[OPINYON] Gusto ba talaga ng Pilipino ng pagbabago?

Gusto ba talaga ng Pilipino ng pagbabago? 

Siyempre naman...sa unang tingin. Pero bakit ganito pa rin ang kalagayan ng ating bansa? 

Limang taon na tayong pinapangakuan na "change is coming." Bago 'yon, may nag-sorry, na-wheelchair, at gumaling kasabay ng pagpapalit ng nakaupo sa Malacañang.

Maraming dahilan kung bakit nangangapa ang Pilipinas, sa kabila ng panay na pagbanggit ng ating natatanging yaman, gilas ng mga mamamayan, at potensyal nito sa mga mamumuhunan. 

Patuloy na ginagawang negosyo at teleserye ng mga political dynasty ang pamamahala ng ating kapuluan at ang ating kapakanan. Hinahayaan ang pag-angkin ng mga banyaga ng ating teritoryo, gaano man katindi ang pagtanggi ng mga lider at kanilang mga tagasuporta. Patuloy ang pagputol ng kagubatan, pagmimina, at iba pang uri ng pagkasira ng kalikasan, sa ngalan ng maling pagtingin sa konsepto ng pag-unlad na nakabubuti lamang sa mga malalaking kumpanya. 

Hindi dapat maabswelto ang mga nasabing indibidwal at grupo sa kung anumang paglabag sa ating karapatan ang kanilang ginawa. Pero sa mas malalim na pagsusuri, mukhang darating na tayo sa puntong hindi na tayo biktima lamang ng mga suliranin ng ating lipunan. Bahagi na tayo ng paglaganap ng problema.

Iba ang konteksto ng mga mahihirap nating kababayan na inuuna ang paghahanapbuhay para sa kanilang pamilya dahil sa kanilang kalagayan. Ngunit ang mga edukado at mga may karanasan na sa buhay na mulat sa ating kasalukuyan, at pinipili pa ring maging bulag? Ang mga may kakayahan pero aktibong sumusuporta sa mga hindi karapat-dapat na mamuno sa ating bayan? 

Ang sabi nga nila, "The definition of insanity is doing the same thing over and over again and expecting different results."

Nakadidismaya na paulit-ulit nating nakikita ang ating mga kababayan na patuloy ang pagboto sa mga kandidato dahil kamag-anak sila ng kasalukuyan o dating lider. Basta sikat, guwapo, o maganda, suportado agad kahit hindi alam ang plataporma o napatunayang lumabag sa batas. 

Kung gusto niyo talaga ng tunay na pagbabago pero inaasa niyo ang inyong pangarap sa iilang angkang napatunayan nang palpak sa pagbibigay nito at mga artistang madalas na walang alam o karanasan sa pamamahala, wala pa rin ba kayong pananagutan? 

Kung mas gusto niyong magreklamo sa resulta ng mga beauty pageant, sports, at iba pang aliwan na walang kinalaman sa inyong buhay kaysa sa mga desisyon ng mga lider na inyong binoto na makaaapekto sa ating kapakanan, tapos aangal pa rin na wala kayong magagawa, wala pa rin ba kayong pananagutan? 

Sa totoo lang, may katuturan ang pananaw na mas iniitindi ng marami sa atin ang mga aliwang ito, lalo na kung may kinatawan ang Pilipinas. Hindi naman tayo masisisi kung mababa ang ating tiwala sa pamahalaan, lalo na't lugmok pa rin ang marami sa atin sa kahirapan at hindi naparurusahan ang mga corrupt. Kaya ang iba sa atin ay mahilig sa kuwento ng mga umaangat sa buhay mula sa simpleng pinanggalingan, dahil nagbibigay ito ng pag-asa na kaya nating labanan ang sistema. 

Kaya lang, itinuturing ng marami na isang teleserye ang ating gobyerno. Marami ang nagpapadala sa mga salita ng mga politiko na sadyang naglalabas ng kanilang galit sa mapang-aping sistema ng ating lipunan, kahit na bahagi ang mga politikong ito ng naturang sistema. 

Inuuna ang drama, hindi ang nilalaman. Inuuna ang politika, hindi ang pamamahala. Kaya kahit alam nilang mali ang ginagawa ng kanilang ibinoto, susuportahan pa rin, magmamarunong pa. 

Sadyang mahirap alisin ang ganitong mga nabuong kulturang pampulitikal sa ating bansa, lalo na't nakaugat pa ito sa panahon ng mga Kastila sa ating bansa. Naging bahagi na ng ating pangkalahatang mentalidad ang umasa sa mga tagapagligtas, na sasagip sa atin mula sa mga masasamang elemento. Kaya paulit-ulit rin ang takbo ng mga teleserye, variety show (na sa totoo lang ay walang variety), at karamihan sa mga pelikulang ating napapanood. 

Lalong magiging mas mahirap ang pagkamit ng inaasam nating pagbabago kung hindi natin babaguhin ang ating mentalidad at gawi. Para sa isang bansang kilala sa pagiging relihiyoso, lumalabas na hindi tama ang pagsasabuhay ng kasabihang "Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa" dahil itinuturing ng ilan na Diyos ang mga politiko at artista. Todo ang paniniwala sa Panginoon, pero sumusuporta sa mga makasalanang gawain ng kanilang idolo? Totoo nga ang sabi nila, "It's more fun in the Philippines." 

Mahilig tayo sa instant: kape, noodles, internet, pera. Kaya pati pagbabago, gusto rin nating maging mabilis. Pero sa laki ng mga problemang ating hinaharap bilang isang bansa (na madalas ay dulot ng mga political dynasty at mga miyembro ng oligarkiya), hindi magiging mabilis ang pagpapatupad ng mga solusyon. 

Naiintindihan naman kung bakit gusto natin ng mabilisang pagbabago, pero dapat din nating tignan ang ating kasalukuyan sa isang mas makatotohanang perspektibo. Aabutin ng ilang dekada bago natin makikita ang epekto ng mga programang ipinapatupad ngayon, kaya dapat lagi tayong nakatutok at nananatiling may alam sa mga pangyayari ngayon. 

Hindi puwedeng puro puso lang. Kaya maraming nasasaktan sa pag-ibig; puro passion – hindi naman tayo mapapakain ng iyan lang. Puro matatamis na salita, wala namang gawa. Ganoon din sa ibang aspeto ng ating buhay, lalo na sa pagpili ng ating mga pinuno at iba pang uri ng pakikilahok sa mga prosesong politikal. 

Ilang dekada na tayong ganito. Para sa mga edukado at mulat, gusto niyo ba talaga ng pagbabago? O mema lang?

Simple lang ang mensahe ng akdang ito: bumoto nang tama. Narinig niyo na ito, pero dapat ulitin. Dahil sa nakikita natin ngayon, hindi pa tayo natututo. – Rappler.com

Si John Leo Algo ay isang citizen journalist at manunulat sa mga suliraning pangkalikasan at panlipunan mula noong 2016. Nagtapos siya ng MS Atmospheric Science sa Pamantasang Ateneo de Manila noong 2018.

Voices features opinions from readers of all backgrounds, persuasions, and ages; analyses from advocacy leaders and subject matter experts; and reflections and editorials from Rappler staff. 

You may submit pieces for review to opinion@rappler.com.