governance

[OPINYON] Mga regalo at ang sistemang pagtangkilik

Justin Adriel D. De Castro

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Mga regalo at ang sistemang pagtangkilik
'Ang nakakatawa sa sitwasyong ito, hindi alam ng taong bayan na yung binibigay sa kanila ay galing lang din mismo sa buwis na binabayad nila'

Katatapos ko lang basahin ang librong The Philippines is Not a Small Country ni Gideon Lasco. Ito ang pangatlong libro na naibigay sa akin ngayong taon ng aming mayor sa Odiongan. Maliban sa aking personal na pagkahilig sa pagbabasa ng mga libro, para sa akin, makapangyarihan ang mensahe o simbolo na ang isang ordinaryang mamayan tulad ko ay nakakatanggap ng libro mula sa lider ng aming bayan.

Ano pa ba nga ba ang maaring ibigay ng isang lider sa kanyang mga nasasakupan, lalong-lalo na sa aming mga kabataan, na makakapag-empower sa kanila kundi libro? Sabi nga, “No tyrant would dare give his people education, for his power is founded upon their ignorance.” Sa pamamagitan ng mga libro, kaming mga kabataan ay nagkakaroon ng kalayaan ng isip na kinakailangan namin para sa mabuting pakikipagunayan, hindi lamang sa gobyerno kundi na rin sa lipunan. 

Itong mga libro ay salungat sa tradisyonal o nakasanayang mga regalo na natatanggap ng mga kabataan sa Romblon mula sa ibang mga tradisyonal na pulitiko (trapo).

Nitong nakaraang Pasko, labis na sumama ang loob ko nung nakita ko sa Facebook ang mga kaibigan kong mga Sangguniang Kabataan mula sa iba’t ibang bayan na nag-post ng mga litrato ng mga sobre na naglalaman ng halagang P500 hanggang P1000, na natanggap nila mula kay Congressman. (Nakatanggap din ang ilang mga kapitan at ibang kaalyado.) Public knowledge na rin ang mga storya na ang ibang mga kabataang lider ay nabibigyan ng mga materyal na bagay tulad ng gadgets at kung minsan pa nga ay motor.

Must Read

China chopper harasses PH rubber boat in Ayungin Shoal – lawmaker

China chopper harasses PH rubber boat in Ayungin Shoal – lawmaker

Nito lamang ay sumama rin ang loob ko noong ako ay nakatanggap ng isang bag at sunglasses mula sa isang pulitiko. Sa loob-loob ko, sabi ko sa aking sarili, “Bakit ako bibigyan? Hindi ko naman kailangan. Hindi naman ako nanghihingi ng kapalit sa kung ano man ang ginagawa at gagawin ko. Ganito ba sila lahat?”

Ikwento ko na rin na noong ako ay naglingkod bilang student regent sa Romblon State University, natutunan ko sa aming mabuti at poging board secretary na si Sir John Rufon na sistema na raw na ang honorarium ng Congressman ay napupunta sa student regent. Ang nangyayari ay sa tuwing meeting, dalawa bale ang sahod na natatanggap ko, ang personal kong honorarium at ang honorarium ng Congressman. Sa aking isipan, itong dobleng incentive ay binigyan kong kahulugan na doblehin din dapat ang trabaho at performance bilang isang student leader at hindi magkaroon ng utang na loob sa taong nagbigay nito sa akin.

Ang punto ko sa pagkwento nito ay, para sa pananaw ng karamihang pulitiko sa Romblon, sa tingin nila ang pangunahing trabaho nila ay magbigay ng bagay-bagay at pera sa mga Romblomanon at hindi husayan ang pagogobyerno. (Sa lahat ng board meeting ay magaattendance lang si Congressman at ni minsan nagbigay ng input sa kalagayan ng unibersidad; kanugon kag power of representation.)

Sa pananaw rin nila, ang tanging paraan upang makuha mo ang loob ng isang tao ay bigyan siya ng regalo, bagay man o pera. Ito yung tinatawag na sistemang pagtangkilik o “patronage  system,” kung saan kapalit nitong mga pabor at regalo na natatanggap natin sa mga pulitiko ay dapat ibigay natin sa kanila ang ating “political loyalty.”

Must Read

Itong pagbibigay ng mga pabor at regalo ay hindi lamang talamak sa aming mga kabataan kundi na rin sa mga nakakatanda: mga sasakyan sa mga kaibigan at kaalyado, at minsan kahit sa mga pari; mga padulas sa mga kaalyadong kapitan; marami pang iba. Ang sabi nga ay, Marunong talaga sila mag-alaga ng tao.”

Halos lahat ng pulitiko sa Romblon, lalo na sa mga Sangguniang Bayan at Sangguniang Panlalawigan, ay naniniwala pa rin na ang kanilang trabaho ay magbigay ng tatlong kilong bigas at kung ano mang “dole out” ang maisipan ng kanilang mga makikitid na imahinasyon. Ito ang dahilan kung bakit maraming konsehal sa amin ay wala man lamang naipasa na ordinansa. Basta nakabigay ako ng bigas, tsinelas, o cake, okay na, magaling na akong lider. Sa huli, sila rin itong nababaon sa utang at namomroblema kung saan hahanap ng pondo upang mapanatili nila itong sistema ng pagbibigay ng pabor at regalo.

Dito na nagsisimula ang ideya na magnakaw sa kaban ng bayan para lamang maipagpatuloy ang pagbibigay. Ang nakakatawa sa sitwasyong ito, hindi alam ng taong bayan na yung binibigay sa kanila ay galing lang din mismo sa buwis na binabayad nila. 

Ang sabi nga ni Gideon Lasco dito sa libro ay ang pagbibigay ng regalo ay isa nang institusyon na parte na ng kulturang Pilipino, at marahil ganoon rin sa buong mundo. Sa kanyang sanaysay, tinalakay nya ang  konsepto ng “Pabaon, Pasalubong, at Utang na Loob” nating mga Pilipino. Nabanggit dito na ang pagbibigay ng regalo ay isang paraan ng tao upang maipakita sa kanyang kapwa na binibigyan nya ito ng halaga.

Human nature na ika nga ang pagbibigay ng regalo sa ating mga Pilipino. Pero pagdating sa ating mga lider, dapat nating suriin ang binibigay nila sa atin. Ang regalo ba ay thoughtful? O sadyang binigyan lamang tayo ng kung anong bagay na hindi isinasaalang-alang ang tunay nating mga  pangagaliangan?

Kailangan natin ito suriin sapagkat kung sa personal na regalo pa lamang sa atin ay di na pinagiisipan, ibig sabihin ganito rin ang magiging ugali nila sa mga procurement sa gobyerno, tulad na lamang ng pagbili ng mga multicab sa lahat ng munisipyo na siguro naman ay iba-iba ang pangangailangan. Kung ano lang ang maisipan, yun na lang ang ibibigay, walang datos, walang plano, wala man lang pagpapakumbaba na itanong muna sa mga Romblomanon kung ano ba talaga ang kailangan nila.

Isa pang bagay na dapat natin itanong: ang regalo ba ay taos-puso? Binigyan ba tayo dahil kinikilala o pinahahalagahan nila tayo bilang tao? O ang layunin ba ay magkaroon tayo ng utang na loob sa kanila para sa pagdating ng halalan ay makakasiguro sila sa ating suporta?

Must Read

New season, same old problems for Arsenal’s Wenger

New season, same old problems for Arsenal’s Wenger

Ilan ito sa mga dapat nating itanong sa ating mga sarili sa tuwing nakakatanggap tayo ng mga bagay o pabor mula sa ating mga lider. 

Hindi na mawawala sa ating kultura at lipunan ang pagbibigay ng regalo, pero ang aking dasal para sa susunod na halalan ay na maisip nating mga kasimanwa na ang isang lider ay hindi lamang nasusukat sa mga pabor at mga regalo na naibigay nila sa atin. Sa bandang huli, ang pinaka-importante ay ang abilidad nilang bigyan ng direksyon ang ating probinsya sa pamamagitan ng mabuting pagogobyerno at paglilingkod sa atin ng may integridad. Sana sa 2022, serbisyo ang hingin natin sa kanila at hindi regalo. – Rappler.com

Justin Adriel D. De Castro is an incoming 4th year law student. He is from Odiongan, Romblon, and is in love with his community there.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!