Provide your email for confirmation

Tell us a bit about yourself

country *
province *

why we ask about location

Please provide your email address

Login

To share your thoughts

Don't have an account?

Login with email

Check your inbox

We just sent a link to your inbox. Click the link to continue signing in. Can’t find it? Check your spam & junk mail.

Didn't get a link?

Sign up

Ready to get started

Already have an account?

Sign up with email

By signing up you agree to Rappler’s Terms and Conditions and Privacy

Check your inbox

We just sent a link to your inbox. Click the link to continue registering. Can’t find it? Check your spam & junk mail.

Didn't get a link?

Join Rappler+

How often would you like to pay?

Monthly Subscription

Your payment was interrupted

Exiting the registration flow at this point will mean you will loose your progress

Your payment didn’t go through

Exiting the registration flow at this point will mean you will loose your progress

[EDITORIAL] Bakit galit si Parlade sa red lipstick actresses?

Nasabi na lahat ni Liza Soberano, Angel Locsin, Catriona Gray, at kanilang mga supporters ang puwedeng sabihin laban sa communist witch-hunting at red-tagging ng heneral ng Armed Forces of the Philippines na si Antonio Parlade. May veiled threat pa nga siya kay Liza, na baka raw mauwi ang teen star sa parehong kapalaran ng isang namatay na aktibista. 

Saludo kami sa tapang at paninindigan ng tatlong aktres na pinanday ng pagpapasara ng ABS-CBN, ng COVID-19, at mga atake sa kanilang katauhan bilang babae. Mabuhay kayo! (Tsaka na natin pag-usapan kung nasaan ba ang mga lalaking aktor? 😀) 

Pero bakit ito ginagawa ni General Parlade? Bakit niya pinuntirya ang tatlong sikat na babaeng aktres na kilala sa tapang at paninindigan. 

'Whole of nation' daw?

Isang dahilan d'yan ay nais pigilan ng militar at ni Parlade ang pagme-mainstream ng Kaliwa. Sa makitid na utak ni Parlade, nagiging cool na muli ang mga umano'y komunista dahil umattend sa kanilang forum si Liza at nakasawsaw sa ilang proyekto si Catriona. Si Angel naman ay may kamag-anak na kilalang lider ng isang cause-oriented group.

Isa lang bang crackpot si Parlade? Sa totoo lang, ginagawa ni Parlade ang mga bagay na marami sa mga heneral ay mangingiming gawin (kahit ito ang kanilang saloobin.) Marami d'yan ang may ilusyong maginoo sila. 'Yun bang pekeng pa-macho na "hindi sila papatol sa babae." 

Bagay na bagay ang isang Parlade – na hindi nag-atubiling mag-gate crash sa isang event ng cause oriented groups – sa liderato ni Pangulong Rodrigo Duterte. May iba pa bang Presidenteng nagsabing "shoot [the female rebels] in the vagina?"

Sa panahon lang na ito nangyaring may sariling Facebook page ang militar na ginamit na pang-harass at pampakalat ng disinformation. Magtataka pa ba tayong nabuhay ang laos na career ng dating spokesman sa panahon ng anti-terror law?

Miyembro si Parlade ng makinarya ng militar na nakapronta laban sa insurgency, ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Layon ng task force na lipulin ang insurgency gamit ang “whole of nation approach.” Bahagi ng malaking istratehiya ang mga stunt ni Parlade.

Sa kanyang confirmation hearing, nagbabala si Parlade na itinuturo na sa social media kung paano gumawa ng Molotov bombs. Hindi ba alam ni Parlade na panahon pa ng First Quarter Storm ay ginagamit na ang Molotov cocktails? Ito ba ang dapat nating katakutan?

'Tactical gain'

Sa totoo lang, tactical gain ito para sa rabidly anti-communist na militar sa Pilipinas. Tawag-pansin ang mga eksena ni Parlade sa mga sexist, makakanan, at utak-pulburang audience. At mula nang naging presidente si Duterte, dumami na sila na parang mga gremlin. 

Habang inuulit-ulit ng Task Force at ni Parlade na "nasa paligid natin ang mga komunista," maaaring hindi tayo maniwala, sa una, pangalawa, o pangsampung beses na sinabi. Pero kapag 'sang milyong beses nang sinabi, marami na rin tayong bibigay at malamang maniniwala.

Any publicity is good publicity, lalo na kung ang hugot ay manakot, mampraning, at maghasik ng intriga.

Binibigyan ng baluktot na katwiran ni Parlade ang higanteng P16.4 bilyon na pork ng militar na naglalayong pataubin ang umano'y mga komunista sa eleksyon 2022.

Iba pa ito sa budget ng ibang ahensya sa giyera kontra komunista. Wala pa diyan ang budget ng Philippine National Police na tinatawag na "End Local Communist Armed Conflict."

Sa pagsilip ng P16.4 bilyong budget, makikita ang grandiyosong planong ubusin ang mga progresibo sa larangang pulitikal. Teka, bakit nakikisawsaw ang militar sa usaping pulitikal?

Nung siya'y nakumpirma noong Setyembre, walang pagso-sorry si Parlade sa pantatarget niya, hindi lang sa Kaliwa, kundi pati sa midya. “We would like to shift to the more important aspect of this political war, which is propaganda. If they happen to be a part of that machinery, then we will destroy it,” sabi ni Parlade. 

Tatakbo ba si Parlade? Muli bang magsasapalarang tumakbo ang berdugo ng militar na si Jovito Palparan? Puwede, at puno ang kaban ng kayamanan para gawin ito. Ang sigurado, maraming unipormadong tatakbo sa 2022.

Ang namuuong larawan ay ito: umaanggulo ang militar para sa higit na political clout. Tapos na ang mga dekada kung saan nagsumikap ang militar na maging propesyonal na sandatahang lakas na hands-off sa pulitika.

Matagal nang may umuudyok sa loob ng militar na aktibong lumahok sa agawan-base ng kapangyarihan. Pero sa ilalim ni Duterte lang ito lubos na nagpakagahaman at lantaran nang iwinaksi ang pagiging "neutral."

Sabi nga ng Rappler Managing Editor na si Glenda Gloria, "You only need to hear Lieutenant General Antonio Parlade Jr to recognize the steep decline of reason in the armed forces." (BASAHIN: The Philippine military and its hipocrisy)

Bumabalik ang lahat nang ito sa makinarya ng impunity na sinimulang i-assemble noong naupo si Duterte at inilunsad ang giyera laban sa droga. Mga component nito ang mga batas na ngayo'y nakakasa na ang bala – andyan ang anti-terror law na magpapadali sa paniniktik at pagdedetine ng mga suspek kahit kapalit ay paglapastangan sa karapatang pantao.

Andyan ang higanteng mga pondo para sa intelligence ni Duterte. Andyan ang matrix ni Duterte na hinugot mula sa Hollywood movies at Fentanyl. At andyan din ang NTF-ELCAC na sinamantala ang pandemya upang lalo pang sakalin ang demokrasya.

Sinabi rin ni Gloria na ang "commie pill" ang drogang ibinigay ni Duterte sa militar para manatili itong "busy and obsessed, and awash with counter-insurgency cash" para tigilan na ang dismaya nila sa polisiya niya sa Tsina, o magpakulo ng kudeta.

Leksyon ng Batas Militar

Tanong din ni Gloria: Who is the biggest recruiter for the communist movement? Surely the generals know?

Ito ang lekyson ng Martial Law. Ang pinakamatinding recruiter para sa insurgency ay ang pagyurak sa karapatang pantao at pagsikil sa kalayaan. Pero umuulit na naman ang kasaysayan sa ilalim ng bagong lideratong nakatikim ng kapangyarihan kay Duterte.

Sabi nga ni Nelson Mandela: “When a man is denied the right to live the life he believes in, he has no choice but to become an outlaw.”

Pula ang lipstick ng tatlong aktres, nguni't hindi sila Pula.

Hindi rin pagiging Pula ang pumuna sa mga palpak ng gobyerno. At sa bandang huli, lahat ng kamulatan o schools of thought ay may karapatang magpahayag, mamuna, at magprotesta – maging Pula, Dilaw, o ano pa mang kulay mayroon sa lipunan. 'Yan ang demokrasyang sinumpaaang ipagtanggol nila Parlade. – Rapper.com