2022 Philippine Elections

[OPINYON] Si Robredo, si Gojo, at ang metapora ng anime sa iyong boto

June Ace Esteban
[OPINYON] Si Robredo, si Gojo, at ang metapora ng anime sa iyong boto

Illustration by DR Castuciano

Itong si Rodrigo ay literal na shinigami na tunay, pero imbes na mala-Ichigo sa pagtawag ng 'bankai,' ang maririnig mo sa telebisyon ay dami ng bangkay na napatay

Karamihan sigurado sa mga Gen X, millennial, at Gen Z ay lumaki sa mga babasahin o palabas na may kinalaman sa paglaban sa mas makapangyarihan, sa tunggalian ng mga naghahari-harian at ng mga nais baguhin ang balikong sistema ng lipunan, lalo pa’t pinagbibidahan ng mga kabataan.

Sa pagbabasa, nariyan ang mga sikat na nobela tulad ng trilohiya ng Hunger Games at Divergent at saga ng Harry Potter at Narnia. Kung sa telebisyon naman, para sa mga Batang ’90s nandiyan ang mga anime na sa bawat hapon noo’y inaabangan.

Kinalakihan ng mga isinilang sa huling yugto ng Gen X hanggang sa mga millennial na isinilang sa kaagahan ng 1990s ang panonood ng anime halos araw-araw: mula Lunes hanggang Biyernes sa pagitan ng 3:30 at 5:30 ng hapon, mayroon pa minsang palabas sa Sabado at Linggo at sa 2010s ay nagkaroon pa ng mga anime ang isang channel sa primetime. Kahit nga si papa na isinilang noong 1970 ay mahilig manood noong bata ako hanggang ngayon.

Inantabayanan araw-araw at minsa’y ginaya pa natin ang ‘di mahuli-huling si Lupin, ang ray gun ni Eugene kontra (paki-imagine ang voice over) sa “100 porsyentong lakas” ni Taguro, ang mga goma-gomang atake ni Luffy at ang istilo ni Zorro, ang walang katapusang kage bunshin ni Naruto, ang hiten mitsurugi ng battousai na si Kenshin, si Tamahome na unang crush ng mga batang babae noon na ngayo’y mga titas of Manila na, ang pagtawag sa mga dragon ni Recca, ang transpormasyon ni Zenki, ang mga baraha ni Yugi at ni Cardcaptor Sakura, ang pagiging kalmado ng shaman na si Yoh Asakura, si Conan na laging nandiyan kapag may patayan, at ang “swswswswswsw” na sound effects sa iba’t ibang antas ni Goku bilang super saiyan.

Basahin man o panoorin, natuto tayo mula sa mga ito ng iba’t ibang mabubuting aral tulad ng pagsasanay para gumaling at humusay; ang pagtanggap ng kani-kaniya nating natatanging katangian na parang mga uri ng Nen sa Hunter X Hunter; pagkakaibigan; pagtitiwala; pagtupad sa mga pangako; paghingi ng tawad; hindi pangmamaliit sa kapwa; at hindi pagsuko sa gitna ng sakit, pagsubok, at pagkabigo. Isama na rin siguro natin ang natutunan natin kay Inuyasha na masakit sa ulo ang pagkakaroon ng dalawang…alam niyo na, si Kikyo at Kagome.

Nostalgic, ‘no? Pero ngayon ang mga hapon natin kasi ay tragic.

Ngayon, ang mga hapon ay hindi na tungkol sa bakbakan ni Majin Buu kontra Gotenks at Vegeto kun’di mukha ni Bong Go na laging kasama ng pangulo at mga sagad-sa-butong pagod na healthcare workers nating ang hazard pay ay “thanks” na lang yata mula sa DOH at gobyerno; hindi na ang sabaku kyu ni Gaara kun’di ang samu’t saring CQ lalo sa Metro Manila; hindi na kung paano mananalo si Makunouchi Ippo kun’di ilan ang bagong kasong positibo; hindi na tungkol sa sagupaan ni Luffy at Crocodile kun’di paanong hindi alam ng mga buwaya sa iba’t ibang ahensya kung saan napunta ang pera na hinahanap ng COA; hindi na ang mabagal na pagbanggit sa bawat pantig ng “ka~me~ha~me” wave kun’di ang mabagal na pag-usad ng bakuna at ayuda.

Parang eksena ng pag-atake sa Tartarus sa manga ng My Hero Academia, mistulang si Shigaraki itong Du30 dahil sa panahon niya nakawala at bumalik sa kapangyarihan ang karamihan sa ipinakulong ni Aquino dahil sa korapsyon at anomalya. Una pa nga sa nakalaya sa termino ni Digong isang buwan sa kaniyang posisyon ay itong si Gloria Arroyo na may kasong plunder at pandaraya sa eleksyon.

Hanep, ‘di ba? Itong si Rodrigo ay literal na shinigami na tunay, pero imbes na mala-Ichigo sa pagtawag ng “bankai,” ang maririnig mo sa telebisyon ay dami ng bangkay na napatay (O pinatay? Tulad ni Kian?) sa police ops, EJKs, at COVID na kayang punuin ang Smart-Araneta Coliseum kung sila ay nakahanay.

Podcast

[PODCAST] KRIMINAL: The boy named Kian

[PODCAST] KRIMINAL: The boy named Kian

Wala na kasi tayong mga mala-Goku na pambansang politiko na sasaklolo.

Wala na si Miriam Defensor-Santiago.

Walang Chel Diokno at Otso Diretso sa Senado.

Walang kwenta ang Kongreso na ginawang tsubibo ang House speakership at pinagpasa-pasahan ni Pantaleon Alvarez, Arroyo, Peter Cayetano, at ngayo’y Lord Allan Velasco.

Tayong mga Pilipino — noong 2016 nang bumoto tayo — tayo ang may kasalanan kaya nagkaganito. Tayo ang may kasalanan kung bakit ngayong pandemya ay kapos sa pagkain, nawalan ng trabaho, nagkandautang-utang, tumigil sa pag-aaral, at namatayan ng mahal sa buhay ang maraming kapwa nating Pilipino. Tayo ang may kasalanan dahil sa ating mga boto.

Marami kasing naniwala sa pangako ng pagbabago.

Maraming naniwala sa pagtaas ng kamao, pero ibabagsak pala tayo.

Maraming naloko at, hanggang ngayon, marami pa ring hindi natututo kahit harap-harapan nang ginagago.

Sa mga nagdaang taon, sa pambansang antas ng pamahalaan, isang tao lang ang kinaiinisan at kinatatakutan nitong mga nakapwesto — ang pangalawang pangulo na si Leni Robredo. Kumbaga ‘yung takot at pagiging maingat nila na kalabanin si Robredo ay tulad sa pagiging ilag ng Jujutsu Tech na kantiin at badtripin si Satoru Gojo.

Pero kahit gaano kalakas sa taumbayan si VP Robredo, kahit gaano siya kahusay na lingkod-publiko, kahit mas nirerespeto na siya ngayon ng mas maraming tao, selyado pa rin ang kaniyang pagkatalo tulad ng pagkakaselyo kay Gojo, lalo na’t kung may kalaban na Rodrigo na ‘sing tuso ni Geto at anak nitong si Mayor Sara na ‘yung mga materyales pangkampanya ay nagkalat na kung sa’n-sa’n na parang mga daliri ni Sukuna.

Si Robredo ang ating Gojo — ang tanging tao na sisiguraduhin ng administrasyon na hindi magiging parte ng labanan sa halalan kung saan nakataya ang kapalaran at kinabukasan ng bawat isa sa atin at ng buong bayan.

At tayo?

Tayo ang inaasahan ni Gojo na mag-aalis ng selyo.

Tayo ang tsansa ni Robredo manalo sa pamamagitan ng pagpaparehistro para makaboto.

Tayo si Fushigiro, Kugisaki, Itadori, at iba pa na mag-aalis sa mga kasumpa-sumpang nasa tungkulin na inuna pagsilbihan ang kanilang tatay-tatayan kaysa sa taumbayang kanilang sinumpaang paglilingkuran.

Tayo ang tinatayang 40 milyong kabataan na pwede nang bumoto sa 2022 base sa tantsa ng Comelec at Philippine Statistics Authority, kasama na riyan ang 5.7 milyong bagong rehistradongayong Agosto at, sa kabuuang 61.06 milyong rehistrado, ang nasa 19.6 milyong kabataan — o 37% ng mga botante — na bumoto sa midterm elections noong 2019.

Ikaw ba? Parte ka na ba ng mala-Endgame o Tokyo Revengers na laban tulad ng bakbakang Tenjiku at Toman?

Kaibigan, parehistro ka na. Parehistro na kayo. Parehistro na tayo.

Dahil tayo ang may kapangyarihang iluklok ang dalawang taong sisira lalo o bubuo ng bayan nating gumuho.

Dahil tayo ang may kapangyarihang iluklok ang mga taong sa tingin natin ay totoong makabubuti sa ating buhay at kinabukasan.

Dahil tayo — tayong mga ordinaryong mamamayan at tayong kabataan — tayo ang may isang hindi ordinaryong kapangyarihan na inilaban hanggang kamatayan ng mga bayani nating naghangad ng kasarinlan at kalayaan: isang botong higit pa sa kumpol nang malulutong na tig-si-singkwenta at isandaan na bayad pambili ng boto tuwing halalan.

‘Wag ka nang magpauto sa mga paasang politikong nangako noon ng pagbabago, mga politikong daig pa si Muzan manggamit at magbalatkayo.

Hindi ka pa ba nagsasawang pakinabangan lang? Hindi ka pa ba sawa sa mga nagpaparamdam lang tuwing may kailangan?

[OPINYON] Si Robredo, si Gojo, at ang metapora ng anime sa iyong boto

Tayo si Kaneki, Takemichi, Natsu, Subaru, Rimuru, Shoto Hinata, Asta, at Midoriya — mga karakter at mga pangalang nangangahulugan ng pag-asa.

Tayo ang pag-asa; Tayo ay pag-asa.

Magparehistro ka.

Dahil kung hindi ka aabot hanggang Setyembre, malamang ang huling halakhak sa Mayo ay mapupunta muli sa isang kaapelyido o kaalyado ni Duterte.

Siyam na buwan mula ngayon ang magdidikta sa ating susunod na anim na taon. Kaya mo ba ng anim na taon pang ganito?

At sana sa hinaharap habang nag-shi-shade ka ng balota, sana ay magkaroon ka ng flashback, mas okay kung may sariling soundtrack  na parang sa anime kapag eksena na ng finishing attack, flashback kung gaano kapalpak ang administrasyong ito na dahilan ng ating matinding paghihirap at record-breaking na paglagpak.

Sana habang nag-shi-shade ka ng balota, sana bumalik sa iyo ang masasamang alaala sa panahong ito na ‘sing haba at ‘sing tagal ng tres ni Kogure sa ere, nang mahimasmasan kang walang kwenta talaga ang pamumuno ni Duterte.

Si Sakuragi nga na dating gunggong natuto, ikaw ba, hanggang ngayon uto-uto? – Rappler.com

Si June Ace G. Esteban ay madalas magturo ng journalism sa mga paaralan sa QC bago ang pandemya at madalas sabihan ng kaniyang mga estudyante na late (pero maaga lang talaga sila). Bahagi ng barangay LGU ng Krus Na Ligas, minsanan siyang tumutula ng spoken word noon sa Marikina, dati ring patnugot ng isports sa FEU Advocate, at PGMA Award of Outstanding Achievement recipient noong 2009. Kinahiligan niyang basahin ang libro ng Local Government Code of 1991, Civil Code of the Philippines, at DILG Legal Opinions simula 2020.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.