New Year

[OPINYON] Lungkot sa bagong taon

Mark Anthony Salvador
[OPINYON] Lungkot sa bagong taon
'Sa marami sa atin, hindi na ito ang nakasanayan nating bagong taon'

Nang pasado alas-dose na ng gabi, ibig sabihin ay Enero 1, 2022 na, ilang ulit kong itinipa sa search box ng Twitter ang salitang “lungkot.” Kay raming nagsasabing malungkot sila. Segundo lang ang pagitan ng mga paskil. May nagsasabing sinalubong nila nang malungkot ang bagong taon. May mga napapaisip kung bakit sila malungkot.

Bahagi ng pagkakagulang, nakadarama tayo ng lungkot sa Pasko, bagong taon, at ating kaarawan, lungkot na hindi naman natin nadarama sa mga okasyong ito noong bata pa tayo. At maraming salik na maaaring tingnan para mas maunawaan ang emosyong ito. Karaniwang emosyon ito sa bagong taon, hindi lang dahil may pandemya.

Una ay ang usapin ng produktibidad. Dahil sa sistema ng lipunan na meron tayo (kapitalismo), sinusukat natin ang kabuluhan ng panahon sa pamamagitan ng pagtingin sa produksyon. Kaya maitatanong sa pagtatapos ng taon, naitanong ko rin ito sa sarili, “Patapos na ang 2021, anu-ano ang mga na-accomplish ko?” At maraming gaya ko na nasa larangan ng akademya na pangunahing tinitingnan ang dami ng nailathala nilang akda sa pagtatapos ng 2021. Hindi lamang ito usapin ng balidasyon, ng pagkabatid na meron kang natamo, kundi maging ng usaping pampinansiyal. Sa mga akademista, halimbawa, ang nalalathalang mga akda (“cultural capital,” kung hihiramin ang termino ng sosyologong si Pierre Bourdieu) ay nagpapataas ng ranggo, at ang pagtaas ng ranggo ay katumbas ng pagtaas ng sahod. Sa marami naman, sa pagtatapos ng taon, tinitingnan ang narating nilang mga lugar, at mga naipundar. Dahil sa pandemya at palpak na tugon ng rehimeng Duterte, na nagresulta sa lampas isang taong lockdown at pagbagsak ng ekonomiya, lalong mahirap maabot ang dalawang huli.

Must Read

‘Drained and wary of the future’: Why you might feel different about New Year’s resolutions in 2022

‘Drained and wary of the future’: Why you might feel different about New Year’s resolutions in 2022

Patuloy sa pagmamadali ang mundo, kaya patuloy tayo sa paghahangad na maging produktibo. Mistulang pagkukulang ang tumulala at mangarap sa harap ng tasa ng kape. May magandang paalaala hinggil dito si Milan Kundera sa nobela niyang Slowness. Aniya, “Why has the pleasure of slowness disappeared? Ah, where have they gone, the ambers of yesteryear? Where have they gone, those vagabonds who roam from one mill to another and bed down under the stars? Have they vanished with footpaths, with grasslands and clearings, with nature? There is a Czech proverb that describes their easy indolence by a metaphor: ‘They are gazing at God’s windows.’ A person gazing at God’s windows is not bored; he is happy. In our world, indolence has turned into having nothing to do, which is a completely different thing: a person with nothing to do is frustrated, bored, is constantly searching for the activity he lacks.”

Ikalawa, kaakibat ng pagsalubong sa bagong taon ang sensibilidad na tatanda ka na naman. At sa pagdama sa pagkakagulang, mas madarama ang bigat ng responsibilidad at dikta ng lipunan (social pressure). “Mawawala na ako sa kalendaryo pero hindi pa rin ako regular sa trabaho.” “Kuwarenta na ako ngayong taon pero wala pa akong asawa.” Sa ganito ring lagay kaya may bigat ang pagsapit ng kaarawan.

Ikatlo, ang bagabag sa kung anumang hatid ng taong darating. Bagama’t sa pagtanda ay nabatid nating konsepto at arbitraryo lang ang panahon, patuloy pa rin tayong umaasa na maging mabiyaya ang kada taong darating. Kaya nga tayo naglalagay ng bilog na mga prutas sa ating hapag sa media noche, at kaya nga natin binabati ng “Manigong bagong taon!” ang ating mga kaibigan at mahal sa buhay. (Ang “nigo,” salitang-ugat ng “manigo,” ay nangangahulugang “sagana.”) Gayon man, naroon pa rin ang bagabag sa kawalang katiyakan sa kada taong darating.

Must Read

Omicron dampens global New Year celebrations, fewer watch ball drop in Times Square

Omicron dampens global New Year celebrations, fewer watch ball drop in Times Square

Ikaapat, nakikibagay tayo sa nakasanayang selebrasyon. Nakasanayan na ang selebrasyon sa bagong taon ay maingay. Umaangil ang mga motorsiklo. Masakit sa tenga ang ingay ng mga torotot at paputok. Kabi-kabila ang malalakas na tugtugan at videoke. Marami sa atin ang nakikibagay sa selebrasyon. Nakikiupo tayo sa mga umpukan. Nakikipagkuwentuhan. Nakikikanta sa videoke. Iniiwan muna ang gusto nating gawin gaya ng pagtulog, panunuod ng pelikula sa Netflix, pagbabasa ng libro, paglalaro ng Mobile Legend, o anuman na ginagawa natin sa karaniwang mga araw. Kaya saglit din nating naiiwan ang ating sarili.

Ikalima, sa marami sa atin, hindi na ito ang nakasanayan nating bagong taon. Sa akin, halimbawa, taong 2021 ay pumanaw ang lola ko na nagpalaki sa akin. Bagama’t may mga bagong taon na hindi ko siya kasama dahil nasa Nueva Ecija siya at nasa Valenzuela naman ako, masakit isiping hindi ko na siya makakasama kailanman. Isa pang halimbawa, ang tiyahin ko sa Nueva Ecija. Tatlo lamang sila sa bahay na sumalubong sa bagong taon. Silang mag-asawa at ang bunso nilang anak. Ang dalawang nakatatanda ay may sarili nang pamilya, at sumalubong sa 2022 sa pamilya sa panig ng kanya-kanya nilang asawa. Tatlo lamang silang tao sa kabahayang iyon dahil ang mga tito at tita ko ay sa ibang lugar naman nagdiwang ng pagsalubong. Isang bahay na lamang na may tatlong tao ang dating masiglang kabahayan tuwing bagong taon.

At ikaanim, ang suson-suson nating alalahanin. Iniisip ng pamilyadong indibidwal ang kakainin nila sa unang linggo ng 2022. Sa mga estudyante, alalahanin kahit sa mismong selebrasyon ang laksang gawain na kailangang ipasa sa pagbabalik ng klase. Wala sa atin, sa mababang antas lamang kung meron man, ang ganitong mga alalahanin noong bata pa tayo. Kaya kumpara ngayon, ibayo ang galak natin noon sa Pasko at pagsalubong sa bagong taon.

Ilan lamang ito sa mga salik kung bakit nakadarama tayo ng lungkot sa pagsalubong sa bagong taon. Mababawasan, ngunit marahil hindi na basta mawawala ang lungkot na ito sapagkat nakaugat ito sa sistema ng lipunan. Ang mahalaga sa ngayon, maunawaan nating karaniwan lamang ang ating nadarama. At patuloy tayong umibig, mangarap, at mag-asam ng mas maayang bukas. – Rappler.com

Nagtapos ng Batsilyer ng Artes sa Filipinolohiya sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas at ng Masterado sa Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, kasalukuyang kumukuha ng Doktorado sa Pilosopiya sa Panitikan ng Pilipinas sa UP Diliman si Mark Anthony S. Salvador. Mababasa ang kanyang mga akda sa Kawing, Rappler, Tomas, Dx Machina: Philippine Literature in the Time of COVID-19, Likhaan, Entrada, Tomas, Reflective Practitioner, Pylon, Bookwatch, Liwayway, ACT Forum, at Luntian Journal. Kasapi siya ng Alliance of Concerned Teachers-Private Schools. Kasalukuyan siyang guro sa Departamento ng Filipino sa Pamantasang De La Salle.