Myanmar

[EDITORIAL] Saludo sa mamamayang Myanmar

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Saludo sa mamamayang Myanmar
Sa mga heneral sa Myanmar, huwag niyong i-underestimate ang mga Burmese na nakatikim ng kaunting demokrasya nitong nakalipas na 10 taon

Bakit mahalagang bantayan ng mga Pilipino ang Myanmar? Bakit masamang balita ito para sa Pilipinas? Balikan muna natin ang mga pangyayari.

Nitong Pebrero 1, nagulantang ang buong mundo nang magkudeta ang militar ng Myanmar laban sa partido ng democracy icon na si Aung San Suu Kyi. 

‘Love junta style’

Planado at plantsado ang kudeta: Madaling araw naganap ang mga raid at pag-aresto, ininterrupt ang signal ng data at mga mobile phone, tumigil ang pag-andar ng mga ATM, at inagaw ng mga tropa ang telebisyon ng gobyerno. Hindi ba ito ang pinakamatagal na paghaharing militar sa modernong kasaysayan?

Ikinulong si Suu Kyi, si Pangulong U Win Myintang, at mga lider ng kanilang partido, ang National League for Democracy (NLD). Inakusahan sila ng militar – ang Tatmadaw – ng pandaraya sa kabila ng landslide na tagumpay sa eleksyon at kawalan ng kongkretong ebidensya ng election fraud. (BASAHIN: EXPLAINER: Myanmar’s military seizes power)

Dating idolo ng mga demokratikong bansa si Suu Kyi na ginawaran ng Nobel Peace Prize noong 1991. 15 taon siyang ikinulong sa bahay mula 1989 hanggang 2010. Pero nanlamig ang mundo kay Suu Kyi noong 2016 nang kampihan pa niya ang militar na nagsagawa ng genocide laban sa mga Muslim Rohingya minority. Sabi nga, “If you lay down with a snake, don’t be surprised if you’re bitten.

Sinampahan si Suu Kyi ng kakatwang kasong “iligal na pag-aangkat” ng 6 na walkie-talkie radio. Medyo kulang din sa imahinasyon ang mga heneral, ‘no?

Pero hindi ang partido ni Suu Kyi ang tanging target. Pagdating ng Valentine’s Day, Pebrero 14, umabot na sa 384 ang arestado. Ganyan magmahal ang junta. Cariño brutal.

Isang babae naman ang  kritikal matapos barilin ng anti-riot police ng live bullets ang mga nagpoprotesta. Nagpairal din ng martial law sa ilang lungsod. Mabilis ding nagpanukala ang junta ng cyber law.

‘Mass strike, civil disobedience’

Pero sawa na ang mamamayang Burmese sa junta. Nitong Pebrero, daang libo ang nagprotesta sa mga kalye ng Myanmar – parang February Revolution noong 1986 sa Maynila na nagpatalsik sa diktador na si Ferdinand Marcos. 

Kaakibat ng pagtindi ng protesta, pinutol naman ng mga sundalo ang internet nang ilang araw, pero tuloy pa rin ang paglobo ng bilang ng mga nagra-rally at umugong sa mga kalye ang chant na “Military dictator, fail, fail; Democracy, win, win.

Umiral ang civil disobedience at naparalisa ang pampublikong tren. Umalma rin ang mga electric power producers na ayaw ibigay ang kontrol sa militar. 

Tulad ng Hong Kong at Thailand, nauso ring simbolo ng pakikibaka sa Myanmar ang “three-finger salute” na unang pinasikat ng Hollywood film na Hunger Games.

Nag-noise barrage ang mga komunidad upang masawata ang hating-gabing pag-aresto sa mga doktor na sumama sa #CivilDisobedienceMyanmar.

Nakahihiyang tugon ng Pilipinas

Ano naman ang knee-jerk reaction ng Pilipinas sa kudeta? Sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, “internal matter” daw ‘yun – pareho ng asta ng Cambodia at Thailand. Makalipas ang ilang araw, nagbago ng tono ang Malacañang at nagpahayag ng pagkabahala, tulad ng Singapore, Indonesia, at Malaysia, na pawang mga naghahalal ng mga pinuno. Hay, sablay na naman.

Pero ‘di d’yan natatapos ang kahihiyan ng mga Pinoy. Nag-dissociate o dumistansya ang Pilipinas sa resolusyon ng United Nations Human Rights Council (UNHRC), tulad ng agarang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal.

Hindi raw sang-ayon ang Pilipinas sa “imposition of foreign solutions.” Sa lengguwahe ng UN, hindi “no vote” o pagtutol ang “dissociation.”  

Ang suma-total nito ay pananahimik sa internasyonal na entablado. Kasama ng Pilipinas ang Russia, China, Venezuela, at Bolivia na nag-dissociate sa resolusyon.

Eh ano ngayon?

Mabalik tayo kung bakit mahalagang bantayan ng mga Pinoy ang nangyayari sa Myanmar. 

Andiyan ang Thailand na bumalik sa kamay ng military junta sa isang kudeta noong 2014. Andiyan ang Hong Kong kung saan ikinulong ang mga aktibista at may-ari ng pahayagang nagtatanggol ng karapatang sibil. 

Maaring mangyari sa atin ang nangyari sa Myanmar.

Halos may junta na rin sa Pilipinas, dahil hitik sa ex-military ang gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte. May tangka na rin ditong magtalaga ng revolutionary government.

Ang pinakalutang na pagkakahawig: Parehong marupok ang mga institusyon natin. 

Malaking mayorya ang Duterte appointees sa Korte Suprema at sa Sandiganbayan. Mistulang abugado na ni Bongbong Marcos ang Solicitor General. Pagdating ng eleksyon ng 2022, hindi malayong taga-Davao na lahat ng nakaupo sa Commission on Elections. Samantala, wala pang katiyakang may malakas na kandidatong tatakbo sa panig ng oposisyon. 

Sobrang sikip na rin ng espasyong demokratiko sa Pilipinas, lalo na matapos maipasa ang anti-terror law. Halos mabusalan na rin ang midya dahil sa pagsasara ng ABS-CBN. Naging target naman ang mga pamantasan at guro, matapos magred-tagging blitz ang militar at lusawin ang 1989 na kasunduan sa pagitan ng Unibersidad ng Pilipinas at Department of National Defense.

‘The world is watching

Sa otokratiko sa Malacañang, kaya ba pursigido ang mga alipores mo sa Kongreso mag-Cha-Cha? Hindi ba’t may krisis sa COVID-19 na dapat mong asikasuhin? Ay, teka, hanggang pagmumura, paninindak, at pang-a-agit ka lang pala. Hindi mo type ang detalyado, pursigido, at sistematikong pamumuno. Kaya nga kulelat ang Pilipinas sa pandemic response sa ASEAN.

Sa mga kabataan ng Myanmar na bumabangga sa junta, huwag kayong kukurap. Sa mga heneral sa Myanmar, huwag niyong maliitin o i-underestimate ang mga Burmese na nakatikim ng kaunting demokrasya nitong nakalipas na 10 taon.

Nagmamatyag ang buong mundo, at hindi dahil sa inyong “Lady” Suu Kyi. Sana’y magtuloy-tuloy ang momentum ng pagkilos nang hindi nakaangkla lang sa personalidad niya.

Sa mga nagtatanggol sa kalaayan sa Myanmar at Pilipinas, walang bibitaw. #HoldTheLine. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!