inequality

[OPINYON] Panalangin ng isang breadwinner

Ralph Revelar Sarza

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Panalangin ng isang breadwinner
'Sa totoong buhay, hindi lang sipag, tiyaga, pinag-aralan, at inspirasyon ang kailangan para umasenso sa buhay; malaking bagay ang oportunidad'

May iba’t ibang uri ng breadwinners, at least base sa nakikita ko rito sa Pilipinas. May mga panganay na anak na walang ibang choice kundi saluhin ang mga responsibilidad sa pamilya kasi matatanda na ang mga magulang nila at may mga kapatid  silang nag-aaral pa. Nandiyan din ang mga lalaking asawang itinataguyod ang pamilya kasi nakatali sila sa social construct na lalaki dapat ang nagtatrabaho. Meron ding naging breadwinner kasi naulila sa mga magulang sa maagang edad. Merong mga nakapagtapos ng pag-aaral; meron ding hindi nakapagtapos, pero napilitang dumiskarte kasi pinaniwala silang sila lang ang may kakayahang magtrabaho para sa pamilya nila.

Sa sitwasyon ko, parang manufactured ang pagiging breadwinner ko. Bunso ako sa dalawang magkapatid, at ako lang ang nakapagtapos ng pag-aaral. At ang nagpaaral sa’kin ay isa ring baklang bunsong breadwinner — ang tiyuhin kong inako ang responsibilidad — at hanggang ngayon ay tumutulong pa rin sa walo niyang mga kapatid — kasi, sa pamilyang kinalakihan namin, may expectation na kapag bakla ka, ang tingin sa’yo kaagad ay mas madiskarte ka sa buhay at ikaw ang pinaka-kikita ng malaking pera kasi “wala ka namang mga anak na bubuhayin.”

Maraming mga magagandang bagay na hindi ko naranasan nung bata pa lang ako. Magandang tahanan, magandang higaan, magagandang mga laruan, magagandang mga gamit sa eskwelahan. Ni hindi ko man lang naranasang magkaroon ng cake tuwing birthday ko.

Pero dahil sa ang bata ko pa, hindi ko alam na marami palang kulang sa’kin. Alam kong mahirap kami, pero hindi ko alam na gano’n pala kami kahirap. At malaking tulong na pinaramdam sa’kin ng mga magulang ko na sapat ang meron kami, na walang kulang sa’min.

Kaya, habang lumalaki ako, habang unti-unti akong namumulat sa katotohanang kapos kami sa seguridad pagdating sa pang-araw-araw naming pangangailangan, pinangako ko sa sarili kong pagagaanin ko ang buhay ng dalawang taong hindi kailanman pinaramdam sa’kin na kulang ako: ang mga magulang ko.

Fast-forward to the present — ngayong kaya ko nang bilhan ng cake ang sarili ko — hindi ko pa rin napapagaan ang buhay ng mga magulang ko. Nasa punto pa rin ako kung saan alam kong hindi ko pa rin naibibigay sa kanila ang buhay na gusto ko para sa kanila, ang buhay na sa pakiramdam ko ay “deserve” nila, ang buhay na secure kahit anong hamon man ang dumating.

Must Read

[Two Pronged] The tired, overworked breadwinner

[Two Pronged] The tired, overworked breadwinner

Araw-araw, pakiramdam ko, I am running out of time. Hindi ako makakilos. Wala akong magawa. Senior citizens na ang mga magulang ko, pero wala pa rin akong naipatatayong magandang bahay para sa nanay kong nangangarap na makakapag-decorate ng malaking Christmas tree balang araw. Wala pa akong maipadalang sapat para hindi na kailanganin ng tatay kong tumanggap paminsan-minsan ng construction work na pandagdag din sa gastusin nila araw-araw.

It’s an understatement to say that being a breadwinner is difficult. Lalo na sa sitwasyon ko ngayon na walang kasiguraduhan ang kabuhayan ko dahil sa pinagdadaanan ng ABS-CBN, ang main source ng income ko, at dahil sa mga nawala kong side jobs ngayong may pandemya.

Ang sarap sa pakiramdam na makatulong. Ang sarap sa pakiramdam na makapag-share ng blessings. Ang sarap sa pakiramdam kapag nagpapadala ng videos ang kapatid ko ng mga pamangkin kong masayang-masaya kasi nakakain sila ng paborito nilang ulam dahil sumahod na ako. Sabi nga ni Jon sa Tick, Tick… Boom!, “What is the point of money if you’re not gonna spend it on the people that you love?”

Kahit gusto kong iparamdam sa pamilya ko na araw-araw ay Pasko, hindi ko magawa kasi, sa totoong buhay, hindi lang sipag, tiyaga, pinag-aralan, at inspirasyon ang kailangan para umasenso sa buhay; malaking bagay ang oportunidad. At ang nakakalungkot na katotohanan tungkol sa oportunidad ay hindi lahat ng mga tao ay nabibigyan nito.


Panginoon, maraming salamat sa lakas na ibinibigay Mo sa lahat ng breadwinners na kagaya ko. Patuloy Mo Po kaming gawing regalo para sa mga taong umaasa sa amin. Palagi Mo Po kaming paalalahanang hindi dapat kami makonsensya sa mga pagkakataong inuuna namin ang mga sarili namin. Kung hindi ko man maibigay ang uri ng pamumuhay na gusto kong ibigay sa mga mahal ko sa buhay, tulungan Mo Po akong ipaalala sa kanila at sa akin na sapat ang ginagawa kong paghihirap kahit may mga pangarap na hindi ko pa rin napupunan. Amen. – Rappler.com

Ralph Revelar Sarza is a metadata development specialist at ABS-CBN Corporation. He is also a volunteer at Open Table MCC, an LGBT-affirming Church in Metro Manila.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!