[EDITORIAL] #AnimatED: Ang garapal na oportunismo ni Ronald Cardema

May isang gate-crasher sa pulong ng mga nanalong organisasyon ng party-list nitong Martes, May 21.

Siya si Ronald Cardema, na nag-grand entrance na parang kabaro na niya ang mga naproklamang nominee ng party list. Si Cardema ang dumiskarte ng last-minute substitution bilang first nominee ng Duterte Youth. 

Habang nailusot niya ang pakikipagpalit sa kanyang asawa, si Commission on Elections Chairman Sheriff Abas na mismo ang nagsabing hindi nangangahulugang lusot na siya sa eligibility.

Balikan natin ang mala-pasistang mga diskarte ni Cardema bilang pinuno ng National Youth Commission (NYC): 1) gusto niyang gawing sapilitan o mandatory ang ROTC sa senior high school; 2) nagpanukala siyang tanggalan ng scholarship ang mga iskolar ng bayan na sumasama sa rally; 3) at gusto niyang gamitin ang Sangguniang Kabataan na panlaban sa umano’y mga lider kabataang naiimpluwensyahan ng Kaliwa. 

Hindi lang siya promotor ng mapaniil na mga panukala, ginamit pa niya ang opisina ng NYC para isulong ang kampanya ni Bong Go nang binansagan ito ng NYC na “Pambansang Kuya ng Kabataan.” 

Sa isang artikulo sa Rappler, sinabi ni dating dean ng Ateneo School of Government Tony La Viña at Joy Reyes na mapanganib na precedent ang kaso ni Cardema.

Una, iniikutan niya ang constitutional prohibition laban sa paggamit ng poder sa gobyerno upang mangampanya.

Pangalawa, iniikutan niya ang requirement na dapat ay nagbitiw na sa tungkulin ang kandidato sa oras na nagsimula ang kampanya.

At pangatlo, nilalabag niya ang patakarang hindi dapat lalagpas sa 30 anyos ang edad ng mga representante ng youth organizations.

Sa madaling salita, ginagawa niyang tanga ang taumbayan.

Malinaw pa sa sikat ng araw na hindi makatarungang paupuin si Cardema bilang nominee ng Duterte Youth, pero hanggang ngayon ay hindi pa nagdedesisyon ang Comelec.

Paminsan-minsan, nagaganap ang mga pangyayaring sumasampal sa atin upang magising tayo – tulad ng garapal na oportunismo ni Cardema, sampu ng mga kahinaan ng ating elektoral na sistema.

Sana’y maging eye-opener ang garapal na pagsasamantala ni Cardema upang matapalan ang mga kahinaan o di kaya'y ma-overhaul ang buong kalakaran nito.

Isang surot si Cardema na nagsasamantala sa marupok na sistema ng eleksyon. 

At alam niyo na ang dapat na ginagawa sa mga surot. – Rappler.com