police brutality

[EDITORIAL] Kapag naging mamamatay tao ang alagad ng batas

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Kapag naging mamamatay tao ang alagad ng batas
Isang video lang ng isang aroganteng pulis ang kailangan upang mabasag ang bula ng mga komportable nating buhay at manumbalik ang isang realidad: hindi tayo ligtas.

“Ang mamatay nang dahil sa iyo.” ’Yan ang marubdob na pagtatapos ng “Lupang Hinirang” ni Julian Felipe, ang martsang inaawit nating mga Pilipino simula pagkabata.

Alam natin na may espesyal na kahulugan ito para sa mga alagad ng batas at sundalong nagtatanggol – at handang mamatay at pumatay – para sa bayan.

Pero paano kung ang mga bayani – ang mga tagapagtanggol mismo ng bayan – ang pumatay sa ’yo? Paano kung ang baril na panangga ay naging bogang nakatutok sa ulo mo? 

’Yan ang nangyari kay Wilson Ragos at, kailan lang, kay Sonya at Frank Gregorio. Pinatay sila ng mga alagad ng batas na tumalikod sa diwa ng sumpa ng “Lupang Hinirang.” 

Hindi lang ’yan. Pinatay si Ragos sa udyok mismo ng pinakamataas na opisyal ng bansa. Sinong pulis ang makakalimot sa “Shoot them dead” na utos mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga pasaway? 

Ano ngayon kung lockdown violation lang ito? Eh sinabi mismo ni Boss Duterte. Ano ngayon kung “disproportionate response” ito, na paulit-ulit na ipinaaalala ng police manual na huwag na huwag gagawin? Eh sinabi nga mismo ng Panginoong Duterte!

Kultura ng karahasan

Apat na taon nang nakaupo si Duterte. We know the drill.

Mag-uudyok siya laban sa mga pasaway. Mati-trigger ang tropa. Mamamatay ang isang magsasakang lasing at ang may post-traumatic stress disorder (PTSD) na si Winston Ragos.

Mumurahin niya ang oposisyon. Makukulong ang isang Leila de Lima.

Mumurahin niya ng midya. Tatambakan ng kaso at mahahatulang guilty si Maria Ressa at Rey Santos Jr. Maaaresto si Lady Anne Salem. (PANOORIN: Attacks and harassment: Women journalists in the Philippines on the cost of truth-telling)

Aalipustahin niya ang Kaliwa. Mamamatay sa misteryosong paraan ang mga aktibistang tulad nina Randy Echanis, Zara Alvarez, at ang mag-asawang Topacio.

“Putang ina mo, gusto mo tapusin kita ngayon ah?” ’Yan ang bulalas ng pulis-Parañaque na si Jonel Nuezca bago pagbabarilin ang mag-inang Gregorio. 

May pinagkaiba ba ang tabas ng dila niya kay Boss Duterte?

Sabi ng Rappler reporter na si Pia Ranada sa kanyang podcast, hindi maihihiwalay si Nuezca sa kultura at lengguwahe ng pinakamakapangyarihan opisyal at pinuno ng bansa. 

Nag-iisa lang ba si Nuezca sa ganyang asta? Hindi. Katunayan, isang hepe ng pulis sa isang bayan ang mabilis na nagtanggol kay Nuezca. Sabi ni Bato Catanduanes police captain Ariel Buraga, maging leksiyon daw ito sa mga tao na igalang ang mga pulis. Ganoon ba? Ang kaparusahan ba sa hindi paggalang sa pulis ay pagbaril sa ulo?

Sabi nga mismo ng Pangulo, “’Pagka bumunot, patayin mo. ’Pag hindi bumunot, patayin mo pa rin, putang ina, para matapos na!”

Dagdag pa niya, “Ako na ang bahala sa inyo.”

Bakit iniwan sa ere si Nuezca?

Pero bakit iniwan sa ere si Nuezca? Dahil sa tatlong bagay. Una, kamalasan ni Nuezca ay na-video-han siya. Pangalawa, malapit na ang eleksiyon. At, pangatlo, nagdesisyon na ang International Criminal Court (ICC).

Mahusay pumulso sa masa si Duterte. Batid niyang matindi ang galit ng taumbayan sa yabang at kagarapalan ni Nuezca. 

Mahirap na nga naman. Kulang dalawang taon na lang at eleksiyon na, kaya’t gagawin ni Duterte ang lahat upang panatilihin ang kasikatan niya. Ito’y para sa kanyang magiging tagapagmana ng puwesto na sinasabi ng marami ay si Davao City Mayor Sara Duterte, ang unica hija niya sa unang asawa.

At kapag natiyak niyang sa anak malilipat ang kapangyarihan, matitiyak din niyang hindi siya matutugis ng ICC.

Ang banta ng ICC

Bakit posibleng may tulog si Duterte sa ICC? Kamakailan ay nagpasya ang ICC na may “reasonable basis” na sampahan siya ng kasong “crimes against humanity.”

Para sa konteksto, ang “crimes against humanity” ay unang ginamit laban kay Adolf Hitler noong 1945-1946 dahil sa pagmasaker niya sa 6 na milyong Hudyo.

Masalimuot na paksa ang patayan at “crimes against humanity” ngayong katatapos lang ng Pasko, kaya’t humihingi kami ng paumanhin. Pero nang dumanak ang dugo sa Tarlac bago mag-Pasko, napagtanto ng marami na walang banal na aso sa karahasan.

Isang video lang ng isang aroganteng pulis ang kailangan upang mabasag ang bula ng mga komportable nating buhay at manumbalik ang isang realidad: Hindi tayo ligtas. Hindi sapat ang sumunod sa batas. Maaari tayong barilin ng mga alagad ng batas kapag nakipagtalo tayo sa kanila, kapag napikon sila sa atin, kapag nakursunadahan tayo.

Hindi ba ganyan ang nangyari kay Kian delos Santos? Ayon sa espekulasyon, tila nakursunadahan siya ng informant sa lugar.

Lilinawin natin. Nakikialam ang ICC dahil may pagkakatulad na ang mga insidente. Hindi “isolated cases” o kaso ng mga “bugok” ang mga ito. Sa mata ng internasyonal na hukom, may panimulang ebidensiya na ang mga nagaganap na krimen ay naging kalakaran na. Parang pagpuksa sa mga Hudyo sa Auschwitz . Ganoong antas.

Limampu’t pitong taon ang nakalipas, noong Disyembre 1963, nagsimula ang paglilitis sa mga mamamatay-tao sa German Holocaust.

Sa pagsusuri sa kasaysayan, may panahon daw na nanunumbalik ang mga awtokratikong pinuno sa buong mundo. Gulong ng buhay ang tawag ng mga Pinoy diyan.

Kung susundin ang ganitong lohika, maaari ring humupa ang kahit na anong kahibangan – tulad ng Third Reich, kung saan nalasing ang mga Aleman sa ideya ng ethnic cleansing.

Tulad ng genocide at ethnic cleansing, darating din ang araw na isusumpa ng mga Pilipino ang pagpuksa sa mga hinihinalang adik at pusher sa giyera kontra-droga ni Duterte. Darating din ang araw. Gulong, ’di ba, ng buhay? – Rapper.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!