education in the Philippines

[OPINYON] Linyar o sanga-sangang pagtuturo ng kasaysayan?

Vincent Conde

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Linyar o sanga-sangang pagtuturo ng kasaysayan?

Alyssa Arizabal/Rappler

'Hindi iisa ang ranas ng Pilipino, hindi rin iisa ang tinulayan nating pagbabago, kaya nararapat lamang na matutuhan natin ito mula sa iba’t ibang boses'

Unang beses kong narinig ang salitang rhizomatic sa isa sa mga classmate ko sa graduate school. Alam kong may salitang “rhizome,” pero hindi ko lubos maisip kung paanong mula sa disiplina ng botany ay ginamit niya ang konseptong ito sa kasaysayan. Baka raw panahon na para iwan natin ang kinagisnang linyar na pagtuturo ng history subjects sa mga paaralan at i-adapt ang rhizomatic approach. Inspirasyon nito ang rhizome plant na may network ng mga ugat na nagsasanga-sanga sa iba’t ibang direksiyon. Ibig sabihin kapag ituturo ang kasaysayan dapat ay desentralisado ang paraan at mas binibigyang atensiyon ang koneksiyon at pagkakaugnay-ugnay ng mga pangyayari, ideya, at mga tao. Kinikilala dito ang ating kasaysayan hindi bilang isang linyar na koleksiyon ng mga pangyayari sa nakaraan patungo sa kasalukuyan, kundi isang komplikado at magkakakonektadong ranas at ideya. 

Kaya ang magiging trabaho ng mga guro ay hindi bilang eksperto ng kaalaman kundi mga facilitator na hihikayat sa mga mag-aaral na bumuo ng sariling “construct” at konklusyon sa ating kasaysayan. Kritikal at malikhain, sapagkat hindi ito simpleng pagmememorya ng tao, lugar, at petsa, kagaya ng kinasanayang pag-aaral nito. 

Sa paksang “Pre-colonial Philippines,” itinuturo kung paano nagkaroon ng settlements ang mga sinaunang Pilipino, ang iba’t ibang etnolinggwistikong grupo, at kung paano nakipag-interact sa isa’t isa ang mga kaharian at imperyo (Kingdom of Tondo, Sultante of Sulu at Rajahnate of Butuan), pati na ang mga sinaunang paniniwala gaya ng animismo, tradisyon, kultura, at yaong mga prominenteng pigura ng mga datu at babaylan. Sinusundan ito ng pananakop ng mga Kastila at iba pang bansang nagpapalawak ng kaalaman ng mga mag-aaral sa nosyon ng “kolonyalismo.”

Pero sa bahaging ito pa lang, kitang-kita na ang kakulangan ng pagtalakay sa ilang mahahalagang salik ng ating kasaysayan. Ang pagsisimula ng tao sa Pilipinas gamit ang lente ng antropolohiya at arkeolohiya ay hindi itinuturing na mahalaga. Nawawala rin ang mga pahina sa naganap na ugnayan sa pagitan ng mga karatig-bansa sa Asya at Pilipinas bago pa dumating ang mga mananakop, kaya hindi kataka-takang palaging dinadalumat ang pagkakakilanlan ng mga Pilipino sa kanluranin, samantalang sa aspekto ng wika, kaugalian, at pamumuhay ay pihadong maituturing na kahawig natin ang mga kalapit-bansa. Wala ring pinagsisimulan ng linya hinggil sa maritime history na lohikal lamang na pag-aralan dahil sa heograpikong porma ng bansa. Kakatuwa lang na tila wala sa ating memorya ang koneksiyon sa tubig kahit pa ang mga sinaunang Pilipino ay nakapaglalakbay at nakalilipat sa iba’t ibang isla gamit ang sariling kaalaman sa sistema ng karagatan.  

Dahil din sa linyar at paulit-ulit na paggamit ng tradisyunal na aklat sa pagtuturo ng ating kasaysayan, may ilang bahagi nito na bagama’t maaaring hamunin gamit ang iba pang perspektibo ay nananatiling absolute truth sa mga Pilipino. Partikular dito ay ang demonisasyon ng mga Kastila kumpara sa mga Amerikano. Binibigyang-diin na sa yugtong ito ang mga kaganapan ay purong opresyon, pananamantala, at pagsira sa ating kultura. Pagpataw ng mabigat na buwis, sapilitang pagpapatrabaho, gayundin ang paglimita sa ating kalayaan at karapatan ang tila iilang pinagsaluhang karanasan. Ngunit mga Kastila rin ang nagpakilala sa atin ng makabagong teknolohiya, pananim, at sistema ng gobyerno. Ang encomienda system na bahagyang nagpaunlad sa paraan ng pamumuhay ng pamilyang Pilipino. Gayundin ang mga paaralan na naging dahilan kung bakit nagkaroon ng ilustrado class, mga edukadong naging tagapanguna sa rebolusyon at paghubog ng ating republika. Ilan lamang ito sa mga pakinabang. 

Kabalintunaang kung susuriin ang kasaysayan sa panahon ng mga Amerikano, karamihan ng teksbuk ay idinidiin ang mga positibong bagay. Una ay ang “White Man’s Burden” o ang naratibo hinggil pagtulong nila sa mga uncivilized Filipinos na maging sibilisado, pagtatatag ng pampublikong edukasyon, pagpapakilala ng demokrasya sa bansa, at pagpapaunlad ng ekonomiya sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga proyekto gaya ng mga kalye at riles. Tila ba ipinapamalas na sila ang kamay na nag-ahon sa atin sa kahirapan at pagiging ignorante. Bagama’t lahat ng sinundang pahayag ay totoo, kadalasang nagiging iisang mukha ang napag-aaralan anupat mas justified ang nosyon ng “American Supremacy.” Pero kung gagalugarin ang ilang lehitimong tala, sa yugto ng mga Amerikano naganap ang ilan sa kahindik-hindik na ranas ng mga Pilipino, ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:

  • Ang retorika ng pagpapanukala ng demokrasya at kalayaan sa bansa ay komokontra sa kanilang naging aksiyon hinggil sa pagpigil ng mga kilusan para sa kalayaan at mga paraang nagpanatili ng mahaba at patuluyang kontrol sa bansa.
  •  Nagkaroon din ng malaking pagbabago sa istruktura ng ekonomiya sa bansa anupat mula sa agrarian-based society ay nagtransisyon tayo sa export-oriented economy na nagbunsod para maganap ang bultuhang exploitation ng mga Pilipinong magsasaka at manggagawa
  • Pagtatalaga ng mga polisiyang pumapabor sa mga korporasyong Amerikano na nagtulak sa marginalisasyon ng mga negosyanteng Pilipino.
  • Ang kahindik-hindik na pag-violate sa karapatang pantao dahil sa malawakang massacres, torture, at sapilitang pagpapatrabaho.

Suyurin man ang mga teksbuk na ginagamit sa paaralan, ang mga talang ito ay kadalasang hindi tinatalakay anupat lubhang nakakaapekto sa pananaw ng mga Pilipino at sa kalagayang nararanasan natin sa ngayon. 

Must Read

[OPINION] PH history education: In defense of (and an appeal to) Secretary Briones

[OPINION] PH history education: In defense of (and an appeal to) Secretary Briones

Ilan lamang ito sa pagbabagong pwedeng maganap sa pagtuturo ng kasaysayan gamit ang rhizomatic approach. Sa ngayong napakalaki ng isyu ng historical revisionism sa bansa, isaalang-alang na ang pagtuturo ng kasaysayan ay hindi dapat ini-impose ng mga guro kundi tungkulin lamang na ilatag ang iba’t ibang tala at hayaang magdesisyon ang mga mag-aaral sa kung paano nila titingnan ang mga pahina ng ating kasaysayan. Sa pamamagitan nito, mas magiging kritikal ang talakayan anupat pwedeng hamunin ang mga nangingibabaw na nosyon. Mas magiging buo ang pag-unawa sa nakaraang kaganapan sapagkat mas makikilala ng mga mag-aaral ang iba’t ibang perspektibo, karanasan, at kontribusyon ng iba’t ibang grupo kagaya ng mga katutubo, kababaihan, at iba pang marginalized groups. Sa buong proseso, mas magiging dinamiko ang pagkatuto kung saan mas mangingibabaw ang paraan sa kung paano binibigyang-kahulugan ng mga mag-aaral ang teksto ng kasaysayan. 

Napakayaman ng kasaysayan ng bansa para ituro lamang ito gamit ang tuwid na linya na siyang nagdudugtong mula sa nakaraan hanggang sa kasalukuyan. Hindi iisa ang ranas ng Pilipino, hindi rin iisa ang tinulayan nating pagbabago, kaya nararapat lamang na matutuhan natin ito mula sa iba’t ibang boses nang sa gayun ay makapagmina tayo ng henerasyong kritikal at malikhaing mag-isip, na makapaghahain ng mas kapaki-pakinabang na plano para sa pag-unlad ng bansa gamit ang holistikong kaalaman sa kasaysayan. – Rappler.com

Nagtangka nang maging alagad ng wika si G. Vincent C. Conde pero naisip niyang hindi sapat na magkaroon ng alam sa wika nang hindi pinayayaman ang dunong sa iba’t ibang salik ng bansa gaya ng kultura at kasaysayan. Iyan ang dahilan kung bakit siya kumukuha sa ngayon ng Masterado sa University of the Philippines Diliman sa kursong Philippine Studies (Socio-cultural). Kasalukuya’y abala rin siya sa pagtuturo ng pananaliksik sa Senior High students ng Luis Palad Integrated High School. Pokus ng kaniyang sulating akademiko ang isyu ng social structures, midya, ideolohiya sa  edukasyon, kasarian at sekso. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!