[VIDEO EDITORIAL] Mr. Duterte, bumenta na 'yan!

Nagkagulatan nitong Sabado, Oktubre 2. Biglang nag-file ng kandidatura sa pagka-bise presidente ang dakilang side-kick ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Senador Bong Go.

At tila nabaligtad din ang mundo, ang amo ang sumama sa Comelec bilang pagpapakita ng moral support. Hindi lang 'yan, nagpahiwatig din si Duterte na siya’y magreretiro na sa pulitika.

Pero para sa mga Pilipinong minsan nang naloko noong 2016, hindi na pinaniniwalaan ang ganitong eksena.

Rewind sa 2015 kung kailan ilang ulit nag-deny ang noo’y alkalde ng Davao City na siya'y tatakbo sa 2016. 

Pagsapit ng November 2015, umatras si Martin Diño sa inihain niyang COC sa pagka-presidente at pumalit sa puwesto niya ang isang Rodrigo Duterte. 

Tadah… ang narrative: reluctant candidate. Nagmamalasakit. "Change is here."

Fast-forward sa October 2, 2021. Ginoong Duterte, bumenta na 'yan noong 2016. Hindi naman poker table ang eleksiyon natin kung saan laging makalulusot ang bluff mo. 

Lumilitaw na ang tema ng nalalapit na halalaan: waiting game 2022.

Hihintayin natin ang long-term impact ng imbestigasyon ng Senado sa Pharmally at corruption sa administrasyon ni Digong. Hihintayin din natin kung ano ang huling baraha ni Digong at ni Bong Go. Higit sa lahat, hihintayin nating humupa ang pandemya. 

Pero kung pagbabatayan ang mga tantiya ng mga siyentipiko, hindi pa ito mawawala sa panahon ng eleksiyon.

Kung binaligtad ng pandemya ang buhay natin, binaligtad naman ni Duterte ang buhay pulitika natin. Si Duterte ang COVID-19 na nag-infect sa mga institusyong politikal natin. Ginawa niyang lantaran ang pagiging piyudal, parochial, at tribo-tribo ng pamumuno.

Dati nang may lamat ang sistema, pero si Duterte ang huling bigwas na bumiyak sa maraming mga institusyon: ang Mababang Kapulungan na rubber stamp ng ehekutibo at nakapagpasara ng isang media outlet, ang Office of the Solicitor General na attack dog ng Presidente at nakapagpabagsak ng isang chief justice, ang militar na nilunok ang kaisipang walang mabuting komunista kundi patay na komunista, at ang pulisya na tumutulo ang mga kuko sa dugo at pabuya ng giyera kontra droga.

At kung mamasyal ang pinakamakapangyarihang pinuno ng bansa at side-kick niya sa Sofitel upang mag-file ng COC – isa itong panibagong pangungutya sa sistema.  #WeDecide: Atin ang Pilipinas.Rappler.com