[EDITORIAL] Pamanang Duterte: Paratang ng krimen laban sa sangkatauhan

“Nakatatak na ang ngalan ni Presidente Rodrigo Duterte at ng dalawang dating hepe ng Philippine National Police, sina Bato dela Rosa at Oscar Albayalde, sa isang pormal na dokumento bilang mga pangunahing aktor sa pagpatay ng libo-libong Pilipino.” 'Yan ang pambungad na mga kataga ni Rappler editor-at-large Marites Vitug sa kanyang newsletter sa huling linggo ng Hunyo.

Ayon sa request ni dating International Criminal Court (ICC) prosecutor Fatou Bensouda, ang hinihinalaang “Crime Against Humanity of Murder” ng tatlong opisyal ay naganap dahil sa “state policy" o patakaran ng gobyernong Pilipinas.

Sabi ni Bensouda, may dalawang klase ng pagpatay: ang pagpaslang habang nagsasagawa ng opisyal na operasyon, at ang pagpatay sa paraang vigilante. Sabi niya, “Ano mang porma, batay sa eyewitness testimony, video footage, at iba pang impormasyon, ang dahilan na ‘nanlaban’ ay hindi kumakapit."

Sa lengguwahe ng mga millennial: fail! Sa lengguwahe ng mga may edad: hindi bumenta ang "nanlaban" bilang panangga!

Ayon sa dating prosecutor na kakaretiro lang, “walang panganib" sa mga pulis ang mga biktima, kaya’t ang mga pagpatay daw ay "pre-meditated,” “not justified,” “arbitrary,” at “unlawful.”

“Nakatatak na.” Sabi ni Vitug. Maaaring abutin pa ng ilang taon o dekada ang kasong nasa early stages pa lamang.  Dagdag pa niya, tataglayin ito ni Duterte, Dela Rosa, at Albayalde habambuhay.

Nakaposisyon na rin ang mga batas sa Estados Unidos at European Union na haharang sa paglalakbay at pagtatransaksyong pinansyal ng mga taong akusado ng mga krimen laban sa karapatang pantao. Maaari ring makumpiska ang mga ari-arian ng human rights violators sa mga bansang ito. Ang mga batas na ito'y tinatawag na "Magnitsky laws" at 'di magtatagal, maipapasa na rin ang mga batas na ito sa Australia at Japan.

Nakaukit na sa bato ang pangalan ng tatlo bilang pinaghihinalaang arkitekto ng isang kampanyang pagmamasaker sa modernong panahon. Kung hindi dama nina Duterte at Dela Rosa ang karma ngayon at namamayagpag sila sa pulitika, mukhang may karmang hatid ang kasaysayan.

May isa pang pamanang mag-o-overlap sa mala-Hitler na legacy ni Duterte, Dela Rosa, at Albayalde. Ito ang magiging pamana ng susunod na presidente. 

Dahil kung kakampi ni Duterte ang mauupo tulad ng kanyang sidekick na si Bong Go o ang unica hija niyang si Sara Duterte sa una niyang asawa, maaaring maging “defining policy” ng presidenteng ito ang protektahan ang sinundang pangulo.

Kung taga-oposisyon naman ang mauupong presidente, maaari ring maging tatak niya ang magiging aktitud sa ICC sa pagpapanagot nito kay Digong. Magpapaka-populist ba ang taga-oposisyon na ito, at mananawagan ng “national healing” tulad ng ginawa ni Cory Aquino matapos matungkab ang mga Marcos sa Malacanang?

Larger than life” talaga si Duterte at walang dudang aalingawngaw ang anim na taon niya sa puwesto sa buhay pulitika ng susunod pang dekada.

Kaya't alam na natin kung bakit magiging desperado ang kampong Duterte na makopo ang eleksyon – at malinaw ang motibasyon nila sakaling tumakbong muli si Duterte bilang bise presidente.

Nais ni Digong na makaiwas sa kamay ng hustisya. Nais niyang muling mabalutan ng immunity, at higit sa lahat, nais niyang magpuwesto ng isang friendly government. Leksiyon ito mula sa kasaysayan, sasabihin sa kanya ni Gloria Macapagal-Arroyo.

Ang hindi nabanggit ng kaso sa ICC ay ito: Naganap ang malawakang pagpatay sa gitna ng pananahimik natin. “Silence is complicity.” Malaki ang papel natin sa mass murder na ito na naganap sa ating mga komunidad.

Sa darating na eleksiyon, iwaksi natin ang pagsasawalang-kibo. Wakasan natin ang madugong pamana ni Rodrigo Duterte. Wakasan natin ang impunity. #WeDecide. – Rappler.com