[EDITORIAL] Ang pag-aalboroto ni Leonor Briones

Nag-apologize ang World Bank sa pamahalaang Pilipinas dahil sa report nito tungkol sa estado ng edukasyon sa bansa.

Pero kung susuriin ang mga salitang ginamit ng World Bank, hindi ito nagso-sorry sa laman ng ulat – nag-a-apologize ito sa maagang pagre-release ng report nang hindi nag-aabiso sa Department of Education ng Pilipinas.

Sinabi nito na batay sa tatlong pandaigdigang assessment, “poor” ang kalidad ng edukasyon dito. Sa pagsusuma nito, sinabi ng World Bank na may “krisis ng edukasyon" sa bansa.

Ginamit na batayan ng WB ang tatlong multicountry assessments: 
• Program for International Student Assessment (PISA)
• Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS)
• Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM)

Tuwing tatlong taon ginaganap ang PISA at sumali ang Pilipinas sa huling pagtatasa noong 2018. (Ipinagpaliban ang 2021 assessment at na-reschedule ito para sa 2022). Kalunos-lunos ang resulta nito. Kulelat ang Pilipinas –79th sa reading, at pangalawa sa pinakamababa sa math at science. Ayon sa DepEd nang lumabas ang report, aminado ito sa “urgency” ng sitwasyon.

Ayon sa resulta ng TIMMS na assessment ng Grade 4 students, kulelat ang Pilipinas sa hanay ng 58 na bansang sumali dito sa math at science. Hindi nga pumalag ang DepEd sa resulta ng test nang lumabas ito at sinabi lang na wini-welcome nito ang datos at “insights” na dulot nito.

Ayon naman sa SEA-PLM na inilathala nito lang Marso 2021: Malaking bahagi ng Filipino Grade 5 students ay hindi pumapasa sa “minimum proficiency level” sa reading at mathematics literacy. Higit pa diyan, “substantial number” ng Grade 5 students ay di pumapasa sa “minimum proficiency level” na pang-Grade 4 (take note, hindi pang-Grade 5) sa reading at mathematics literacy. 

Pero giit ng kalihim ng kagawaran ng edukasyon na si Leonor Briones na tinalo pa ang bulkang Taal sa pag-aalboroto, “outdated” ang global assessments na ginamit. Sa tingin ba ni Briones, nagmilagro at nakaahon na ang Pilipinas sa mga datos na ito?

'Reputational risks'

Sa isang liham sa WB, sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na nagdudulot ang assessment ng “undue reputational risk” sa sektor ng edukasyon.

Pray tell, Ginoong Kalihim, anong reputasyon? Anong “current realities” ang hindi sinasalamin ng pagtatasa ng World Bank?

Anong reputasyon ang ipagmamalaki natin kung mayorya sa 15-taong-gulang na Pilipino ay hindi nakaiintindi ng fractions?

Anong reputasyon ang nalalabi sa atin kung 10% lang ng nasa grade 5 na batang Pilipino ang umaabot sa global standards dahil sa “limited proficiency in the language of instruction” na Ingles?

Mr. Dominguez, anong nalalabi sa reputasyon natin kung ayon sa pag-aaral ay laganap ang bullying sa lahat ng antas pero hindi sapol ng mga opisyal ng paaralan kung gaano katindi ang problema?

'Insulted and shamed'

Sa totoo lang, ang inirereklamo ni Briones ay protocol, at hindi ang buod ng report na hinalaw sa respetadong mga pag-aaral. Form, hindi substance. 

Nagalit si Briones dahil maagang ini-release ang report, pero hindi man lang ba ito nagbunsod ng pagninilay-nilay sa bahagi ng ahensya na tatlo sa pandaigdigang assessment ay halos pare-pareho ang sinasabi?

Nakakahiyang nag-iinarte ang kalihim ng kagawaran sa isang bagay na basically ay totoo naman.

Sa totoo lang, ang kabataang Pilipino ang dapat mainsulto sa pag-aalboroto ni Briones. May gana pa siyang "mainsulto" samantalang palala nang palala ang lagay ng edukasyon sa Pilipinas na responsibilidad niya?

Sabi pa ng mga kinauukulan, mula noong 1980s, nakapag-secure ang Pilipinas ng $300-milyong pautang upang paunlarin ang antas ng edukasyon. Saan napunta ang kuwartang ito? Bakit kulelat pa rin tayo sa Asya?

Ang purgatoryo ng distance learning

Ngayong may pandemya at nasadlak sa distance learning ang mga mag-aaral, wala namang ipagmamalaki ang DepEd. Lalong sumambulat ang kahinaaan ng sistema at kitang-kita ito sa mga palpak na learnning modules na ipinamahagi ng ahensya.

Nakangingilo ang mga pagkakamali sa grammar, mali-maling math equations at gender stereotpyes sa mga module. May pagkakataon pang lantarang kabastusan ang tumatambad sa mga estudyante sa pamamagitan ng mga learning aid na ito.

Eto lang ang masasabi namin sa DepEd – hindi bumenta ang paglulupasay 'nyo. Gawin 'nyo na lang ang trabaho 'nyo. Gamitin 'nyo nang tama ang pera mula sa pautang. 

In denial man si Briones, sana’y magsilbing eye-opener sa mga Pilipino na isang krisis sa edukasyon ang kinakaharap natin. Higit pa sa bangayan sa pulitika, kinakaharap natin ang madilim na kinabukasan ng kamangmangan ng mga susunod na henerasyon. – Rappler.com