Rodrigo Duterte

[VIDEO EDITORIAL] Tsina at ang umaalingasaw na palabra de honor ni Duterte

[VIDEO EDITORIAL] Tsina at ang umaalingasaw na palabra de honor ni Duterte
Ang panawagan ng Rappler ngayong eleksiyon: #WeDecide: Atin ang Pilipinas

Lagi’t lagi, binabalandra ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang palabra de honor. Isa na rito ang pangako niyang magje-jetski papuntang West Philippine Sea at itatayo ang bandila natin doon.

Hindi naman tanga ang mga Pinoy para hindi ma-gets ang kahulugan nito: Hindi man siya pisikal na mag-jetski, ipinangako niyang itataguyod ang bandera – ang interes – ng bayan.

Ano ang Presidente kung wala siyang isang salita?

Pero makailang ulit nating nakita na takot – gamitin natin ang tamang salita – DUWAG si Duterte na banggain ang Tsina at si Xi Jinping. 

Dala ba talaga ito ng paghanga? O ito’y pagsumpang maihahalintulad sa isang boss ng sindikato na nangangako ng katapatan sa kanyang Mafia lord?

Ito’y sa kabila ng makasaysayang pagpanalo ng Hague ruling na nagsasabatas sa internasyonal na antas na bogus ang 9-dash line ng Tsina sa South China Sea. Pero para kay Duterte, ito’y “papel lamang na itatapon ko sa basurahan.”

Sa darating na eleksiyon, may pagkakataon na tayong bawiin ang ating dangal. 

Dati, ang slogan ng Rappler sa halalan ay #TheLeaderIwant.

Ang panawagan ng Rappler ngayong eleksiyon: #WeDecide: Atin ang Pilipinas.

Botante ang pangunahing aktor sa eleksiyon 2022. Ito’y boto laban sa kainutilan, kawalang-puso, paninindak, at korupsyon. (BASAHIN: Our 2022 election battle cry – #WeDecide: Atin ang Pilipinas)

Ang mensahe: Bawa’t botante ay may botong makabuluhan. Gawin nating makabuluhan.

Babawiin natin ang respeto sa buhay, ang respeto sa karapatan ng kapwa tao, ang malasakit sa kapitbahay, ang dignidad ng manggagawa, at ang kakayahan nating bigyan ng disenteng kinabukasan ang ating mga pamilya.

Maniningil tayo bilang mga taxpayers. Iwaksi natin ang tribo-tribong kampihan para sa kabutihan nating lahat. At sa harap ng buong mundo, igigiit natin ang soberanya ng Pilipinas.

#WeDecide: Atin ang Pilipinas. We will own the elections, we will reclaim this country. – Rappler.com