[VIDEO EDITORIAL] Mula sa taumbayan, maraming salamat, PNoy!

Namatay si Benigno Simeon "Noynoy" Aquino III sa sakit sa bato at sakit sa puso – literal na heartbreak na dumurog sa kanyang puso dahil sa bansang naliligo sa dugo, sinasakal ng galit, at pinaparalisa ng takot. Isang bansa na halos hindi na siya naalala.

Hindi ito pagro-romanticize sa pagkapangulo ni Aquino, o sa kanyang pagkamatay. Ito’y pagsabi ng pawang katotohanan: sa limang taong nakalipas mula nang bumaba siya sa puwesto, mas malala pa sa house arrest ang pinagdusahan ni Noynoy Aquino.

Niyurakan ng makinarya ng Duterte-Marcos ang pamana ni Aquino na nagbigay halaga sa demokrasya. Siniraan ang kanyang political party, dahilan para lalo pang mahati ang mga party moralist at mga deal-maker.  Inilibing ang ambisyon ng kanyang administrasyon na magkaroon ng transparency at accountability. Pinabayaang mistulang masakop ng Tsina ang West Philippine Sea, na ipinaglaban niya sa korte. 

Saan siya nagkulang? Saan siya nagkamali? Paano sumablay ang Daang Matuwid sa puntong itinakwil ito hindi lang minsan, kundi dalawang beses ng milyun-milyong Pilipinong botante?

Sa isang iglap, binura ng sumunod sa kanya ang mga institusyon na pinaghirapan niyang palakasin at ang mga prosesong sinubukan niyang ayusin, ikinulong ang kanyang pinakamatinding alter-ego at nilait ang mga sakripisyo ng kanyang pamilya para sa kalayaan ng bansa, binaha ang hanay ng gobyerno ng mga inutil, nagpalaganap ng propaganda at nilapastangan ang katotohanan, at ginamit ang mga makinarya ng estado laban sa taumbayan. Tinawag pa siyang "gago."

Batid ng lahat ng nakatrabaho niya na hindi gago si Aquino. Malayo diyan – mabusisi at metikuloso siya sa detalye ng pagpapalakad ng gobyerno. Sa lahat ng malalaking isyu, nagdesisyon siya laban sa pansariling interes.

Lumaki sa isang Katolikong tahanan at nag-aral sa Katolikong paaralan, nilabanan niya ang sarili niyang Simbahan para ipasa ang Reproductive Health Law.

Ginamit niya ang kanyang kapangyarihan para kalabanin ang malaking industriya at nilatigo ang Kongreso at Senado para ipasa ang sin tax law.

Itong mga mahahalagang desisyon “ay hindi kayang isulong ng gobyernong puro porma lang,” ayon sa isa sa kanyang mga dating speechwriter.

Talagang may mga maling pasya si Aquino sa loob ng anim na taong nakaupo siya sa Malacañang. Pero sigurado tayong ginawa niya ‘yun pagkatapos pag-aralan ang mga datos at timbangin ang mga bagay-bagay, habang may kopya ng Konstitusyon sa kanyang tabi, hindi tulad ng bara-barang pamamahala na tinitiis natin ngayon.

“Bumaligtad ang mundo,” sabi niya sa Rappler, isang taon matapos magretiro sa Malacañang.

Araw-araw na bangungot nga ang tinitiis nating lahat, pero mas malupit ang bangungot ni Pnoy – natuklasan niyang buhay na buhay pala ang kulturang kill, kill, kill na pumaslang sa kanyang ama. Natuklasan niyang inanay na pala ng korupsiyon ang burukrasya at ekonomiya na tinangka niyang tagpian. 

Namatay siyang sawi, dahil sa sawing bayan, sa panahon ng pighati.

Nitong June 24, 2021, pinaalala sa atin kung ano ang tugatog na inabot natin noon, at kung ano ang nawala: ang kagandahang-asal na nanggagaling dapat sa isang presidente, ang sipag na dumadaloy mula sa Ilog Pasig, mga ideyang humikayat sa kabataan, at kapangyarihan na ginagamit para sa kabutihan ng lahat. 

Hindi ito pagro-romanticize sa pagkamatay ni Aquino. Ito’y pagsabi ng pawang katotohanan: Dati’y umiral ang matino at marangal. Kaya’t pwede pang maulit muli – dapat – maulit muli.

Mula sa taumbayan, maraming salamat, Mr. President. – Rappler.com

BASAHIN ANG ENGLISH VERSION [Mula sa taumbayan, maraming salamat, PNoy!]