Sociology

[OPINYON] Ilang pagninilay tungkol sa katotohanan

Hezekiah Louie Zaraspe
[OPINYON] Ilang pagninilay tungkol sa katotohanan
'Ang isipan, wika, imahinasyon, at panitikan ang magiging mga susi sa ating paggunita at pagsagip sa katotohanan'

Sa pag-so-scroll ko ng aking timeline o feed sa Facebook, may natagpuan ako na post. Two-in-one screenshot ito na may dalawang bahagi: isang screenshot ng isang Facebook status update at isang screenshot ng eksena, isang sipi, mula sa pelikulang Parasite. Heto ang nakasaad sa na-screenshot na Facebook status sa naturang post:

Supporting BBM doesn’t mean we invalidate the experiences of those who were wronged during Martial Law. People have different experiences during that era itself, but it will also be rude to invalidate the lives of those who [lived] peacefully during that time.

Ipinakikita naman sa sipi mula sa pelikulang Parasite ang eksena kung saan ang isang mayamang babae ay natuwa dahil sa pag-ulan (“Today the sky’s so blue, and no pollution! Thanks to all the rain yesterday!”), samantalang ang mahihirap na nakatira sa isang bahay na nasa basement (goshiwon kung tawagin ng mga Koreano sa kanilang wika) ay binaha dahil sa nasabing pag-ulan.

Hindi ko natiis na hindi i-share ang parehong post at maglagay ng sarili kong caption. Heto ang caption na aking isinulat:

This is what Gideon Lasco, a doctor, medical anthropologist, and a columnist for the Philippine Daily Inquirer, calls the “collective selfishness” of Filipinos in an essay of his that is included in his collection “The Philippines Is Not A Small Country.” This concept describes our inability as a people to sympathize and empathize with those who have experienced pain and suffering EXCEPT when we, too, have experienced them. Our national consciousness is merely reflexive in this regard, which explains why people are quick to dismiss others’ pain and suffering. Denialism, then, is a self-inflicted venom that will kill our country from the inside out.

Mamamatay tayo hangga’t hindi natin gagamitin ang pinakamabisang lunas para rito: ang paggunita o pag-alala; kaya sana nakita natin ang papel ng katotohanan noong pumili tayo ng ating liderato sa katatapos lamang na halalan.

Must Read

[ANALYSIS] Discernment of truths and the democratization of the internet

[ANALYSIS] Discernment of truths and the democratization of the internet

Hayaan niyong ihayag ko ang ilan pa sa aking mga pagninilay tungkol sa tungkulin ng katotohanan sa ating lipunan.

Sa kanyang The Republic, binanggit ng Griyegong pilosopo na si Plato ang kanyang konsepto ng katotohanan sa kanyang “The Allegory of the Cave.” Ayon sa kanya, mayroong mga bilanggo o preso na walang ibang alam kundi ang mamuhay sa loob ng isang kweba. Ang pawang konsepto nila ng “buhay” ay mula sa mga aninong nakikita sa loob ng kweba na mula sa mga tao, bagay, o hayop na nasa labas ng kweba. Ang kanilang pagpalagay sa mga aninong ito: totoo ang mga ito, at kapag napagnilayan nila ang mga ito nang husto, magiging “matagumpay” raw sila, paniniwala nila. Nakalulungkot isipin na puro mga “specter” o “phantom” lamang ang mga aninong kanilang nakita, ngunit paniwalang paniwala sila sa mga ito; kung kukuha tayo ng sipi mula sa dulang Macbeth ni Shakespeare para ilarawan ito, masasabi natin na ang mga ito ay pawang mga “tale told by an idiot, full of sound and fury, signifying nothing.”

Fortunately (o unfortunately, depende sa pagtingin mo), mayroong isang presong nakalabas ng kweba. Sa labas ng kweba niya naunawaan ang tunay na danas at ranas ng buhay. Kasama na rito ang mga nakita niya bilang mga anino sa kweba tulad ng mga puno, bato, damo, hayop, at iba pa. Sa kanyang pagnanais na iligtas ang kanyang mga naiwang kaibigan na bilanggo mula sa kamangmangan, bumalik siya sa kweba; ngunit, sa kanyang pangangaral at pagtuturo sa kanila tungkol sa katotohanan na kanyang natutunan at naranasan, hindi ikinatuwa ito nila at pinagtangkaan pang patayin siya dahil dito. Siguro nayabangan sila. Siguro nainis. Siguro nabwiset lang dahil pinagmukha silang shu-shunga-shunga dahil sa mga nabanggit niya.

Ito ang malungkot na kapalaran ng mga nais magtama at magsaayos ng mga maling paniniwala (ito ay madalas nangyayari sa mga taong nabibilang sa intelligentsia, at ito pa ay ginagatungan pa ng mga gahaman at nais kumapit sa kapangyarihan). Hindi dahil tagapagdala tayo ng (maganda o pangit na) balita at katotohanan ay kusang maniniwala ang mga tagapakinig o mambabasa sa atin; napakadali siguro ng buhay kung ganito ang nangyayari sa realidad.

Kung tutuusin, ang burden talaga sa pagtataya at ebalwasyon ng mga nabanggit ay nasa mga intellectual, pati na rin ang pagkumbinse sa ibang tao upang maniwala sa kung ano ang sinasabi ng katotohanan, dahil hindi dapat ikinatutuwa ang “relativity” nito dahil sa persepsyon ng tao; dahil sa kanila, mas nagkakaroon ng pagkakataong mabago ang paniniwala ng iba. O hindi; it can only go one of two ways, after all. Tila mahirap gawin ito dahil sa lipunang ginagalawan natin kung saan ang Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok ay mga naghaharian samantalang ang mga lehitimong news outfit, iskolar, at institusyon ay nagmumukhang mga dukhang namamalimos na para paniwalaan sila.

[OPINYON] Ilang pagninilay tungkol sa katotohanan

Sa kanyang sanaysay na “Culture as History,” tinangkang ipaliwanag ni Nick Joaquin, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan, ang kultura bilang kasaysayan. Ayon sa kanya, ang kasaysayan natin ay resulta ng pag-interact natin sa pagdating ng mga tool, i.e., teknolohiya o anumang mga bagay na nagpapadali sa buhay ng tao. Sinaad niya rin sa sanaysay ang malakas na “ear culture” imbes na “eye culture” para sa mga Pilipino kahit na parehong buhay sa ating kamalayan ang mga ito.

Ang “ear culture” ay tumutukoy sa ating “oral literature” habang ang “eye culture” naman ay tumutukoy sa ating “written literature.” Ito na siguro ang isa sa mga magandang paliwanag kung bakit importante sa isang Pinoy ang panonood ng telebisyon, dula, at pelikula, maging ang pakikinig sa radyo o mga podcast. Mas naging komplikado pa ang pagpasok sa eksena ng social media kung saan naging mahalaga ang pagiging bahagi nito sa “ear culture” na nabanggit ni Joaquin sa kanyang sanaysay. Kaya hindi katakataka ang iba-iba at kakaibang paniniwala ng mga Pilipino sa mga usaping panlipunan; ito ay dahil kinukulayan ng ating “ear culture” ang ating persepsyon o pagtingin sa mga bagay-bagay, tulad ng ating kasaysayan.

Hindi aksidente ang kasalukuyang estado ng kaisipan ng ating mga mamamayan. Kaya naman kailangang mas maging masigasig para sa katotohanan at maging kampeon nito. Binahagi ng makatang si Gémino Abad sa kanyang sanaysay na “A Poetics of the Literary Work” ang likas na pagsusumamo ng tao para sa katotohanan, na ginagamit niya ang kanyang isipan, wika, at imahinasyon upang maunawaan ang kanyang kultura at bayang kinabibilangan sa pamamagitan ng kanyang panitikan; kasama na rito ang katotohanan.

Kung gayon, ang mga bagay na ito – ang isipan, wika, imahinasyon, at panitikan – ang magiging mga susi sa ating paggunita at pagsagip sa katotohanan. Dahil dito, ang pag-alala o paggunita ay pakikipagbuno o pakikipaglaban rin. Sa ganitong paraan, magiging malaya tayo mula sa kasinungalingan at baluktot o alternatibong katotohanan na minumudmod sa ating lahat. Sisirain at dudurugin rin ng mga ito ang kolektibong pagsasarili o pagkakanya-kanya na nabuo sa ating bayan. – Rappler.com

Si H. L. Zaraspe ay nagtapos ng kanyang Batsilyer sa Edukasyong Pansekondarya, dalubhasa sa Ingles mula sa Unibersidad ng Santo Tomas. Kandidato na siya para sa kanyang Master ng mga Sining sa Malikhaing Pagsulat sa UST Paaralang Gradwado. Isa siyang mangangatha, mananaysay, at makata na sumusulat sa Ingles at Filipino.