artificial intelligence

[OPINYON] Si Lavinia Arguelles versus Artificial Intelligence

Noji Bajet

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Si Lavinia Arguelles versus Artificial Intelligence

Guia Abogado/Rappler

'May mga kahinaaan, aberya, at limitasyon ang teknolohiya na patuloy pa ring bibigyan ng solusyon ng pagkamalikhain ng tao'

“You’re nothing, but a second-rate trying hard copycat!”

Maaaring bigkasin ang linyang iyan ng karakter na si Lavinia Arguelles na ginampanan ni Cherie Gil sa pelikulang Bituing Walang Ningning upang tuligsain ang artificial intelligence o AI bilang “instrumento” ng paglabag sa ilang mga karapatan sa intellectual property o yamang-isip ng mga manlilikha sa anumang larangan. Dahil sa mga pagkakataong hindi mawari kung ano ang totoo at generated lamang, marami na ang naganyak na subukan ito. Napabibilis ang paglikha ng content o trabaho bagaman napaiibayo rin ang kritisismo laban dito. Hindi raw ito ganap na masasandigan, walang integridad, walang laman ang sinasabi, o kung mayroon man, impostor o huwad.

‘Second-rate’

Sa konteksto ng paglikha ng mensahe, biswal man o tekstwal, ang AI ay maituturing na kakatwang anyo o lebel ng komunikasyon pagdating sa kalikasan ng sender. Halimbawa, sa panulaan, ang makata ay maaaring aktuwal o artipisyal. Sa katunayan, may mga pagsisiyasat na sa ChatGPT kung saan may tunggalian sa resulta. Ayon sa isang pagsisiyasat, mahusay ang AI chatbot sa paghabi ng mga taludtod dahil ang mga tula ay may konseptong pangmatematika rin naman na akma sa computer programming. Sa ibang sipat, hindi raw kalugod-lugod ang mga tula ng AI dahil hindi bukal ng masidhing emosyon o walang sapat na lalim. Hindi ito papantay sa mga tulang wagas kung makalikha ng kakaibang damdamin sa bisa ng danas o kasaysayan ng mismong makata. Sa madaling sabi, walang puso o kaluluwa.

Sentimental man, ito ang pangkalahatang kritisismo hinggil sa AI. Mapagninilayan tuloy ang dulang sci-fi na Rossumovi Universal ni Roboti (Robot Unibersal ni Rossum) o R.U.R. ni Karel Čapek. Ang salitang “robot” ay unang ginamit sa panitikan ng tanyag na manunulat ng Republika ng Tseko. Mula ito sa salitang Slavic na “robota” na nangangahulugang “sapilitang paggawa.” Ang kuwento ay umiinog sa mga posibilidad na maaaring gawin ng mga makinang nag-iisip — kabilang na ang mag-alsa o umibig bukod sa pagtatrabaho lang. 

‘Trying hard’

Tungkol sa trabaho, hindi maisasantabi ang banta ng unti-unting awtomasyon sa sektor ng serbisyo. Sa isang Facebook group ng mga freelance na manunulat sa Pilipinas na aking kinabibilangan, ibinahagi ng isang miyembro ang puna ng kanyang kliyente. Mas pulido pa rin daw ang gawa ng mga aktuwal na manunulat dahil pinag-iisipang maigi ang proyekto. Sinusubok ng AI na mapantayan ang mga komplikadong sulat. Sinusubok na pag-aralan ng mga programmer kung paano maaabot ang gawang may “puso.” Subalit, walang makapapantay sa mga gawang tigib ng mga sensibilidad, nuance, o sopistikadong mga katangiang hindi basta-basta marereplika ng mga programang nakabatay lang sa mga sistematikong alituntunin.

Kahit na positibo ang puna, inaamin pa rin ng nasabing miyembro na ang industriya ay maaaring ganap na sumandig sa AI upang mapadali ang trabaho at maging cost-efficient. I-input lang ng kliyente ang prompt o utos ay agad na itong tutugunan ng AI.

Must Read

We asked artists how they felt about AI-generated art – and they had a lot of feelings

We asked artists how they felt about AI-generated art – and they had a lot of feelings
‘Copycat’

Intensyonal ang paggamit ng AI. Nakasalalay sa utos ng user ang kalalabasan. Sa mga obrang sining, maaaring ang ilang mga protektadong istilo ay saklaw ng AI tool kaya’t nakapaglalabas ng replika nito. Kung teksto, tila collage ng mga impormasyon ang kalalabasan. Mula ang mga ito sa iba’t ibang lupalop ng cyberspace. Dito na pumapasok ang ilang mga alalahanin. Sa katunayan, sa Estados Unidos, kabi-kabilaan na ang mga kasong isinasampa ng ilang mga manlilikha dahil hindi umano sila hiningan ng pahintulot ng mga kumpanya upang gamitin ang kanilang mga obra sa ilang mga komersyalisadong app o website na pinatatakbo ng AI.

Kamakailan, sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, napag-alamang ang mga likhang isinumite ng ilang mga estudyante sa kanilang mga propesor ay galing umano sa AI. Mariing kinondena ng institusyon ang gawain at hinikayat ang lahat na responsableng gamitin ang teknolohiya upang mas mapainam ang pag-aaral o pananaliksik nang walang nilalabag na batas sa copyright o karapatang-sipi. Makatwiran ang paninidigang ito dahil taliwas ang nasabing ‘intellectual dishonesty’ sa prinsipyong pinangangalagaan ng akademikong komunidad na siyang nangunguna sa pagpoprodyus ng mga bagong kaalaman at karunungan na maibabahagi sa lipunan.

Sa katatapos lang na ika-16 na Arts Congress ng Pamantasang De La Salle (DLSU) na tumalakay sa ugnayan ng sining, gunita, at kasaysayan, napag-usapan din ang tungkol sa AI. Sabi ng manlilikhang si Manix Abrera sa mundo ng komiks, ang AI ay isang palatandaan ng pagdating natin sa “ngayon” — gaya rin ng kung paano tayo napunta sa lunang digital mula tradisyonal. Sa kasaysayan ng sining, nalikha ito bilang pagdulog sa mga posibilidad ng larangan, gaya ng kung paano umusbong ang potograpiya bilang hamon sa mga “makatotohanang” pintang larawan noong panahon ng Renasimyento. Ang AI ay palatandaan din ng kaunlaran. Ani Abrera, walang masama kung yayakapin ang teknolohiyang ito dahil kapana-panabik ang mga posibilidad.

Sinasang-ayunan ang hakang ito ng pananaw ni Dr. Arnulfo Azcarraga ng DLSU sa parehong kongreso. Aniya, maraming posibilidad ang AI na kung pag-aaralan ay maaari pang sumaklaw sa iba’t ibang aspeto ng pamumuhay ng tao at dumaloy sa mainstream

Tunay na may tinutugunang pangangailangan ang teknolohiya, ngunit hindi ito dalisay. May mga kahinaaan, aberya, at limitasyon ito na patuloy pa ring bibigyan ng solusyon ng pagkamalikhain ng tao. Sa kabila ng lahat, dapat at marapat na mapanatili ng teknolohiya ang pagkiling nito sa etika at karapatang-pantao upang ganap na palakpakan ang ambag nito sa sangkatauhan. – Rappler.com

Si Noji Bajet ay residente sa Santa, Ilocos Sur at kasalukuyang nag-aaral sa Unibersad ng Santo Tomas sa ilalim ng kursong Master ng Sining sa Komunikasyon. Ang kanyang mga akda ay nalathala sa Liwayway, Philippine Panorama, Rappler, at Philippine Star. Ang kanyang dagli ay nagkamit ng parangal sa 2022 Saniata Literary Awards.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!