Commission on Audit

[VIDEO EDITORIAL] Taumbayan ang winarak ni Duque, Lao, at Duterte

[VIDEO EDITORIAL] Taumbayan ang winarak ni Duque, Lao, at Duterte
Secretary Duque, hindi ikaw ang warak. Winarak mo kami nang ikaw pa ang may ganang umiyak nang ipatawag ng Kongreso.

One whiff of corruption and you’re out.” 

‘Yan ang banta ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016. Pero meron palang “untouchable” sa gabinete – ‘yung hindi makanti .

Matapos inilabas ng Commission on Audit (COA) ang report nito sa paggastos ng Department of Health, naging emosyonal si Health Secretary Francisco Duque III sa kanyang pahayag sa House committee.

Sa isang rant session ng Pangulo, awang-awa siya sa alaga niya at todo-tanggol siya rito. Sabi tuloy ng mga malilikot ang utak, ano bang sikreto ni Duterte ang alam ni Duque? Bakit mo siya pilit pinoprotektahan, Ginoong Pangulo?

Sa mahabang listahan ng used at misused na pondo ng Department of Health (DOH), isang bagay ang matingkad: P11.89 billion ang hindi nagastos para sa risk allowance at hazard pay ng mga frontliner. 

Sa totoo lang, mas kriminal ito sa korupsiyon. Nasabay din dito ang pag-ugong ng balitang balak ng mga healthcare worker na mag-mass resignation dahil sa mga naunsyaming benepisyo.

Hindi lang sa DOH matatagpuan ang mga pasaway na public servants. Itong taga-Davao at brod sa fraternity ni Duterte na si Lloyd Christopher Lao, nag-shopping spree noong simula ng pandemya. 

Dati siyang tauhan ng ngayo’y senador na si Bong Go sa Presidential Management Staff bago naging officer-in-charge ng Procurement Service-Department of Budget and Management.

Sa ilalim ni Lao, bumili ang DBM ng mga mamahaling face mask at face shield na ngayo’y nakatambak lang sa mga depot.

Binili ni Lao ang mga face mask noong simula ng pandemya sa halagang P27.72 bawa’t isa habang ang mga face shield naman ay binili ng P120 bawa’t isa. 

Sabi ng COA, nagkakahalaga ang lahat ng ito ng P95 million. P95 million. ‘Yan ang perang tila inaksaya’t nilustay ni Lao. 

Bumili siya ng napakarami, gayong madali namang ma-predict na magmumura pa ang mga face mask at face shield.

Secretary Duque, hindi ikaw ang warak.

Winarak mo ang mga Pilipino nang hindi ibinigay ng DOH ang tamang benepisyo sa mga frontliner.

Winarak mo, at mga katulad ni Lao, ang mga Pilipino nang hindi ‘nyo ginamit ang mga pondo nang maayos.

Winarak ‘nyo ang mga Pilipino nang hindi ‘nyo ginamit ang kapangyarihan ‘nyong tumulong maibsan nang kaunti ang paghihirap namin.

Winarak mo kami, Ginoong Duque, nang ikaw pa ang may ganang umiyak nang ipatawag ng Kongreso.

Warakin sana lahat ang katulad mong inutil at incompetent sa panahon ng pandemya – pati na ang amo mong todo-tanggol sa iyo –  sa susunod na eleksyon.

#WeDecide: Atin ang Pilipinas. – Rappler.com

BASAHIN: [EDITORIAL] Taumbayan ang winarak ni Duque, Lao, at Duterte