[VIDEO EDITORIAL] Ang mga promotor ng money heist sa pandemya

Sino si Michael Yang? Let’s connect the dots.

Ayon sa veteran police intel officer na si Eduardo Acierto, sangkot ang BFF ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Michael Yang sa drug trade. Binale-wala ni Duterte ang intel report ni Acierto.

Ganito rin katindi ang reaksiyon ng Pangulo laban kay Senador Richard Gordon nang ungkatin nito ang koneksiyon ni Yang sa droga.

Kaya’t ang tanong: Ano ba ang hawak ni Yang kay Duterte? Sino – at ano – si Michael Yang?

Ayon sa mga opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation, si Michael Yang ang guarantor nila sa mga supplier sa Tsina.

Talaga bang nagpagamit lang si Yang sa mga taga-Pharmally? Naniniwala ba kayong hindi frontman si Huang Tzu Yen ni Michael Yang, idineny man niya ito sa Senado?

Sa bandang huli, malinaw ang direksiyon ng mga arrow: tila nakaturo ito kay Michael Yang na hindi lamang simpleng “kaibigan” ng Pharmally. 

Kung totoo ang paratang ni Acierto – hindi kaya ang perang “ipinautang” ni Yang sa Pharmally ay galing sa underworld? Kung totoo ang pinatutunguhan ng pagko-connect-the-dots natin – henyo, 'di ba? 

Ipinakita nga ng report ng Rappler na lumawak pa ang business empire ni Yang at kanyang mga associate sa administrasyong Duterte.

Hindi ba ito kinuwestiyon ni Trade Secretary Ramon Lopez? Siya ang nanawagan sa mga industriya sa bansa na irepurpose ang kanilang assembly line, at personal protective equipment o PPE muna ang i-manufacture. Secretary Lopez, ikaw ang nanawagan sa mga negosyanteng Pinoy – sana naman ay kumibo ka. 

Dito umaalingawgnaw ang sinabi ni dating senador Joker Arroyo: "We cannot have a country run by a thief." 

Tanong ng mamamahayag na si Inday Espina-Varona: “Bakit kamo kaya pang magnakaw sa ilalim ng krisis?” 

Ang sagot niya: “Dahil ang likas na mamamatay-tao, nag-oorgasmo sa kalbaryo ng ibang tao, at ang tingin sa krisis ng iba ay pagkakataong maisulong ang personal na interes.”

Aray ko po. 'Yan ang mga taong iniluklok natin sa kapangyarihan. Magsilbi sanang mapait na leksiyon ito sa darating na halalan. #WeDecide: Atin ang Pilipinas. – Rappler.com