[VIDEO EDITORIAL] 6 tips paano maging bilyonaryo ngayong pandemya

Narito ang 6 tips kung paano maging bilyonaryo ngayong pandemya:

Step 1. Maglagay ng kahit kalahating milyon lang sa bangko bilang kapital. Kahit kakarampot ang kapital mo, basta may koneksyon, ayos! 

Step 2. Tiyakin mo lang na hindi mabalitaan ng mga taga-Pilipinas na wanted ka pala dahil sa financial fraud sa ibang bansa tulad ng Taiwan. 

Step 3. Dapat sanggang-dikit mo ang isang negosyanteng matinik na matagal nang kaibigan ng isang politiko at tumulong dito noong eleksiyon. Halimbawa, isang Michael Yang.

Step 4. Hindi ka na kailangang maghirap mag-scale up at sumabak sa ibang malalaking kontrata. Kalimutan na 'yang innovation. Kailangan lang ay koneksiyon.

Step 5. Hindi mo kailangan magpakahirap maging tunay na supplier. Mag-middleman ka na lang – bili ka ng gamit sa Tsina nang mura, ibenta mo sa Pilipinas nang may patong! 

Step 6. Dapat din ay ma-appoint ang isang mag-fa-facilitate ng transaksiyon sa loob ng budget department. Halimbawa, ang dating undersecretary ng Procurement Service-Department of Budget and Management na si Lloyd Christopher Lao. 

Tandaan natin, hindi ito mangyayari kundi dahil kay Lao na appointee ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Dati siyang sidekick ng pinakasikat na sidekick – si pambansang photobomber Senator Bong Go.

Sabi ni Lao, nag-apply siya sa puwestong PS-DBM undersecretary at sinuwerte. Hindi naniniwala ang mga senador.

Hindi ba't si Lao ang enabler? Ang insider? Hindi ba siya ang mahalagang kawing sa network ng shady deals? 

Lalong lumilinaw ang network ng katiwalian kapag ipinasok mo sa equation si Michael Yang.  Si Yang ang iniugnay sa drugs pero mabilis na inabsuwelto ni Duterte dahil paano raw naging drug dealer ang konektado sa mga opisyal ng People’s Republic of China?

"Pagador" ang tawag ni Duterte mismo kay Yang na ibig sabihin ay paymaster. Sa mundo ng pailalim na mga negosasyon, ang pagador ang tagabigay ng pabuya o kickback. 

Si Yang ang pagador na nasa gitna ng network na kapit-tuko sa Malacañang. 

Sanggang-dikit niya ang majority shareholder ng Pharmally Pharmaceutical, ang Singaporean na si Huang Tzu Yen at magkakaugnay ang bituka nila sa pamamagitan ng network ng ilang korporasyon.

Ilan pang Lao ang nakapuwesto sa gobyerno? Ilan pang Yang ang nakaambang maging bilyonaryo sa laway lang at kakarampot na seed money?

Sabi ni Senator Frank Drilon, ang pagbibigay ng kontratang bilyones sa pinapaborang mga supplier ay maaaring maging kaso ng “premeditated plunder.”

Kung susundan natin ang alingasaw ng mga bulok na kasunduan, kung susundan natin ang money trail, dadalhin tayo sa isang kalye sa distrito ng San Miguel sa Maynila. Doon nakatayo ang isang palasyo sa tabi ng mabahong Pasig River. 

Ang pinakamasaklap, nangyayari ito sa panahon ng pandemya. Kumikita ang mga korap sa ibabaw ng bangkay ng libo-libong Pilipinong namatay sa pandemya.

It all makes sense. Kaya pala palpak ang paglaban sa COVID-19. Kita ang inuna, hindi ayuda. – Rappler.com