education in the Philippines

[OPINYON] Grad…wait lang

Nick Garcia
[OPINYON] Grad…wait lang

Illustration by Guia Abogado

'[P]lease, please, please, ‘wag na ‘wag susuko. Kung meron mang instances ng pagbitiw, sana’y magkaro’n pa rin ng resolve na kunin muli ang mga inilapag o naibagsak, at madala ang mga ‘to tungo sa paroroonan.'

Nagkalat sa social media feed ko kamakailan ang graduation photos ng mga estudyanteng nagsipagtapos sa gitna ng pandemya. Sa kani-kanilang mga bahay, sa harap ng mga laptop o tablet o smartphone nila.

May pa-throwback din ang ilang batchmates ko’t mga nauna sa ‘min. Mga eksena mula sa graduation ceremonies nila no’ng BCE (before coronavirus era). Mga naka isputing! Halatang kabibisita lang sa salon ng mga kababaihan base sa hairstyle, makeup, at nail polish nila. Kagagaling lang din sa barberya ng mga kalalakihan. Mai-imagine kung ilang minuto nilang sinuklay ang mga buhok nilang hitik sa wax. Tila humahalimuyak din sa labas ng screen ang branded perfume nilang lahat.

Siyempre, di mawawala ang mga selfie at professional na kuha sa mismong main event. Tiis-ganda’t tiis-pogi ang mga bagong officially unemployed sa mga retrato habang suot ang mga toga nila. Ngiti kung ngiti pa rin silang lahat kahit na gutom na gutom, uhaw na uhaw, at init na init na sa ilang oras na pagbababad sa gym o auditorium.

Kay nostalgic ng mga pagbabalik-tanaw. Marami-raming online class graduates ang nainggit at nanghinayang na di mararanasan ang “real thing” sa ngayon. Wala, “CE” na kasi. Para sa big day nila, kahon-kahon sila sa Zoom, nakaupo sa kani-kaniyang kuwarto, at naka-half isputing na dumalo sa virtual ceremonies. Talagang napa-sana all ang karamihan. Nais nilang maranasan live ang matawag ang buong pangalan, magmartsa sa aisle, umakyat sa entablado, makipagkamay sa kung sino-sinong school official, at iusog ang tassel ng graduation cap pakaliwa.

Must Read

Face-to-face graduation rites still not allowed due to pandemic – DepEd

Sana all, sana all talaga. Tatlong Hunyo ang nakalipas, di ako naging parte ng aming graduation ceremonies.

Gist: na-incomplete ako sa thesis.

Ewan ko ba, pero sa mga huling buwan ng 2017, di naging madali para sa ‘kin ang mga bagay-bagay. Halos kaaalis lang ng pamilya namin sa inuupahan ng higit 14 na taon. Habang nakikibagay kami sa bagong tinutuluyan, unti-unti ring lumalala ang sakit ng lola ko. Ang malala pa, lalong dumadalas ang pag-aaway nila ng lolo ko.

Kinailangan kong mag-step up bilang susunod na man of the house. Magtatrabaho na rin ang nakatatanda kong pinsan sa Dubai kasama ng mama niya, ang tita ko. Ang mama at papa ko nama’y matagal nang hiwalay at may kani-kaniya nang buhay. Pinadadalhan na lang nila kami ng kapatid ko ng allowance. Dinadalaw nila kami, at vice versa, pag di masyado busy.

Anyway, ako na nga ang naging in-charge sa pagba-budget sa buwanang padala at pagtupad ng karamihan sa gawaing-bahay. Siyempre pa, dapat siguruhing natitingnan ang mga nakatatanda at nai-intercept ang talpakan nila.

Ibang usapin pa ang mga alalahanin sa unibersidad. Ang major subjects ko sa huling semestre, kabilang na ang thesis, bilang isang senior student, at ang mga tungkulin ko sa campus paper bilang isang section editor nito. At ibang usapin pa ang ilang personal endeavors at hobbies ko bilang twenty-something na merong nais patunayan sa uniberso bagama’t gusto pa ring sumaya kahit papaano.

Must Watch

WATCH: Full-time students, part-time workers

WATCH: Full-time students, part-time workers

Sa pagpasok ng 2018, binalanse ko as usual ang mga responsibilidad sa bahay, sa klase, at sa organisasyon. Naisisingit pa rin ang kung ano-anong trip sa buhay.

Hanggang sa mga sumunod na linggo at buwan, di ko namalayang may mga pagkakataong nahuhuli na ako sa klase’t di nakapapasok sa isa o dalawang subject. Naging mediocre ang performance ko, maging sa kinabibilangang campus paper. Higit sa lahat, di ko napupuntahan ang thesis adviser ko. Wala kasi talaga akong maipakitang output sa buong Enero, Pebrero, at Marso. Sabay-sabay ang mga nangyayari sa paligid ko.

Kahit napilit ko ang sariling magsulat ng humigit-kumulang na siyento pahina para sa deadline no’ng Abril, di ‘yon itinuring na valid ng thesis coordinators at ng adviser ko. Walang pirma ang consultation form ko, ni isa; tatlong pirma ang minimum. Di raw ako puwedeng mag-defense. Obvious na kung ano’ng next. Sinubukan kong umapela sa pinakamakatuwirang paraan, ngunit di talaga maaari. Kahit magmakaawa ako’t maglupasay, balewala. Kailangang tanggapin ang naging hatol sa ‘kin, sa ayaw at sa gusto ko.

Kung napabayaan ko man ang pag-aaral ko, sabihin na lang nating dadalawa lang ang kamay ko. Di maipagkakasya sa mga mumunti kong palad ang mga suliranin ng mundo anumang pagtatangka ko. No’ng nakangangalay na, wala akong choice kundi bumitaw.

Bukod sa umano’y pasmado rin ako, may mga ilang bagay sa buhay na kahit tila kasinliit lang ng kutsaritang may asukal o platitong may suka, may kung ano’ng babagabag sa ‘kin, manginginig ako, at bahagyang mabibitiwan ang mga ‘to. Anumang higpit ng pagkakahawak ko o rahan sa pagdala sa mga ‘to, magkakalat ako’t magtatapon. Habang sinusubukan kong magmartsa tungo sa nararapat na landas, anumang paghahanda’t pag-“iisputing” ko para sa upcoming events ng buhay, sadyang may mga darating na di inaasahan at di lubos na mapaghahandaan. Sa ayaw at sa gusto ko.

Kaya nakikisimpatiya talaga ‘ko sa mga estudyante “from home.” Bukod sa halos lahat sa kanila’y lab rats ng K to 12, kinailangan nilang pilit na sumabak sa online classes. Nagdurusa sila, no thanks sa mga nakaupong walang ginawa kundi magpakapal ng mga bulsa nila’t kalimutang gamitin ang mga utak nila sa policy-making.

Must Read

#WalangIwanan: College students face challenges, delays during pandemic

#WalangIwanan: College students face challenges, delays during pandemic

Idagdag pa ang pakikipagsapalaran sa pandemyang di alam ninuman kung kailan matatapos, ang kahayupan ng administrasyong di matapos-tapos, at respective personal issues, talagang olats ang mga bagets. Di sila masisisi kung sila’y naghahangad ng break, nabu-burnout na, gano’n ka-fragile, may mounting mental health concerns, at inclined na bumitaw o magtapon sa kani-kanilang buhay, lalo na ngayong in the time of corona.

Sa online class graduates na naabot ang finish line, sa kabila ng lahat, palakpakan at pagpupugay talaga. Sa mga pinanghihinaan ng loob at feeling nila’y kulang sila, oks lang ‘yan. Di naman siguro masamang tanggapin ang mga hanggahan natin, na there’s only so much we can do. Dinidikta lang ng ginagalawang kapaligiran ang mga kilos natin. May mga pagkakataon talagang wala tayong control sa sitwasyong kinahaharap natin, anumang paghahangad na umayon ang mga ‘to sa sariling kagustuhan. It’s hard to beat the system, ika nga. C’est la vie. Shit happens.

Pero please, please, please, ‘wag na ‘wag susuko. Kung meron mang instances ng pagbitiw, sana’y magkaro’n pa rin ng resolve na kunin muli ang mga inilapag o naibagsak, at madala ang mga ‘to tungo sa paroroonan. Sa mga may maitatapong “patak” along the way, o ligwak kung talagang ligwak, sana’y magawang “punan” ang kalooban, kundi makapagpatuloy pa rin nang di pa nasasaid at puro latak na lang ang sarili. Mainam din sana kung merong mga minamahal na makatutulong sa journey.

Gasgas mang pakinggan, naniniwala akong maipagsisigawan pa rin ng ilang lost souls na parang kahapon lang nangyari ang lahat. Darating din ang bukas kung kailan tatawanan na lang ang mga pinagdaanan. O kahit na may bittersweetness o sharp pangs of distress ang paggunita, maipagmamalaki pa rin ang mga sariling kinaya’t nalampasan ang mga inakala nilang katapusan na.

At ‘yon na nga, parang kahapon lang nangyari ang tatlong taong nakalipas. Heto, naka-work from home setup na nga ako. Moving forward, kahit medyo malabo nang makapagsuot ako ng anumang regalia o makadalo sa anumang ritwal, live o virtual man; kahit lalong nadadagdagan ang mga responsibilidad ko; kahit di lubusang maglalaho ang mga intra- at interpersonal na problema kong napakarami’t napakasalimuot para ganap na mailista’t mailarawan, ang higit na mahalaga’y patuloy pa rin akong magpapatuloy. Tiis-pogi lang. – Rappler.com

Nick Garcia has a literature degree from the University of Santo Tomas. He writes for the Kapatid network.

Voices features opinions from readers of all backgrounds, persuasions, and ages; analyses from advocacy leaders and subject matter experts; and reflections and editorials from Rappler staff. 

You may submit pieces for review to opinion@rappler.com. 

Must Read

CHED: There’s no going back, ‘flexible learning will be new norm’

CHED: There’s no going back, ‘flexible learning will be new norm’