Martial Law

[EDITORIAL] Ang 3 lasong pinalulon ni Duterte sa mga Pilipino

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Ang 3 lasong pinalulon ni Duterte sa mga Pilipino
Tatlong lason ang nananalaytay sa ating mga ugat ngayon: historical amnesia, culture of impunity, at kawalang transparency sa gobyerno

Tatlong bagay ang naganap nitong mga huling araw. Una, naglabas ng maaanghang na pahayag ang European Parliament laban sa pagyurak sa karapatang pantao sa Pilipinas at sa extrajudicial killings sa bansa. Kasabay ito ng banta ng mga mambabatas na tanggalin ang tariff perks ng mga produktong Pilipinong pumapasok sa EU.

Pangalawa, Naglabas ang Ombudsman ng bagong alituntuning hindi na obligado ang isang opisyal ng gobyerno na isapubliko ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth. Ang SALN ang dokumentong nagdedetalye ng yaman at ari-arian niya.

Napakalaki ng impact nito sa buhay publiko ng mga opisyal na hindi na kailangang humarap sa korte ng opinyong publiko pagdating sa kanilang lifestyle. Ibig sabihin, good times ahead para sa mga nangungurakot dahil hindi na puwedeng halungkatin ng midya ang tagong yaman nila nang walang permiso.

At pangatlo, ginugunita natin ang anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law noong Setyembre 21, 1972.

Ang buhol-buhol nating kapalaran

Paano pinagbubuhol ng kasaysayan ang tatlong pangyayaring ito? At anong silbi sa ating mga Pilipinong i-connect the dots?

Isang masaklap na katotohanan na kailangan pa nating ipagluksa ang deklarasyon ng Batas Militar 30 taon makalipas ang madilim na yugto. Sa madaling salita, hindi tayo natuto, at sa ilalim ng otokrasya ni Pangulong Rodrigo Duterte, tila minumulto tayo ng pagpapabaya natin sa tunay na demokrasya.

Pero teka, narito ang European Parliament na tila binabasag ang pekeng katiwasayan ng ating new normal. Hindi ito ang new normal ng pagsusuot ng masks o physical distancing. Ang new normal na pinauso ni Digong ay ang kultura ng impunity na kung saan predictable na o maasahan ang paglapastangan sa karapatang pantao at pagtugis sa mga kritiko.

Ayon sa data mismo ng pulisya, 7,884 ang namatay sa police operations hanggang Agosto 31, 2020. Ito na ang sinanitize na data kung saan inirollback ang datos ng namatay. Sa tantya ng human rights groups, maaring umabot na di bababa sa 27,000 ang namatay, kasama na ang mga pobreng pinasabog ang utak sa vigilante-style killings.

Mariing binatikos din ng mga mambabatas sa Europa ang pagpatay sa mga aktibistang sina Randall Echanis at Zara Alvarez, pagtugis sa mga kritikong tulad ng nakakulong na si Senadora Leila de Lima at panggigipit sa korte sa Rappler CEO na si Maria Ressa.

Dagok sa transparency

Dito pumapasok ang pangatlong sangkap sa nakahihibang na sitwasyon natin ngayon.

Walang kakurap-kurap nating tinatanggap ang pahayag ng Ombudsman na kontra-transparency.

Parang tinalikuran na rin natin ang sakripisyo ng 70,000 kataong nakulong, 34,000 na natortyur, at higit 3,200 na namatay nong Batas Militar upang ibalik ang demokrasya.

Ano ba itong demokrasyang ibinalik, ‘ka mo? Ito ang mga institusyon at alituntuning nagpapanagot sa mga opisyal ng gobyerno sa mamamayang tumutustos sa suweldo nila. Dapat nilang otomatikong ilahad ang itinaas o ibinaba ng yaman nila sa panahon ng kanilang panunungkulan.

Halos walang alingasngas na nalikha ang pahayag ng Ombudsman. Tila nilulunok natin ang pagsasara ng pinto ng transparency at ang pag-o-operate sa dilim ng mga opisyal. Binibigyan natin sila ng lisensyang magtago ng sikreto. Lalo na ang Presidente ng bayan, na hanggang ngayon ay hindi pa nagsasapubliko ng kanyang SALN para sa taong 2018 at 2019.

Sa madaling salita, ginagawa nating matabang lupa ang public service para sa korupsyon. At walang dudang magiging hitik ng bunga ang mga puno ng katiwalian.

Sa pagsusuma, tatong lason ang nananalaytay sa ating mga ugat ngayon: una, historical amnesia ng paglimot sa Batas Militar, pangalawa, culture of impunity ng extrajudicial killings, at pangatlo, kawalang transparency sa serbisyo publiko.

Ito ang cocktail ng droga ni Digong na dapat nating isuka, i-flush sa inidoro, at tanggalin sa ating sistema.

Muli nang parating ang sangandaan ng 2022. Pasasalamatan tayo ng susunod na henerasyon kung itutuwid natin ang landas ng ating kasaysayan. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!