school opening in PH

[VIDEO EDITORIAL] Pasukan sa pandemya: Payback time sa kawalan ng foresight ni Duterte

Rappler.com
[VIDEO EDITORIAL] Pasukan sa pandemya: Payback time sa kawalan ng foresight ni Duterte
Sana’y sinamantala ng dating Duterte government ang pandemya upang magtayo ng dagdag na classroom at i-reimagine ang school space sa pandemic setting. Kitang-kita sa larangan ng edukasyon ang sakit ng mga pulitiko sa bansa: puro dada, walang matinong gawa.

Eto na ‘ata ang pinakanakaka-stress na back-to-school para sa mga magulang dahil dalawang taon din tayong naipit sa bahay. 

Ang daming aaralin muli, ang daming muling iigpawan na problemang kakabit ng face-to-face. 

Pero wala nang atrasan ito, dahil Pilipinas na lang ang hindi pa bumabalik sa face-to-face classes sa buong mundo.

Matapos maghigpit muli ng sinturon at bumili ng nagmamahalang mga school supply, handa na ang pamilya sa pasukan. Ang tanong, handa na ba ang gobyerno? 

Ayon na mismo sa DepEd, 91,000 ang classroom shortage sa buong bansa para sa mahigit 28 milyong magbabalik-eskuwela. 

Ang solusyon dito ng DepEd ay magdagdag ng shifts. Pero limitado at temporary lang ang hakbang na ito dahil dedepende ito sa bakanteng titser at silid-aralan. 

Sa totoo lang, sa pagbabalik-eskuwela na ito, lalo pang lumala ang umiiral nang mga problema noon sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas.

At tila minana ng anak ni dating presidente Rodrigo Duterte na si DepEd Secretary at Vice President Sara Duterte ang problemang hindi nabigyan ng sapat na aksiyon noong panahon ng kanyang ama. 

Malinaw na hindi na uubra ang siksikan kaya’t dagdag na classrooms at upuan talaga ang kritikal. Kailangan ng dagdag na teaching staff. 

Sana’y sinamantala ng Duterte government ang pandemya upang magtayo ng dagdag na classroom at i-reimagine ang school space sa pandemic setting. 

Kitang-kita sa larangan ng edukasyon ang sakit ng mga pulitiko sa bansa: puro dada, walang matinong gawa. 

Puro pulitika, walang political will na magtanim ng makabuluhang pagbabago. – Rappler.com

BASAHIN: [EDITORIAL] Pasukan sa pandemya: payback time sa kawalan ng foresight ni Duterte