa sa LGU sa galaw ni Robredo. Ito ang pamana ng kanyang asawang si Jesse Robredo na tiningala sa larangan ng local governance.

Pero teka, ‘di ba’t nasa naturalesa din ni Duterte ang diskarteng mayor? Bakit siya nanggagalaiti?

Kung tutuusin, tagumpay ng Presidente ang tagumpay ng Bise Presidente. Ipinapakita lamang ni Robredo ang potensyal ng makinarya ng gobyerno ni Duterte. 

Pero hindi, umiral ang pagka-threatened at insecure. Umiral ang pagka-misogynist. Umiral ang pagka-divisive. 

‘Yan naman kasi ang governance style ni Duterte – maghasik ng pagkawatak-watak, “us versus them” mentality, pag-away-awayin ang hindi magkakatribo, at palalain ang hidwaan sa lipunan. Hindi mo siya mauunahan sa mga usaping drug war at law and order, pero sa disaster relief – well, kayo na ang humusga.

Sa totoo lang, malinaw ang leksyon ng pagkukumpara sa dalawa: Walang hindi kayang gawin ang isang opisyal na maparaan, sagad sa buto magtrabaho, at may puso para sa masa. (BASAHIN: For Robredo, disaster response elicits compassion; for Duterte, it’s competition)

Kung babalikan ang kasaysayan ng Pilipinas sa disaster response, mabilis magpatawag ng meeting sina Gloria Arroyo at Noynoy Aquino noong sila’y pangulo kapag may balitang may paparating na bagyo. Kung hindi man madaan sa kalidad ng pagkilos, sana man lang ay naroon ang moral support ng pagpaparamdam ng Pangulo.

Nag-meltdown ba si Duterte dahil nabuking na ipinaubaya na lang niya sa mga tauhan niya ang relief and rescue? Ano pa man ang dahilan – ASEAN Summit daw, na maraming beses din naman siyang umabsent nang walang emergency – mahalaga rin sa taumbayan ang presence ng Pangulo.

Alalahanin si Bonifacio

Parating na ang Bonifacio Day ngayong Nobyembre 30. Bahala na kayo kung sinong pinuno ang mala-Bonifacio sa inyong pananaw.

Pero ang mahalaga, sa araw ng pagkilala sa kagitingan ni Gat Andres, alalahanin natin kung paano siya namatay nang walang katuturan – dahil sa inggit at benggansya ng paksyon ng pangulo noon, si Emilio Aguinaldo.

Sa panahon ng kalamidad, sinabi ni Robredo na walang contest, walang paligsahan, bagay na tila hindi naiintindihan ni Duterte, Harry Roque, at Sal Panelo. Ang meron lang, mga mamamayang lubog sa baha, wasak ang bahay, at nasa bingit ng kamatayan.

Pero hindi talaga maiiwasang ikumpara, dahil sa bandang huli, ang pagong na handicapped ng kawalan ng pondo, ng kakaunting staff, at pang-aabuso ng mga troll ang nagwagi laban sa kunehong mayabang, pero natulog sa pansitan.

Ginoong Duterte, wala kaming panahon sa pag-aalboroto mo. Wala kaming panahon sa panlalait at pang-iintriga mo.

Mas mabuti na ngang bumalik ka na lang sa kulambo mo. Sa susunod, hindi ka na namin hahanapin. – Rappler.com 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!