Corruption in the Philippines

[VIDEO EDITORIAL] Binudol ng Pharmally ang taumbayan

[VIDEO EDITORIAL] Binudol ng Pharmally ang taumbayan
Habang gobyerno ang nalinlang, ang tunay na na-swindle ay ang taumbayan. Pera natin ang ginamit na pambayad sa mga kuwestiyonableng kontratang ito. Nabudol ng gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte at Pharmally ang taumbayan.

Kumulo ang kolektibong dugo ng mga tao sa social media nitong Biyernes, September 24. Ito’y matapos ang pasabog na isiniwalat sa Senado ng isang kawani ng Pharmally Pharmaceutical Corporation.

Inamin ng main point person for government projects ng Pharmally na si Krizle Grace Mago na mukhang na-swindle nga ang gobyerno. “I believe that is the case,” sagot niya.

Pinapalitan pala ng mga warehouse staff ng Pharmally ang production date sticker ng mga face shield – mula 2020 ay kinakabitan ito ng 2021. Ibig sabihin, pinapalitan nila ang expiry date ng mga face shield.

May paglilinaw lang kami sa tanong ni Senator Richard Gordon: “So you were swindling the government?

Habang gobyerno ang nalinlang, ang tunay na na-swindle ay ang taumbayan. Pera natin ang ginamit na pambayad sa mga kuwestiyonableng kontratang ito.

Ang tamang statement ay ito: Nabudol ng gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte at Pharmally ang taumbayan. 

Sabi nga ng mga nasa social media: ang hirap sa patuloy na paggamit sa face shield, you literally have corruption staring you in the face.

Masakit ‘di ba? Ngayon, alam na natin bakit Pilipinas lang sa buong mundo ang nagmamandatong gumamit ng face shields. Gaganahan ka pa bang gumamit ng face shield, ngayong nalaman mong kasangkapan ito sa pandaraya sa bayan?

Ginoong Presidente, mangiyak-ngiyak ka pa sa iyong mga mensahe? Ang mga tao mo pala ang bantay-salakay? Hindi ba’t command responsibility mo ito?

Ginagamit pala ng mga kaibigan mong tulad ni Michael Yang ang kanilang impluwensiya upang maka-corner ng mga kontrata? At todo depensa ka pa rin sa kanya?

Kaya pala naglulupasay na ang ekonomiya sa hindi bumubuting sitwasyon sa COVID-19. Abala pala ang mga tao mo sa pag-iisip ng delihensya

Sana’y nakareserba na ang pinakamalupit na lugar sa impiyerno para sa mga katulad nilang nagsasamantala sa panahon ng pandemya.

Puwede na rin nating simulan dito pa lang sa lupa ang impiyerno nila sa pamamagitan ng pagsipa sa kanila mula sa posisyong palamunin at pasuweldo sila ng taumbayan.

Ilang buwan na lang, halalan na. May pagtutuos na dapat mangyari sa araw ng eleksiyon.

#WeDecide: Atin ang Pilipinas. – Rappler.com

BASAHIN: [EDITORIAL] Binudol ng Pharmally ang taumbayan