[VIDEO EDITORIAL] PDP-Laban: Ang political clique ni Duterte sa 2021

Nitong July 17, sinipa ng PDP-Laban ang pangulo nilang si Senador Manny Pacquaio, matapos ideklara na "vacant" ang mga puwesto sa partido.

Pangkaraniwan na ang "split and splinter" sa mga partidong politikal sa Pilipinas tuwing papalapit ang halalan.

Hindi nawasak ang PDP-Laban nang mahati sa dalawang paksiyon matapos ang Martial Law, pero magsu-survive kaya ito ngayong si Duterte na ang may hawak ng maso? 

Nagsimulang sumingaw ang iringan sa loob ng ruling party nang ibigay ni Senador Koko Pimentel kay Senador Manny Pacquiao ang puwesto niya bilang presidente ng partido. 

Sabi ni Rappler reporter Camille Elemia, ang nagaganap sa harap natin ay isang power struggle o agawan sa poder. Bakit? Dahil susi ang magiging papel ng ruling party na kokontrol ng makinarya at impluwensya. 

Tunggalian ito ng party chairman na si Pangulong Rodrigo Duterte at ang pinatalsik na party president na si Pacquiao.

Patunay ng tibay at lakas ni Duterte na napatumba niya ang mga old-timer tulad ni Koko Pimentel sa mismong partidong itinatag ng tatay nitong si Nene. 

Tunay na isang komedya ang sistema ng partidong politikal sa ating bansa. 
Sa ilalim ng trapo politics natin, walang ideolohiya, walang loyalty, walang prinsipyo, at walang tunay na plataporma kundi pansariling ganansiya.

Marami pang ibang partidong daraan sa ganito habang hindi narereporma ang bulok na sistema ng mga partido.

Sa bandang huli, taumbayan ang magmamana ng mga bulok na politiko, hungkag na plataporma, at barkadahang walang prinsipyo.

Sa bandang huli, mahahalal ang mga taong marunong lumaro ng sistema, pero walang tunay na malasakit sa bayan, at sarili lang ang uunahin. – Rappler.com