Philippines-China relations

VIDEO EDITORIAL: Paano palalayasin ang armada sa Julian Felipe Reef?

Rappler
Kahit ganito na ang ginagawa ng Tsina sa Pilipinas, tuwang-tuwa pa rin si Pangulong Rodrigo Duterte sa Tsina

Habang abala ang militar ng Pilipinas sa red-tagging, nasingitan tayo. Ngayon may 220 bapor nang nag-iiskwat sa mismong bakuran natin sa Julian Felipe Reef na 175 nautical miles lang ang layo sa Palawan.

Paano palalayasin ng militar ang armada sa Julian Felipe Reef?

Ayon sa mga eksperto, mahirap nang matungkab ang Tsina sa Julian Felipe Reef na nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas. 

Kahit ganito na ang ginagawa ng Tsina sa Pilipinas, tuwang-tuwa pa rin si Pangulong Rodrigo Duterte sa Tsina.

Nag-donate lang naman ng mahigit isang milyong Sinovac vaccines ang Tsina kaya’t minamabuti pa niyang tumayong welcoming party kapag dumating ang mga ito. 

Sabi ng dating mahistrado ng Korte Suprema na si Antonio Carpio, unrequited love daw ang namamagitan kina Duterte at China President Xi Jinping. Bakit in love na in love si Duterte kay Xi? 

Sabi nga ni Carpio, paano ngayon papalag ang militar ng Pilipinas kung ang mismong Commander in Chief nito ay umaasa sa proteksyon ng Tsina? 

Kailangang ipamukha ng international community sa Tsina na hindi ito puwedeng maging isang rogue actor – kailangan itong tumalima sa internasyonal na mga alituntunin. Dapat nitong pangatawanan ang pagiging global leader nito at umastang maginoo at hindi sanggano.

Sa bandang huli, nakasalalay sa Pilipinas na maging vanguard at mamuno sa larangan ng pandaigdigang diplomasya upang mapasunod ang higante. 

Pero paano mo gagawin ‘yan kung ang pinuno mo, na inutil na nga sa paglaban sa pandemya, ay inutil din sa diplomatic hardball? – Rappler.com

BASAHIN: [EDITORIAL] Paano palalayasin ang armada sa Julian Felipe Reef?