migrant workers

[VIDEO EDITORIAL] Huli na dapat si Jullebee na uuwi sa kabaong mula Kuwait

Rappler.com
[VIDEO EDITORIAL] Huli na dapat si Jullebee na uuwi sa kabaong mula Kuwait
Sa ganitong mga pagkakataon, gamitin ng pamahalaan ang matatamis na dila ng mga diplomat upang makapaglinang ng bilateral na kasunduang tatapos sa pambubusabos ng mga OFW.

Ayon sa pagbabalita ng media sa Kuwait, natagpuan ang sinunog na labi ng Filipino overseas worker na si Jullebee Ranara sa desyerto.

Isa lamang si Ranara sa listahan ng mga biktima ng karumal-dumal na krimen sa Kuwait: nandiyan si Joanna Daniela Demafelis na natagpuan ang katawan sa freezer; at si Ma. Constancia Lago Dayag at si Jeanelyn Villavende na parehong biktima ng sexual assault.

Noong 2017, nakapagtala ang Philippine embassy ng 6,000 na kaso ng pang-aabuso, sexual harassment, at rape ng mga OFW sa Kuwait.

Sabi ng isang pag-aaral ng International Labor Organization sa sitwasyon ng mga kasambahay na nagtatrabaho sa ibang bansa, “Domestic work continues to remain an invisible occupation.”

“Invisible” dahil wala silang boses o karapatang baguhin ang kalagayan nila sa trabaho.

Walang proteksyon ang mga domestic workers sa labor code ng anim sa walong bansa sa Middle East. Talamak pa rin ang passport confiscation sa maraming lugar doon.

Pero titigil ba ang mga pang-aabusong ito?

Malamang ay hindi, dahil patuloy na makikipagsapalaran ang mga Pilipino sa ibang bansa upang makatakas sa intergenerational poverty dito.

Patuloy na padudulasin ng gobyerno ang pag-e-export ng labor dahil kailangan nito ng remittances para sa foreign currency reserve, at upang maibsan ang unemployment.

Sabi ng PINAY Careworkers Transnational o PINAY, hindi deployment ban ang sagot sa problema. Libo-libong mga OFW ang magdurusa dahil mawawalan sila ng huling baraha upang kumita.

Sa halip, nananawagan ang PINAY at kinatawan ng mga OFW sa Kongreso na si Marissa Magsino, ng pagpapalakas ng bilateral agreement sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait upang mapangalagaan ang mga OFW, lalo na ang mga FMDW doon.

Masalimuot na problema ang labor migrants abuse na nakaugat sa kahirapan at unemployment sa Pilipinas, at bukas ang mata natin na walang dagliang solusyon.

Sa ganitong mga pagkakataon, gamitin ng pamahalaan ang matatamis na dila ng mga diplomat upang makapaglinang ng bilateral na kasunduang tatapos sa pambubusabos ng mga OFW.

Ilang OFW pa ba ang uuwi sa kabaong? 

Ilang domestic worker pa ba ang uuwing tulala sa trauma ng pang-aabuso?

Wakasan na ‘yan. — Rappler.com

BASAHIN: [EDITORIAL] Huli na dapat si Jullebee na uuwi sa kabaong mula Kuwait

Download the Rappler App!