COVID-19

[OPINYON] Hanggang kailan tayo nakakulong?

John Lorenz Santos

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Hanggang kailan tayo nakakulong?
'Bagong taon, bagong buhay, sabi nila. Kaso, sigurado nga ba tayo na may bagong buhay pagkatapos ng taong ito?'

Matagal na rin tayong nakakulong, hindi lang natin namamalayan.

Ang tagal na rin pala noong huling beses akong nakalabas. Ang bilis kasi ng panahon, hindi ko na tuloy namalayan. Dumaan na ang aking kaarawan at sinikap namin itong mairaos na kagaya lang din ng mga gawi namin noong mga nakaraang pagdiriwang. Sobrang pasasalamat ko sa bagong taon ng aking buhay; maraming mga pagpapala ang hindi ko inasahan na matatanggap ngayong taon. Dapat nga masaya ako e, pero may kulang. Hindi kumpleto ang aking kaarawan; parang nakakulong kasi tayo.

Nais ko sana na pagkatapos ng pagdiriwang ng aking kaarawan ay ang aking pagsisimba. Kasunod kasi nito ang pagbisita ko rin sa aking namayapang ama at ina sa sementeryo, ngunit hindi iyon nangyari ngayong taon. Sa parte ko, nakalulungkot talaga. Gusto ko pa naman sanang bumisita.

Ang bilis ng panahon ‘no? Parang dumaan nalang bigla. Ang tagal na rin kasi nating nakakulong; bawal kasi lumabas ng bahay dahil napaka delikado. Hindi mo alam kung sino na ang mayroong sakit sa wala pa. Hindi mo alam kung kanino ka makikisalamuha. Wala kang ibang pagpipilian kung hindi ang manatiling nakakulong.

Ilang linggo na lang din at malapit na ang panahon ng kapistahan ng “Todos los Santos” o ‘yong mas kilala ng karamihan sa tawag na Undas. Pero dahil may pandemya ngayon, asahan na nating maaapektuhan din maging ito. May nabasa pa nga ako sa isang artikulo, hindi pa naman pinal ang desisyon ngunit nakalulungkot, may tiyansa kasi na ipasara ang lahat ng mga pampubliko at pampribadong libingan ngayong taon dahil sumang-ayon si Interior Secretary Eduardo Año sa desisyong ito ng ilang lokal na pamahalaan.

Tama nga naman at may punto: isa sa mga mahigpit na ipinatutupad na safety measures ang social distancing upang maiwasan ang hawaan at pagkalat ng sakit. Isipin nalang natin ang pagdagsa ng milyon-milyong pamilya na magtitipon – hindi nito masusunod ang mga pag-iingat na ipinatutupad.

Asahan na nating wala ang mga tipikal na paghahanda at pagbisita na magaganap sa araw na ito. Wala kang makikita na “reunion” ng pamilya o angkan na nagbibigay-pugay, nag-aalay ng bulaklak at pagkain, maging ang mga nagtitirik ng kandila. 

Ganito sana kami ng pamilya ko. Minsan nga’y inaabot pa kami ng kinabukasan sa pagbabantay sa sementeryo – mga bagay na hindi mangyayari ngayong taon dahil nga ito, nakakulong pa tayo.

Mabilis lang ang pagdaan ng panahon. Hindi na rin ako magtataka o magugulat na aabot ang pangyayari na ito maging sa kaarawan ni Hesukristo. Tiyak na ang Pasko rin ay apektado. Sigurado akong hindi na ito magiging kasing kulay at sigla na kagaya ng dati; wala na tayo masiyadong makikita na Christmas lights sa labas, parada ng mga parol, naggagandahang disenyo sa belen, at iba pang mga bagay na naging tradisyon na natin.

Masiyadong advance ang mga bata sa aming lugar; wala pa man ding ‘Ber months ay naririnig ko na sila sa labas ng aming bahay na nangangaroling, ngunit hindi ngayon. Hindi sa ganitong klase ng sitwasyon. Wala na tayong maririnig na kalantsing ng tambourine na gawa sa tansan, tambol na gawa sa lata ng gatas, at mga kabataang umaawit ng kantang pang Pasko.

Marahil ay wala na ring “Misa De Gallo” o Simbang Gabi sa 16 ng Disyembre, wala na akong makikita na mga kabataan na kuntodo porma na pupunta sa simbahan ng alas-kuwatro ng madaling araw. Mga kumukompleto ng 9 na araw ng simba upang (sa paniniwala ng karamihan ay) matupad ang hiling sa ating Panginoon. Wala na rin akong makikita na mga nagtitinda ng bibingka, puto bumbong, at iba pang uri ng kakanin sa labas ng simbahan.

Magiging iba na rin ang hitsura ng ating paghahanda ng “noche buena.” Hindi na kasi makauuwi ang mga kamag-anak natin na nakatira sa malalayong lugar upang samahan tayo na ipagdiwang ang kaarawan ng Panginoong Hesukristo. 

Ganoon din sa “media noche.” Magiging tahimik at iba ito sa kung anong kinalakihan ko. Mabuti na rin siguro at mababawasan ang mga maibabalitang dadalhin sa ospital na sugatan matapos gumamit ng ilegal na paputok; mababawasan ang bilang ng disgrasya. Bawas sa peligro, bawas sa biktima. Ngunit asahan na rin natin na mas tahimik ito, ‘di hamak kung ikukumpara sa nakaraang taon. Mababawasan din ang ingay dulot ng mga batang walang tigil na hinihipan ang kanilang mga torotot.

Hindi rin naman lahat ay may kakayahang maghanda. Wala na munang “queso de bola,” hamon, at 12 uri ng bilog na prutas (na simbolo ng masaganang 12 buwan sa buong taon) sa hapag. Hindi pa kasi kaya ng budget ng karamihan dahil naghihigpit pa ng sinturon, at tiyak mas marami pang dapat unahin kaysa rito. Napakarami kasi ng nawalan ng trabaho dulot nga ng pandemya, kaya’t masuwerte nalang siguro tayo kung mayroon tayong pagsasaluhan sa hapag.

“Bagong taon, bagong buhay” sabi nila. Kaso, sigurado nga ba tayo na may bagong buhay pagkatapos ng taong ito? O parang nakakulong pa rin tayo?

Tama naman na manatili tayo sa ating mga tahanan lalo na sa sitwasyong kagaya nito na may pandemya. Pinakamahalaga ang kooperasyon. Ito ay sitwasyong matagal na, at alam kong tatagal pa. Kung pagbabawalan pa tayo sa paglabas, ayos lang sa akin. Kaya naman ng aking pamilya dahil hindi naman kami gaano nahihirapan, pero papaano ‘yong mga nasa kawalan, ‘yong mga kumukulo ang sikmura na walang laman ang tiyan? Hanggang kailan nila ito mararanasan?

Ngayon, tanging hiling ko nalang ay maging mabilis, mabisa, at kongkreto na ang ginagawang aksiyon ng ating gobyerno. Maibalik na sana ang kulay at sigla ng bawat pagdiriwang na nakasanayan ko, na nakasanayan nating mga Pilipino. Nawa ay bumalik na ang lahat sa dati at tayo ay ligtas nang makalabas. Makalaya na sana tayo. – Rappler.com

Si John Lorenz Santos, 18, ay naging parte ng pahayagang “Ang Bunsamat.” Siya’y isang manunulat mula pa noong pagkabata, na ang nais ay maimulat ang mga kapuwa niya kabataan gamit ang kaniyang mga akda. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!