Ilang dekada rin nating binalewala ang EDSA.
Matapos magpuyos sa panalong nagpatalsik sa diktador, nanlamig na tayo sa mga responsibilidad na kakambal ng tagumpay na ito.
Ngayong ika-36 na anibersaryo ng EDSA revolution, laking panghihinayang ng mga nakibaka noon sa nasayang na oportunidad matapos ang EDSA uprising.
Hindi naitaguyod ang katarungan at paggalang sa karapatang pantao sa pamamagitan ng ating mga institusyon. Hindi nagpatuloy ang pagkauhaw sa kalayaang magpahayag.
Hindi umusbong ang malaya at maprinsipyong diskurso. Hindi naitanim ang masidhing pagmamamahal sa kalayaan at pagtatakwil sa diktadura.
Ito na ba ang huling EDSA?
Marahil, dahil ‘pag naupo si Ferdinand Marcos Jr, paano niya papayagan ang selebrasyon ng isang yugto sa kasaysayang nagpabagsak sa kanyang pamilya?
Maaari tayong manlumo. Maaari tayong umiyak. Pero hindi pa tapos ang laban, kahit ano pa man ang kahinatnan ng eleksiyon sa Mayo.
Tulad ng sinabi ng yumaong Chairman ng Commission on Human Rights na si Chito Gascon: “Keep pounding the rock.”
Bawa’t kabiguan o tagumpay ay isang bayo, tiktik, kabog, pukpok tungo sa panunumbalik ng kalayaan. #HindiItoAngHulingEDSA – Rappler.com
How does this make you feel?