[VIDEO EDITORIAL] Bayanihan o babuyan?

Sa unang araw ng evacuation sa mga karatig-bayan ng bulkang Taal, sinabi ng mga residente na sa kabila ng panganib, uunahin nilang tiyakin ang hanapbuhay kaysa lumikas.

Si Pangulong Rodrigo Duterte naman, nakuha pang magbiro. "Dumaan man kami kanina. Siguro lagyan ko lang ng cap 'yung butas nitong Taal na 'yan."

Pero ano ba ang bago? Hindi naman siya hinalal dahil sa kanyang empathy. 

Sa bawa't yugto ng pandemya, ipinapakita ng pamahalaang Duterte na inutil itong sagipin ang bayan sa kagipitan. Ang masakit, mahal pa rin ng bayan ang Pangulong nagpabaya sa kanya.

Dahil kung may pakialam si Digong, sana'y tinawag niya ang Kongreso upang magdaos ng special session at i-extend ang deadline ng Bayanihan 2. 

May tumataginting na siyam na bilyong piso pang hindi nagastos ng gobyerno mula sa Bayanihan 2. Magiging technical malversation ito kung gagastusin pa lagpas Hunyo 30. 

Giit ng mga progresibong ekonomista, ipasa na ang Bayanihan 3 na may P420-billion economic relief package para sa mga mahihirap, manggagawa at maliliit na negosyo. 

Pero nag-adjourn na ang Kongreso at tila walang hakbang na ipasa ang Bayanihan 3.

Opo, simpleng batas lang ang kailangan upang mapalawig ang deadline.

Hindi kaya't may katwiran ang haka-hakang idinedelay ang mga ayuda upang ma-i-timing sa halalan para sa panahon ng kampanya, ito ang tatatak sa botante? 

At sa lahat ng ito, ang promotor ng pagkakait ng tulong sa bayan ay ang inutil na economic team ni Duterte. 

Palpak ang budget na isinumite, inipit ang government spending, at itinuloy ang paggastos sa imprastruktura. 

Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo? Aanhin pa ang kalye kung tirik na ang mata ng babiyahe?

Napakagandang konseptong Pilipino ang "bayanihan," pero salamat kay Duterte at sa kanyang mga inutil na alipores – sa babuyan tayo pupulutin. 

At makaaasa ka, nilechon na nila ang baboy at wala tayong aabutan. – Rappler.com