internet safety

[OPINYON] Ang teknolohiya ba ang tunay na salarin?

Ralph Vincent Mendoza

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Ang teknolohiya ba ang tunay na salarin?
'Ang teknolohiya ay gumagana lang batay sa kung ano ang kailangan at kahingian sa kanila ng tao'

Hindi na maitatanggi pa ang gahum na taglay ng teknolohiya sa pang-araw-araw na buhay. Sa katunayan, pwede nang gawing 4 ang tatlong pangunahing pangangailangan ng tao: pagkain; tirahan; kasuotan; at ang huli, teknolohiya. 

Sa panahon ngayon na mas naging katuwang ng bawat indibidwal ang teknolohiya dahil sa pandemyang naglilimita sa mobilidad ng tao, imperatibong balikan ang ginawang pagtalakay ni Sherry Turkle sa kanyang artikulong “Flight From Conversation” na lumabas sa popular na publikasyon sa Estados Unidos: ang The New York Times. Pagbubukas ito ng pinto para suriin natin ang mga sarili bilang primaryang konsumer ng teknolohiya. Dahil baka sa makapangyarihang impluwensya na taglay nito, hindi natin napapansin na hindi na tao ang gumagamit sa teknolohiya kundi ang teknilohiya na mismo ang gumagamit sa tao.

Siguro, hindi mo isang beses naramdaman na parang wala kang kasalo sa ilang inuman ninyong magkakaibigan dahil sa halip na makipagpalitan ng mga kwento ng karanasan, pagse-cellphone ang pinagkakaabalahan nila. Merong nakikipag-chat sa kasintahan o naglalaro ng popular na online games kagaya ng Mobile Legends. 

Kung nawawalan na ang tao ng panahon para maglimi, makipagkapwa, makilahok sa sektor ng mas malaking lipunang kinabibilangan nila, mag-aliw — ‘yong uri ng pag-aaliw na labas sa aliwang ikinahon sa smartphones at iba pang digital device — baka totoo nga ang presumpsyon na ginagamit na tayo ng teknolohiya. 

Sa artikulo ni Turkle, binanggit niya ang daing ng isang negosyante. Wala raw pumapansin dito. Walang nagkukusang tumawag o mag-text man lang para kumustahan ito. Masyado raw abala ang mga kasamahan nito sa trabaho sa paggamit ng mga digital device. Pero sa huli, inamin din ng lalaki na ito talaga ang ayaw magpaabala dahil lagi nitong nilulustay ang oras sa paggamit ng Blackberry. Ang ganitong sitwasyon ay manipestasyon ng malubhang sakit na dumadapo sa ilang kumokunsomo ng teknolohiya. Naisasakripisyo ang pakikipag-kapwa at ang mas malala, nagagawa nating magsinungaling para makakuha ng simpatya sa iba – na madalas na ngang ginagawa ng marami sa mundo ng social media. Ang terminong idinidikit sa mga taong ganito ay “pa-victim.”

Sa kabila ng madaling akses sa komunikasyon, tila naging mahirap din ang makipag-ugnayan nang personal. Isang 16 na taong gulang na lalaki ang nagsabi, “Someday, someday, but certainly not now, I’d like to learn how to have a conversation.” 

Base sa personal na obserbasyon, marami sa mga kaibigan at/o kakilala kong lalaki ang nahihirapang makipag-usap sa babae nang personal. Mas komportable at mas madali para sa kanila kung makikipag-usap sa pamamagitan ng telecommunication device. Pero hindi ba’t dapat din siguro nating ikatuwa na kahit papaano’y nabibigyan ng teknolohiya ng espasyo ang tinig ng mga tao na noo’y hindi makapagpahayag? 

Totoo rin ang sinabi ni Turkle sa kanyang artikulo na “Texting, email, and posting let us present the self we want to be.” Alam kong hindi ako ang nag-iisang gumagawa ng panibagong bersyon ng sarili sa Facebook na malayo sa bersyon ng sarili sa real na mundo bunsod ng pamantayang hinuhubog ng mga dominanteng uri sa lipuanan. Halimbawa, buburahin ang mga tigyawat sa mukha gamit ang ilang editing apps na pati ang ilong ay halos mabura na rin dahil ikinokondisyon tayo ng mga palatastas sa telebisyon na ang tunay na maganda ay iyong makinis at maputi ang balat. Alam ko rin na hindi ako ang nag-iisang tao na may kakilalang ikinukubli ang kanilang totoong identidad sa likod ng mga pekeng account na naglipana sa iba’t ibang social network sites.  

Must Read

[DASH of SAS] Girl+: This mobile app saves girls

[DASH of SAS] Girl+: This mobile app saves girls

Sa kabilang banda, esensyal na itanong din ito sa ating mga sarili: ang teknolohiya ba ang tunay na salarin sa ilang negatibong nangyayari sa sangkatauhan? Sa pagiging mahiyain ng tao? Sa kawalan ng kakayahang makipag-ugnayan nang personal? Sa pagtatago ng tao ng kanyang tunay na identidad sa birtwal na mundo? Baka. Pero kung uugatin natin kung sino ang lumilikha ng ganitong uri ng henerasyon, baka hindi dapat natin ibuntong ang lahat ng sisi sa teknolohiya. Kundi sa atin. Dahil sino ba ang nagtatakda ng pamantayan ng ganda na nagiging dahilan kung bakit may mga tao na ang liit-liit ng tingin sa sarili? Sino ba ang labis kung mangutya base sa oryentasyon ng kasarian, sa kulay ng kutis, o sa korte ng katawan at ilong? Sino ba ang gumagawa ng mga batas para i-tag ang mga kritikal na nasa social media bilang terorista? Sino rin ang nagsisilang ng mga dummy account para mang-troll? Ang teknolohiya ba? 

Dagdag pa ni Turkle, “Technology appeals to us most where we are most vulnerable.” Kaya sa mga panahon na nararamdaman ng tao na siya ay iniisantabi ng kanyang lipunang kinabibilangan, magiging kanlungan niya ang teknolohiya dahil sa kakayahan nitong magparamdam ng kalinga, arunga, at pagmamahal — kahit ilusyon at artipisyal lang. Patunay ang sinabi rito ni Turkle sa unang bahagi ng kanyang talumpati na mapapanood sa TED Talk. Aniya, tila niyakap siya ng kanyang anak nang matanggap niya ang mensahe nito na ang nilalaman ay “Mom, you will rock.”

Sa huli, mahalagang timbangin ang lahat. Kuwestiyonin ang implikasyon ng teknolohiya sa buhay natin ngunit dapat ding kuwestiyonin ang uri ng pakikipagkapwa na meron tayo. Baka tayo rin ang gumagawa ng dahilan kung bakit tayo nagkakawatak-watak sa halip na magkabuklod-buklod. Tandaan, ang teknolohiya ay gumagana lang batay sa kung ano ang kailangan at kahingian sa kanila ng tao. Malaki ang agwat ng tao sa teknoloniya. Kahit saang anggulo tingnan, tayo’y nakahihigit sa mga ito. Kaya bilang tao, kumilos batay sa ating konsensya. Maging makatao lalo na sa panahong ito na bumababa ang halaga ng buhay. – Rappler.com

Si Ralph Vincent V. Mendoza, 19, ay kumukuha ng Bachelor of Secondary Education Major in Filipino sa Leon Guinto Memorial College. Ang ilang akda niya ay mababasa sa antolohiyang Balintuna, Lakbay, at Aksyon. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!