COVID-19

VIDEO EDITORIAL: Contact tracing: Nasaan ang political will?

Rappler.com
VIDEO EDITORIAL: Contact tracing: Nasaan ang political will?
Kitang-kita na walang political will ang administrasyong Duterte na gawin ang mahirap, ang siyentipiko, ang sistematikong paglaban sa pandemya

Isa sa mga susing diskarte na nagpanalo sa pakikipaglaban ng Vietnam at South Korea laban sa pandemya ang contact tracing.

Pero tayo sa Pilipinas, nakailang istriktong enhanced community quarantine (ECQ) na. 

Sabi ng OCTA Research group, umubra naman ang lockdown. Pero bakit umabot tayo sa puntong lockdown lang at pagpupulis ng mga lumalabas ng bahay ang solusyon?

Nasaan ang contact tracing? Sabi nga ni contact-tracing czar Benjamin Magalong, “weakest link” natin ang contact tracing.

Bakit? Kulang sa tao, kulang sa kasanayan, kulang sa gamit, at kulang sa synchronization. (BASAHIN: How Philippine contact tracers lost track of the virus)

Kung may contact tracing at nakikita na natin ang datos na papataas ang nai-infect, baka hindi na umabot sa antas na nadelubyo ang mga ospital. Kung may contact tracing, hindi na kailangang i-lockdown ang “NCR Plus” bubble o Greater Manila Area.

Dahil ang kalaban mo sa virus ay ang multiplier effect ng pagkalat nito, at ito ang mas dapat na naunang hakbang bago ang mga lockdown.

Bakit tinapyas ang budget ng contact tracing? Nasaan ang bilyones na inilaan para sa paglaban sa “veerus?” (BASAHIN: [ANALYSIS] Test, Trace, Treat not Build, Build, Build)

Nakapanlulumo ang hirap na ginugugol ng mga contact tracers sa mahabang araw nilang pagtatawag sa telepono at pisikal na pagpunta sa mga bahay-bahay. 

Samantala, bumabalik ang pamahalaan sa kung ano ang alam nitong gawin: gamitin ang police powers, manindak ng mga tao, mag-curfew, mag-checkpoint. Lagi na lang, law and order ang solusyon na mainam sana ay kakambal ang contact tracing.

Hindi puwedeng maghugas-kamay ang Malacañang at sabihing hindi raw nila kasalanan na nag-mutate ang virus.

At dito higit sa lahat, kitang-kita na walang political will ang administrasyong Duterte na gawin ang mahirap, ang siyentipiko, ang sistematikong paglaban sa pandemya.

Puro dada, walang nilaga, ika nga ng urban poor. Iba ‘ata ang nilalaga – pang-2022 ba kamo? – Rappler.com

BASAHIN: [EDITORIAL] Contact tracing: Nasaan ang political will?

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!