Philippine labor

[OPINYON] Pagkaraan ng tatlong buwan, ‘di pa rin kita nalilimutan

Nick Garcia

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Pagkaraan ng tatlong buwan, ‘di pa rin kita nalilimutan

Illustration by Guia Abogado

''Di excuse ang masamang experience ko para pagmalupitan ang iba. Lalong-lalo na ngayong lantad na kung ano’ng tunay na labor conditions ng delivery riders.'

Nananariwa pa rin ang nagdaang April 26. Kung may one word para sa araw na ‘yon, “disaster” siguro. Di dahil nagkataong anibersaryo ng Chernobyl nuclear accident no’n, kundi dahil isang item lang ang natapos ko sa four-hour, three-part writing exam sa job application ko.

What went down: 8 am ang schedule ko, base sa pinili ko mula sa time slots na ibinigay ng human resources officer. Ise-send daw niya sa ‘kin ang link sa exam sa oras na napusuan ko.

Bilang isang huwarang applicant, gising na ‘ko bago mag-7 am. Crystal clear ang plano ko: mag-almusal sa tapsilogan, umetsas na para walang maging aberya kalaunan, tapusin ang exam by noontime, mananghalian bilang mini reward, at magkaro’n pa rin ng sapat na oras para makapagpahinga dahil may writing job pa ‘ko bandang 5 pm.

Thirty minutes bago ang exam time, nagbukas ako ng mga tab ng article para basahin. Tila college student akong nagkumahog na mag-review para sa finals. Ilang araw bago ‘yon, pa-scroll-scroll na ‘ko sa news sites at social media.

Hanggang sa 8 am na.

Hanggang sa 8:01 na. 8:05. 8:15. Wala akong na-receive na kahit ano.

Di ko nagawang i-email agad ang HR officer. Baka unconsciously kong tanggap ang company culture natin na dapat (pi)naghihintay ang mga applicant. Wala nga lang sa couch ng office lobby at nakasuot ng long sleeves, slacks, at leather shoes habang pilit na iniiwasang umupo nang naka-de kuwatro o nang naka-slouch.

Must Read

Pandemic scars: More Filipinos to remain poor, unemployed even by 2022

Ipinagpatuloy ko na lang muna ang pagbabasa-basa. Nang lampas 9 am na, medyo off na ang feeling. Naglakas-loob na ‘kong magtanong na tila nanghihingi ng directions mula sa kapwa commuter.

Nag-reply ang HR maya-maya. Nasa spam daw ang email ko re exam time. Parang may war flashbacks sa di-inaasahang sagot at lalong naligaw sa binabalak puntahan. Sinabi rin niyang 1 pm na lang gawin ang exam.

No’ng moment of truth na, matapos ang lahat ng preparation at buildup, napatitig lang ako sa laptop ko nang 20 minutes, at least. Kung kesyo nawala ang mojo ko o kung sadyang dumale ang creative blackout o kung di talaga para sa ‘kin ‘yon, ewan ko.

Bandang 4:59 pm, ipinasa ko ang output kong di man lang na-proofread. Paulit-ulit kong sinabi sa sarili na dapat ganito, dapat ganyan ang naging strategy. Pero wala, what’s happened has happened. Sa make-or-break opportunity na ‘yon, malamang ay ang pangalawa ang naisakatuparan ko.

Gusto kong humilata na, kaso may trabaho pa ‘ko. Umihi lang ako saglit at uminom ng tubig, ta’s napasubo na naman.

Di tulad ng writing exam, masasabi kong naging smooth ang trabaho. Ando’n ang adrenaline, ang muscle memory sa pagtipa ng mga salita. Tapos na ‘ko sa mga assignment ko bandang 8 pm.

Dala ng stress mula sa mga nangyari, minabuti kong umorder ng hapunan sa isang food delivery app. Burrito, burger, at fries ang natripang bilhin para sa ‘min ng mama’t kapatid ko.

After about one hour, dumating na ang pinakaaabangan. Wala pang 15 seconds ang naging kaliwaan namin ng rider bilang pag-iingat sa COVID-19. Bumalik agad ako sa bahay para kalagin ang plastic bag at ilabas ang nilalaman ng nakapaloob na paper bag.

Shawarma, 2 pax. Malayo sa inorder ko, lalong-lalo na ang presyo.

Disaster.

Unfortunately, di pwedeng kontakin ang rider basta na-deliver na niya ang item. Maaari lang magbigay ng 0-5 na star rating at mag-file ng report. Matik na kung ano’ng ginawa ko.

Nakatanggap ako ng email ilang sandali lang. Di ang inaasahang customer support, kundi ang e-receipt ng order ko. Ando’n ang pangalan ng rider at instinctively, sinearch ko siya agad sa Facebook. Pero di ko siya mamukhaan dahil halos wala naman kaming naging interaction, ta’s pareho pa kaming naka-mask. Pero sure talaga ‘kong siya ang hinahanap ko, base sa profile info niya.

Nagbaka-sakali ako. Habang nasa sent status pa ang chat ko, tinitingnan-tingnan ko kung nag-reply na ang customer support. Meanwhile, kailangan namin tiisin ng mama’t kapatid ko ang gutom dahil di pwedeng basta kainin ang natanggap.

Sent pa rin ang chat ko after 20 minutes. Sa sobrang frustrated ko na, ini-screenshot ko ang profile ng rider at sinave ang ilang photos niya. Sumagi sa isip kong mag-post sa social media. Feeling ko’y napaka-unfair at napakalupit ng mundo sa ‘kin. Na-fuck up ko na nga ang pagkakataong makahanap ng better work opportunity, na-scam pa ‘ko.

Mabuti na lang, sa anumang kadahilanan, di ko itinuloy ang mapusok na plano. Nag-reply na ang rider matapos ng 10 minutes pa.

Nag-request siya ng video call. Halata ang pagkabalisa niya. Di na raw niya na-check ang bag dahil sa packaging nito. Bukod do’n, sa digital food park pala ng app ipinroseso ang order ko.

Ang sistema, may staff na namamahala sa mga order mula sa iba’t ibang establishment na kabilang sa kalipunan. Tatawagin niya ang riders pag okay na ang respective deliveries nila. Apparently, may kapangalan daw ang rider ko’t nakuha niya ang order na dapat para sa ‘kin.

Nakausap ko rin ang staff in charge. Sorry siya nang sorry. Nilinaw kong di ako galit; di naman talaga. Pero deep down, di maikakailang stressed out na talaga ‘ko. At gutom na gutom na.

Dahil pasara na sila, next morning na raw ipadadala ang original order ko. Sagot ng staff, apparently. Para naman sa maling order na natanggap, pwede na raw naming kainin ‘yon.

Bago ipasa ng staff ang phone sa rider, nag-sorry siya uli. Siniguro ko sa kaniyang wala siyang kasalanan. Nag-sorry din ako dahil walang may gustong magkaro’n ng gano’ng aberya.

Nakausap ko ang rider sa huling pagkakataon. Alam namin parehong kay haba na ng kani-kaniyang araw namin. Nalimutan ko na ang parting words namin, pero nasisiguro kong naging amicable naman kami sa isa’t isa.

Pagkatapos ng call, nakaramdam ako ng hiya’t pagsisisi sa mga naging paratang ko’t maitim na balak sa kaniya. Di excuse ang masamang experience ko para pagmalupitan ang iba. Lalong-lalo na ngayong lantad na kung ano’ng tunay na labor conditions ng delivery riders. Kung sakali, baka nawalan pa siya ng trabaho dahil sa kagaguhan ko.

Must Read

Foodpanda riders, suspended for 10 years, only wanted decent income

Foodpanda riders, suspended for 10 years, only wanted decent income

Dinelete ko agad ang dapat i-delete sa gallery. Nag-email din ako sa customer support na di pa rin nagawang sumagot. Binawi ko ang report ko’t nilinaw na wala talaga siyang ginawang mali.

Pero sadly, wala na ‘kong magagawa sa naibigay kong 0 rating, sa naging pananagutan ng staff, at sa namimintong job application rejection dala ng performance ko (in fact, di nag-reply ang HR sa follow-up email ko recently. Kung napunta uli sa spam, ewan ko). What’s happened has happened.

Habang pinaparte namin ng mama’t kapatid ko ang pagkain, naalala ko ang palitan nina Frodo at Gandalf sa The Lord of the Rings.

Sabi ni Frodo, di na lang daw sana dumating ang One Ring sa panahon niya, lalo na’t payapa siyang namumuhay sa Shire. Di niya maunawaan kung ba’t bigla siyang nagkaro’n ng napakabigat na tungkuling wasakin ‘yon sa kaloob-looban ng Mount Doom.

Paliwanag ni Gandalf, walang sinuman ang maaaring makapagpasiya kung ano’ng dapat na dumating sa buhay natin. Ang dapat nating ipagpasiya, sabi niya, ay kung ano’ng gagawin natin sa ibinigay na panahon sa ‘tin.

Looking back, marahil di talaga disaster ang April 26 na ‘yon. Sa kabila ng lahat ng nangyari, sa huli, nakapagpasiya pa rin akong maging mapagpasensiya’t humingi ng pasensiya. – Rappler.com

Nick Garcia writes for television. He lives in Manila.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!